Inapi ng Lalaki ang Delivery Boy, Di Niya Akalaing Napakayaman Pala Nito

Sa kanilang barangay ay tanging si Melchor lamang ang may negosyong mini grocery, kaya naman palagi siyang taas noo dahil ang pakiramdam nya ay siya na ang pinakamayaman sa kanilang lugar. Paano naman kasi, puro iskwater ang mga kapitbahay niya. Hindi na nga siya masyadong nakikipagkwentuhan sa mga ito, ang kinakausap niya lamang nang maayos ay ang kapitan sa lugar na iyon. Ganoon din ang misis niya na akala mo ay donya na kung umasta, tinuturuan pa nga nito ang mga anak na huwag makikipaglaro sa mga batang marurumi at walang pinag-aralan na nasa labas.

Nakalimutan na nila ang kanilang pinanggalingan, si Melchor ay isang high school graduate habang ang asawa nya naman na si Betilda ay hindi pa naka-graduate ng high school, hanggang second year lang ang inabot ng babae. Dating construction worker si Melchor habang si Betilda ay naglalabada lamang sa pamilya ng mga Sanchez, natuwa ang mga ito sa kanya kaya naman isang sabi nya lang noon ay pinahiram na sya ng mga ito ng pangpuhunan sa kanilang negosyo. Ngayon, di na sya kailangang maglabada. Nagbabayad na lamang sila ng monthly sa utang nila sa mga Sanchez.

“Alam mo ba hon, iyong anak ni Mrs. Sanchez ay talagang bulakbol. Palibhasa’y marami silang pera kaya nasanay na nasusunod lagi ang gusto,” kwento ni Betilda kay Melchor isang gabing nagkakape sila, nagbabalik tanaw siya noong naglalaba pa sya para sa pamilya.

“Naku kaya tayo, dapat i-disiplina natin ang mga bata lalo pa ngayong mayaman na ang pamilya natin,” mayabang naman na sabi ni Melchor.

“Oo nga pala, sa isang linggo ay ibigay mo na ang hulog natin sa utang ha. Mahirap na magkalamat tayo sa pamilyang iyon, sayang naman ang koneksyon natin. Ang dali pa namang utuin ng mga iyon, konting paawa ko lang eh bibigay na.” sabi ni Betilda, nang mapasulyap siya sa TV ay saktong saktong ipinakita ang commercial ng isang fast food, bigla naman siyang naglaway.

“Parang masarap ang french fries ano? Magpa-deliver kaya tayo?” lambing niya sa mister. Agad namang tumango ang lalaki. Ito ang first time nilang magpadeliver at tiyak na pagtitinginan sila ng mga kapitbahay pag may tumigil na motor ng sikat na sikat na fast food sa tapat ng bahay nila at may dalang maraming pagkain. Aba, lalong tataas ang tingin sa kanila ng mga tao. Sigurado naman siyang wala pa sa mga hampaslupa niyang kapitbahay ang nakakatikim noon.

“Sige, tatawag ako at magpapa-deliver tayo,” sabi ng lalaki. Agad silang kumontak sa fast food at nag order ng pagkain. Makalipas ang tatlumpung minuto ay may kumakatok na sa harap ng kanilang bahay, si Melchor na ang nagbukas ng pinto dahil naliligo si Betilda.

“Good evening Sir,” nakangiting bati ng binatilyo.

Advertisement

“Dyan nalang,” sabi niya at inginuso dito na sa labas na nito ilapag ang mga pagkain at wag sa loob ng bahay nila. Syempre, dapat makita ng mga kapitbahay. Magalang namang tumango ang binatilyo at sinimulang ilabas ang mga pagkain.

Hindi pa nakuntento si Melchor dahil kaunting kapitbahay palang ang nakatingin kaya naisipan niyang gumawa ng eksena upang magpasikat.

“Bakit tatlo lang ang chicken? Sabi ko diba apat?!” sabi nya na unti unting nilalakasan ang boses.

“S-sir, tatlo lamang po ang nasa resibo, check po natin,” kinakabahang sabi ng binatilyo. Napangiti naman si Melchor, nagsisimula na kasing sumilip ang ilang kapitbahay nya at nakakarinig na siya ng ilang bulungan, “Ang yaman naman ni Melchor apat pa ang manok na binili, hindi ba mahal yun?” sabi ng mga ito.

“Naku hijo, dapat ay chine-check mo yang mabuti. Anong klaseng serbisyo ito? Ganyan ka ba sa customer? May pinag aralan ka ba? Ako kasi meron, hindi mo ako maloloko,” pangmamata nya sa binatilyo, di naman makasagot ang huli kaya nagtuloy sya.

