Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Gandang-ganda sa Sarili, Ate? - Inday Trending

Gandang-ganda sa Sarili, Ate?

Malakas ang tindahan ni Aling Bibang kaya may tatlo itong tindera na sina Yannie, Ellaine at Silvia.

Sa tatlo ay si Silvia ang masungit at mataray kapag humaharap sa mga namimili. Laging nakabusangot ang mukha nito kahit sinong magaling na pintor ay mahihirapan itong ipinta ang mukha ng babae. Lagi itong may hawak na suklay at maliit na salamin. Wala na itong ginawa kung ‘di ang manalamin at panay ang ngiti habang kinakausap ang sarili na parang baliw kaya binansagan ito ng mga tambay sa tindahan na GGSS o gandang-ganda sa sarili. Laging sarili nito ang iniisip at hindi ang trabaho. Tuwing may customer ay iritable niya itong hinaharap.

Kahit ang mga tambay sa tindahan ni Aling Bibang ay naiinis sa babae. Hindi na nga kagandahan ang mukha hindi pa maganda ang pag-uugali. Madalas ay hindi nila nilalapitan ang babaeng pinaglihi yata sa sama ng loob.

“Silvia, ngumiti ka naman kasi para lapitan ka naman ng mga namimili. Kami na lang lagi ni Ellaine ang palaging pagod dito,” reklamo ni Yannie.

“Kasalanan ko ba iyon kung ayaw nilang magpa-assist sa’kin.”

“Sino naman ang gugustuhing makipag-usap sa’yo, Silvia. Lagi na lang kasing nakabusangot iyang pagmumukha mo,” sagot naman ni Ellaine sa tonong naiinis.

Hindi na umimik si Sivia. Tumalikod ito at inirapan ang dalawang kasamahan habang nagdadabog at bumubulong-bulong. Kahit ang mga katrabaho ay naiinis sa ugali ng babae. Tatlo silang empleyado sa tindahan pero si Silvia lang ang bukod tanging sumwesweldo ng walang kahirap-hirap.

“Miss. pabili nga ng isang toothpaste,” ani ng babaeng kostumer. “Ah, pabili na rin pala ng sabon at shampoo,” paisa-isang bili nito dahilan upang mas bumusangot ang mukha ni Silvia.

“Ano ba naman iyan? Dapat sabihin mo ng isahan ang mga bibilhin mo para hindi naman ako magpabalik-balik. Nakakapagod,” reklamo ni Silvia na ikinainis ng babae.

“Ay, hindi ko alam, miss, na kasalanan na pala ngayon ng isang kostumer ang bumili ng paisa-isa lalo na’t nagiging makakalimutin ito. Pasensya ka na, ah. Kung ayaw mong napapagod ka dapat ibang trabaho ang pinasukan mo. Obligasyon mong ibigay ang mga bibilhin ko dahil tindera ka. Dapat maging mabait ka sa mga kostumer, ineng, kasi kung wala kami walang kikitain ang tindahan na ito. Hindi ka na nga kagandahan taglay mo pa ang ugaling hindi nakakain ng aso. Mag-manager ka, ineng, para hindi ka mautusan, ah,” anito tsaka binalingan si Yannie. “Ikaw na nga lang ang mag-asikaso sa’kin, hija. Ayoko sa kaniya,” wika pa nito.

Humagalpak naman ng tawanan ang mga tambay dahil napagalitan si Silvia.

“Gandang-ganda sa sarili, ate? Ayan tuloy best in award ka kay Madam Lolit. Ang sungit-sungit mo kasi,” nang-aasar na wika ng mga tambay sa labas ng tindahan.

“Naku! Huwag siyang magsusungit sa’kin lalo na’t wala naman siyang dapat ipagyabang sa itsura niya,” sagot naman ng babaeng tinawag na Lolit ng mga tambay.

Sobra-sobrang kaprangkahan talaga ang ipinamumukha sa kanya ng mga tambay at ni Lolit kaya hindi niya napigilang maiyak at umalis na muna sa tindahan. Nasaktan siya sa mga natanggap niyang pang-iinsulto.

Kinagabihan ay kinausap si Silvia ng kaniyang amo na si Bibang.

“Silvia, noon ko pa naririnig ang sabi-sabi na masungit ka daw sa mga customers natin at hinayaan ko lang iyon. Pero hindi tamang sungitan mo sila lalo na’t wala naman silang ginagawang masama sa’yo. Hindi kita tatanggalin dahil sa nangyari kanina pero pakiusap ko sana, Silvia, ay baguhin mo ang pakikisama sa mga namimili sa’tin kahit tambay pa ang mga iyan. Dahil kung wala sila ay wala ang tindahan ko. Wala tayong kikitain at wala akong maipapasahod sa inyo.”

“Sorry po, ate, pangako magbabago na ako.”

“Dapat lang, Silvia, kung kailangan mo nga talaga ng trabaho. Kung gusto mong respetuhin ka ay matuto ka din sanang rumespeto sa kapwa mo. Nahanap mo na ang katapat mo kanina na si Lolit kaya sana hindi na iyon maulit pa,” pangaral ni Aling Bibang.

Simula nga noong pinagsabihan siya ng hindi maganda ay hindi na siya nagbubusangot, mahaba na ang pasensiya niya sa mga namimili at lagi nang nakangiti si Silvia kapag ina-asikaso ang bibilhin nang customer. Bukod sa nadala siya sa nangyari ay naisip niyang hindi nga maganda ang ginagawa niya noon.

Sabi nga ng karamihan ay magsungit ayon sa kagandahan. Kaya kung hindi ka na nga maganda bumawi ka na lang sa pag-uugali. Dahil kung marupok ang iyong asal kahit maitsura ka pa ay pangit pa rin ang magiging tingin sa iyon ng iba. Pero kung may mabuti kang kalooban lalong kang magniningning sa mata ng iba. Magandang pairalin ang kabutihang asal sa lahat ng pagkakataon dahil ang pisikal na katangian ng tao ay lilipas din samantalang ang magandang pag-uugali ay habang buhay nang nakatatak sa iyong pagkatao.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.