Kinalimutan ng Lalaki ang Kaniyang Pagiging Ama at Nagpakasaya Bilang Malayang Binata; Magiging Masaya Kaya Siya Hanggang Dulo?

Kinalimutan ng Lalaki ang Kaniyang Pagiging Ama at Nagpakasaya Bilang Malayang Binata; Magiging Masaya Kaya Siya Hanggang Dulo?

FamilyHeartbreakingStories

Hindi gusto ng ama ni Eloisa ang kasintahan ng anak na si Jobert kaya naman kahit nabuntis nang wala sa plano ang anak ay ‘di niya ito hinayaan na magpakasal o magsama man lang sa iisang bubong.

“Huwag ka basta-basta magpapatali nang dahil lang sa may anak kayo. Hayaan mong patunayan niya muna ang sarili niya sa’yo,” mahigpit na bilin ng ama ni Eloisa.

Kahit na hindi magkasama ay maayos pa ang relasyon nilang dalawa nung umpisa. Pinapakita rin ni Jobert ang interes at pagmamahal niya para sa kaniyang anak ngunit bandang huli ay unti-unti nang nanlamig ang binata sa mag-ina hanggang sa hindi na ito nagparamdam pa sa kanila.

Kahit na ganun ay pilit na kinokontak ni Eloisa ang kasintahan ngunit hirap siyang makontak ito. Kung sagutin man ang tawag niya ay kung hindi nagmamadaling ibaba ang tawag ay nagagalit pa ito sa pagtawag niya. Nang dahil doon ay mas naging kapuna-puna para sa dalaga ang mga pagbabago sa kilos ng kasintahan. Nararamdaman niyang nawawala na ang pagmamahal sa kaniya ng kasintahan.

Dahil gulong-gulo na si Eloisa sa sitwasyon nilang magkasintahan ay pinuntahan niya sa trabaho ang nobyo upang personal silang makapag-usap.

Ikinagulat ni Jobert ang pagpunta roon ni Eloisa. Balak pa sana niya itong takasan ngunit wala na siyang nagawa nung magkrus ang kanilang mga mata at agad na lumapit sa kaniya ang dalaga. 

Agad siyang tinanong ni Eloisa sa mga pagbabago niya at sa estado ng kanilang relasyon. Bagamat sinasabi ni Jobert na abala lamang siya sa trabaho ay iba ang nararamdaman ni Eloisa sa mga kinikilos nito kaya naman kinompronta niya ang kasintahan kung mayroon ba itong ibang babae.

Nung umpisa ay tumatanggi pa si Jobert hanggang sa biglang may lumapit na babae at sumali sa kanilang usapan, “Babe, sino siya?”

“Wala lang ‘yan. Dati ko lang kaklase,” sagot ni Jobert habang balisang-balisa at gusto nang mag-aya bumalik sa loob ng opisina.

“Ako nga pala si Rina. Girlfriend ni Jobert,” pakilala ng babae.

“Ganun ba? Gaano na kayo katagal?” tanong ni Eloisa habang pinipigilan ang sarili na maiyak.

“Mag-iisang taon na kami ni babe next week,” pagmamalaki ni Rina.

“Sige. Mauna na ako. Advance happy anniversary na lang sa inyo,” ang sabi ni Eloisa habang masama ang tingin kay Jobert bago umalis.

Pagkatalikod na pagkatalikod ni Eloisa ay biglang tumulo ang kaniyang mga luha. Labis na nasaktan si Eloisa. Hindi niya akalaing magagawa ito ni Jobert sa kanila. Hindi niya akalaing isang taon na siyang niloloko ng lalaking labis niyang minahal. 

Ngunit malaki rin ang kaniyang pasasalamat sa pagtatagpong ‘yun. Dahil dun ay napagtanto niya na wala na talagang pagmamahal sa kaniya ang dating kasintahan kaya sumuko na siya at hindi na muling naghabol pa. Iniayos na lang niya ang kaniyang buhay at mas lalong nagsumikap upang maitaguyod na mag-isa ang kaniyang anak.

