Napilitang Magnakaw ang Pedicab Driver na Ito Para Lang May Maipakain sa Maliliit na Anak, sa Bandang Huli ay Sumuko na Siya at Napaiyak Na lang Dahil sa Kahirapan ng Buhay

Payapang nakahiga sa ilalim ng hagdan ng overpass si Longlong at malapit nang makatulog isang madaling araw nang bulabugin siya ng kaibigan. Hinampas nito nang marahan ang balikat niya, dahilan upang mapatingin siya rito.

“Longlong, sinwerte daw sina Chuchoy kaninang alas onse,naka-jackpot ng selpon, sabi ko na sayo dapat doon tayo pumwesto eh!” paninisi ng lalaki sa kanya.

“Tanga ka pala, minsanan lang maganda doon! Kadalasan doon puro pulis, pano kung sa kulungan tayo maka-jackpot? Magkano nila naibenta ang selpon?” naiintrigang tanong niya rito.

“2500 daw. Hati sila ni Amvin, tig 1250. Sayang talaga, g*go ka kasi.” nanghihinayang pa ring himutok nito.

Muli niyang inayos ang karton na hinihigaan at itinakip ang braso sa kanyang mga mata upang matulog na, maaga pa siya bukas.

Ganoon ang buhay niya araw araw, nakikipasada lang siya at hindi niya pag aari ang pedicab na ginagamit, taga-padyak sa umaga, snatcher sa gabi. Kung tutuusin ay mas malaki pa ang kinikita niya sa pagnanakaw, one time big time ika nga; samantalang sa pamamasada ay inugat na ang binti niya kakapadyak, kulang pa rin pambili ng ulam.

Sa edad na 23 ay mayroon na siyang dalawang anak, si Jenjen na 4 taong gulang, at ang bagong silang na si Junie. Kahit na dumedede ang bunso sa misis niya ay kulang pa rin ang panggastos nila araw araw, halos wala na nga ring masipsip na gatas ang anak niya dahil hindi naman kumakain ng regular ang kanyang asawa.Payat na payat ang dalawang bata, at ganoon din siya.

May kulay ang buhok, marurumi ang mga paa, humpak ang pisngi dahil sa kawalan ng pagkain. Simula nang mapalayas sila sa tinitirahang iskwater ay dito na sila napadpad sa lansangan.

Advertisement

“Tumahimik ka na diyan, mamayang gabi makaka-dali rin tayo.” sabi niya sa kaibigan para tumigil na ito sa kakukulit sa kanya,

Minsan nahihiling ni Marlon na sana mahaba na lang ang gabi. Kapag gabi kasi, pakiramdam niya hindi sila iba sa lahat. Pantay pantay na natutulog ang mga tao at kahit minsan sa buhay nila, payapa ang dibdib ng kanyang pamilya.

Hindi namo-mroblemang huhulihin ng MMDA, hindi hinuhusgahan ng mga tao, higit sa lahat, hindi umiiyak ang mga anak niya dahil sa pagkalam ng sikmura. Bakit nga ba ang buhay ay hindi na lang pantay?

Nakatulog siya sa isiping iyon. Pagsikat ng araw ay ginising si Marlon ng maingay na pagsigaw ng kanyang misis.

“Longlong! Si Junie! Si Junie tumitirik ang mata!” natataranta ito at umiiyak na.

Napabalikwas ng bangon ang lalaki at agad na kinuha ang bagong silang na sanggol, kulay asul na halos ang bibig nito at tumitirik ang mga mata.Dalawang buwan pa lang ang bata.

Pinagtitinginan sila ng mga dumadaan sa overpass, may mga nakapang-opisina, may mga mukhang mamamalengke, ang iba naman ay dumungaw lang sa kotse.

“Tulong! tulungan nyo kami!” sigaw ni Marlon, bitbit niya ang munting sanggol sa kanyang mga bisig. Pero imbes na kaawaan ay tila natakot pa ang mga tao sa kanya. Dahil ba sa bihis nila? Dahil ba mahirap sila?

Advertisement

Ang mga lumalapit ay nag-uusyoso lang at wala namang balak tumulong, tila tinanggap na nila na mamamatay ang sanggol dahil mahirap lang naman ang magulang nito.

Mabuti na lang at pinuntahan na sila ng mga tanod dahil nagiging sanhi na sila ng eskandalo, dinala nila ang bata sa PGH.

“Aaminin ko, delikado ang lagay ng bata. Na-bakunahan ba siya?” tanong ng doctor.

Umiling ang mag asawa, pang-kain nga wala sila, bakuna pa kaya?

“Kailangan natin mag run ng several tests, para matunton natin saan nanggagaling ang seizure ng bata. May part ng brain niya ang pinagmumulan non so that’s what we have to know..” marami pang sinabi ang doctor na hindi naman nila maintindihan, ang alam lang nila, kailangan ng malaking pera.

Umalis si Marlon sa ospital, kailangang may gawin siya. Tuwing madaling araw lang ang raket niya pero kahit tanghali ngayon ay gagawin niya iyon. Makulong na siya, kailangang mabuhay ang anak niya.

Mula sa isang eskinita, nakita niya ang isang matandang lalaki na papasakay ng kotse nito. Bahala na, kailangan niya talaga ng pera. Humigpit ang hawak niya sa patalim at dahan dahang lumapit.

Agad niyang hinawakan sa braso ang matanda at idiniin ang patalim sa tagiliran nito.

Advertisement

“Pag sumigaw ka,papatayin kita.” sabi niya rito.

“Kanang bulsa, kunin mo na ang wallet ko. Iwanan mo lang ang picture ng anak ko hijo,” kalmadong sabi ng matanda. Hindi kababakasan ng takot ang mukha nito. Mabilis na kumilos ang kamay ni Marlon.

Pagkakuha ng kailangan ay paalis na siya nang biglang magsalita ang matanda.

“T-toy, ito ang number ko, sabihin mo lang kung may kailangan ka pa. Ang taong nagmamahal ay talagang kumakapit sa patalim, sana makatulong iyan sayo.” naaawang sabi nito.

Nagulat ang binata dahil sa kauna unahang pagkakataon, may nagmalasakit sa katulad niya, humarap siya dito nang luhaan ang mga mata.

“Bakit po ang hirap maging mahirap?”

Hinaplos ng awa ang puso ng matandang negosyante, minsan na rin kasi siyang muntik magnakaw, dahil sa anak na may sakit noon. Tinulungan niya si Marlon sa gamutan ng anak nito.

Alam niya, na walang taong masama. Minsan ay nakakagawa lamang ng kasamaan dahil sa pagmamahal.

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!