“Sigurado ako kailangan mo ang trabahong to, kaya nga andito ka eh. Yan ang mahirap sa tatanga-tanga hindi muna chine-check ang idedeliver eh, paano yan ngayon? Kulang?” sabi nya, kahit ang totoo ay tatlo lang naman talaga ang inorder nya.

“B-babalik na lang po ako Sir, kaya lang po.. yung.. yung bayad po sana ninyo sa pang apat?” sabi nito na nakaabang.

“Ha? Eh bakit ko iyon babayaran eh kayo ang may kasalanan noon. Marami akong pera dito pero hindi ko babayaran kasi kasalanan ninyo,” inangat pa nya ang ilang isandaang piso na binunot nya sa bulsa.

Advertisement

“Hayaan mo na, umalis ka na sa harapan ko at baka ireklamo pa kita sa manager mo. Sa susunod ha, titingnang mabuti. Mag-aral ka kasi,” sabi niya rito at tumalikod na bitbit ang mga pagkain. Ngiting tagumpay sya.

Makalipas ang isang linggo.

Maagang gumising si Melchor dahil ngayong araw sya magbabayad ng utang sa mga Sanchez, sa totoo lang ay matagal tagal pa bago matapos ang utang nila sa mga ito dahil malaking halaga iyon. Ayos na iyon dahil kumikita naman ang kanilang mini grocery, bukod doon ay sinasadya nyang kaibiganin si Mr. Sanchez para naman sa koneksyon. Syempre ang gusto niya nang kalapit ngayon ay ang mga ka-level nya.

Sumakay sya ng tricycle papasok sa subdivision ng mga ito, pagpasok niya sa bahay ay naabutan niyang nagkakape ang mag asawa. Pobreng-pobre ang mga paa niya nang tumapak sa marmol na sahig ng mga ito.

“O, eto na pala si Melchor!” nakangiting sabi ni Mrs. Sanchez.

“M-magandang umaga ho ma’am,” parang maamong tupang sabi niya rito. Sinenyasan siya ng mga ito na umupo at inalok siya ng kape.

“Napansin mo sigurong ang daming pagkain ano, nagse-celebrate kami eh,” masayang sabi ni Mr. Sanchez.

“Ah, bertdey nyo ho?” sabi niya.

Advertisement

“Hindi ah. Sa tagal na panahon kasing malaki ang problema namin sa bulakbol naming anak, nagbago na sya ngayon. Natuto na sa buhay. Aba’y alam mo bang kung anu-ano ang ginagawa noon sa eskwela, hindi pumapasok, palaging umiinom kasama ang barkada,” sabi ni Mr. Sanchez.

“Naku mahirap nga ho ang ganoon, paano nyo po dinisiplina?” tanong niya.

“Aba pinutol namin lahat ng koneksyon nya. Kinuha namin ang gadget, pera. Kung may gusto syang bilhin, dapat paghirapan nya. Ayun, pumasok sa fast food. Akalain mong natuto sa buhay,” proud na sabi ni Mrs. Sanchez.

“Naranasan niya kasing maapi eh, teka nasaan na ba ang batang iyon? Leila, gisingin mo na nga,” utos nito sa kasambahay na agad namang tumalima. Maya-maya pa ay bumababa na ang binatilyo sa hagdan. Nag ready si Melchor, kailangang pati ito ay makasundo niya, ipapakilala nya ito sa anak niyang dalaga. Instant yaman sya pag nagkataon.

Pero magsasalita pa lamang siya nang bigla niyang mamukhaan ang binatilyo. “Magandang umaga ho sir-“

Ito ang delivery boy na inapi nya!

Ganoon din ang panlalaki ng mata nito, pero tila pinigil nito ang gulat at simpleng ngumiti lang sa kanya. Habang kumakain ay magkatapat pa sila ng upuan, hindi makatingin nang diretso si Melchor. Hiling nya na sana ay lamunin nalang sya ng lupa, pag nalaman ng mag asawa ang ginawa nya sa anak ng mga ito ay paniguradong masisipa sya palabas ng malaking bahay.

“Anak, proud kami ng daddy mo sayo,” sabi ni Mrz. Sanchez.

Advertisement

“Ako rin po, proud sa sarili ko. At doon naman sa nang api sa akin, hiling ko lang na sana ay pareho kaming natuto. Ako natuto na lahat ng bagay ay dapat na pinaghihirapan. Sana natutunan niyang hindi sa pinag-aralan nasusukat ang tagumpay ng tao at kung hindi man nakatapos, wala pa ring karapatan ang kahit sino para manapak ng kapwa.” sabi nito na nakatingin nang diretso sa kanya.

Nasamid naman si Melchor, nagpaalam na sya at agad na umalis sa lugar na iyon. Baon niya ang leksyon na hindi man direktang sinabi ng binatilyo ay alam nyang sa kanya nakalaan.