Makalipas ang dalawang taon ay muling nagtagpo ang landas nina Eloisa at Jobert. Nakita ni Jobert ang pagpapaalamanan nila Eloisa at ng mga kasama niya sa labas ng isang restawran.

Kitang-kita ang malaking pinagbago ni Eloisa. Tila ba’y umangat na ang kaniyang estado sa trabaho at sa buhay habang si Jobert naman ay pumangit at tumanda ang itsura. Kasalukuyan din siyang naghahanap ng trabaho ngayon dahil sa pagkakatanggal sa kaniya sa dating kumpaniya.

Pagkaalis ng mga kasamahan ni Eloisa ay nilapitan ni Jobert ang dating kasintahan at sinabing, “Aba, ang dami mo atang time. Nakakakain ka pa sa labas kasama ng mga bagong kaibigan mo. Kumusta naman kaya ang anak natin?”

“After how many years bigla mo atang naalala ‘yung anak mo? Bigla ka na lang mawawala kapag gusto mo, tapos bigla ka rin magpaparamdam kapag naisipan mo? Kung talagang may pakialam ka sa bata eh ‘di sana pinupuntahan at kinukumusta mo noon pa lang?” sagot ni Eloisa.

“Paano? Eh ‘di ba ayaw akong makita ng tatay mo? Tapos ako sisihin mo?” buwelta ni Jobert.

“Huwag mong isisi kay Tatay. Kung talagang may pagmamahal ka sa bata at kung talagang gusto mo siyang makasama eh ‘di sana nakipag-ayos ka kina Tatay kagaya ng ginawa ko sa Nanay mo nung ayaw pa niya sa akin. Nagagawan mo naman ng paraan noon eh pero simula nung nagkaroon ka ng ibang babae eh biglang hindi mo na nagawan ng paraan,” ang sabi ni Eloisa.

“Ayaw ko nang pag-usapan ‘yan. Ano bang ginagawa mo rito? Baka pinapabayaan mo ‘yun anak natin ah,” pag-iwas ni Jobert sa sinabi ni Eloisa.

“Mga katrabaho at mga kliyente namin ‘yung kasama ko kanina. At saka ano’ng sinasabi mong pinapabayaan ko ‘yung anak natin? Bago mo ako sitahin sa ilang oras na hindi ko maibigay sa anak natin, bakit hindi mo muna tingnan ung sarili mo. Yung oras na pwede mo sanang naibigay sa anak mo noon eh ibinigay mo pa sa babae mo,” buwelta ni Eloisa.

“Oo na. Nagkamali na ko. Hindi mo na kailangang ulit-ulitin pa ‘yun. Wala na kami ngayon. Gusto ko na sanang makita ulit ang anak natin. Miss na miss ko na siya,” sabi ni Jobert.

“So ngayong wala ka nang babae, may oras ka na uli? Tapos kapag mayroon ka na uling ibang babae, busy ka na uli at hindi mo na uli kayang magpaka-ama? So paaasahin mo lang ‘yung anak natin? Kung hindi mo talaga kayang panindigan ‘yung pagiging ama mo, huwag na. Hindi ka puwedeng basta-basta na lang aalis at babalik sa mga buhay namin kung kailan mo maisipan,” sagot ni Eloisa.

Alam ni Jobert sa kaniyang sarili ang mga pagkakamaling nagawa niya. Alam niya rin wala siyang maitutustos sa kaniyang anak sa kalagayan niya ngayon. Tama rin ang mga sinabi ni Eloisa kaya naman siya ay nanahimik na lamang at hindi na sumagot pa dahilan upang iwan na lang siya ni Eloisa sa gilid ng kalsada.

Mula noon ay hindi na nagkrus pa ang mga landas nila. Gaya ng hindi paggawa ng paraan ni Jobert na ayusin ang relasyon sa ama ni Eloisa ay hindi niya na rin ginawan ng paraan na muling makita ang anak. 

Nang dahil dito ay tuluyang namuhay nang mag-isa si Jobert. Siya ay tuluyang bumagsak sa buhay noong siya ay nagkaroon ng malubhang sakit at walang malapitan. Habang si Eloisa naman ay patuloy na umayos ang buhay at masaya’t masaganang namumuhay kasama ang kaniyang anak.

More Stories