Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Santa Clara, Bigyan Mo Ako ng Anak - Inday Trending

Santa Clara, Bigyan Mo Ako ng Anak

Lumayo sandali sa ingay si Samuel, sinagot niya ang tawag ng ina dahil nakakalimang missed call na ito.

“Ma, how many times do I have to tell you, no, no, no.” bungad niya kaagad rito.

“Sige na hijo. Give it a try. Mabait itong ini-rereto ko sa iyo. Alam kong maraming beses na akong nagreto at hindi lahat nagwork-”

Pinutol niya na agad ang sasabihin nito, “See? Noong una po ay pinagbigyan na kita. Muntik akong masaksak dahil may toyo pala ang babaeng iyon, tapos iyong pangalawa naman ay isasali lang pala tayo sa networking. Time will come Ma, makikilala ko rin ang babae para sa akin. Wag kang masyadong mag-madaling magka-apo.”

“Aba Samuel, you are not getting any younger. You’re turning 33 this year! Lulubog na ang araw ko ay hindi ko pa nakikita ang aking apo. Nag-iisang anak pa naman kita,”

“Ma, busy pa kasi ako sa company eh. Darating din tayo dyan okay? Sige na, i love you.” lambing niya tapos ay ibinaba na.

Chineck niya ang camera na nakasabit sa leeg. Mataas na ang posisyon niya sa kumpanyang pinapasukan sa Manila pero kapag may bakanteng oras pa ay inilalaan niya iyon sa kanyang paboritong gawin- ang maging photographer. Ngayon nga ay narito siya sa Bulacan, pista kasi ng Obando.

Nakakatuwang kunan ng larawan ang mga taong nagkakasiyahan, lalo na ang mga pares na magiliw na sumasayaw upang humingi ng anak, karaniwan ay galing pa ang mga ito sa malalayong lugar.

Tuloy-tuloy sa pagpindot sa kanyang camera si Samuel nang mapansin ang isang dalaga na masiglang sumasabay sa saliw ng kanta. Nasa gitna pa ito.

Santa Clarang, pinung-pinoAng pangako ko po sa inyo, pagdating ko po sa Obando Ay magsasayaw, ng pandanggo

Hindi niya maiwasang hindi itapat ang camera rito. Maiksi ang buhok nito at naniningkad sa puti ang kutis. Mataray ang bukas ng mukha pero nang ngumiti ay parang nagliwanag ang paligid.

Aruray, araruray Ang pangako’y tutuparin

Kumukumpas pa ang kamay nito. Di namamalayan ni Samuel na maging siya ay nakangiti na rin. Natigil lang siya nang magawi sa direksyon niya ang paningin ng dalaga.

Lagot, baka masapak pa siya ng asawa nito. Hindi naman kasi ito mukhang taga-rito kaya tiyak niyang kasama nito ang mister para humingi ng anak, diba?

Nagkunwari siyang may kinukumpuni sa kanyang camera, nagkandatungo na ang lalaki pero napapitlag siya nang may biglang magsalita sa kanyang harapan.

“Kumusta naman ang mga pictures ko?”

Pag tingala niya ay nakamasid na sa kanya ang babae, taas pa ang isang kilay nito pero nakangiti naman.

“Look miss I’m really sorry. I usually take pictures of random people for my portfolio, if you want, pwede ko namang burahin ang mga kuha ko sayo.” sabi niya, pero ang totoo ay tutol rin ang puso niya roon.

“Nope. You can keep them.” nakangiting sabi nito at akmang tatalikod.

“H-Hey,” tawag niya ulit. Ang kulit ng puso niya! Obvious naman na may asawa ito diba?

“What? Iinvite mo ako for coffee?” dire-diretsong sabi nito. Ganito ba pag kasal na? Wala nang preno!

Diyos ko, Panginoon. Mahal na Hesus. Kasalanan ito. Pero parang pasaway ang puso ni Samuel at dire-diretso na siyang tumango.

Walang sali-salitang hinawakan ng dalaga ang kamay niya at dinala siya sa malapit na coffee shop.

“Margaux.” alok nito ng kamay sa kanya habang hinihintay ang order nilang kape.

“Samuel. Hindi ka taga-rito?” tanong niya.

Umiling ang dalaga habang nakangiti.

Muling nagtanong ang binata, “At ang husband mo? Where is he?”

“Wala.” kibit balikat na sabi ni Margaux.

Napadalas pa ang pagkikita nila, sabi kasi ni Margaux ay isang Linggo pa itong mananatili sa Bulacan. Kaya inextend na rin ni Samuel ang kanyang bakasyon. Ano kaya ang sasabihin ng mama niya pag nalaman nitong tinabla niya ang mga dalagang ipinapa-date nito para sa isang babaeng may asawa?

Ewan niya ba, alam niya namang mali. Hindi niya lang mapigilan. Hindi niya ma-take na iiwan niya si Margaux na mag-isa rito.

Hindi niya pa naranasan, at hindi niya rin pinangarap na maging kabit. Kaya lang mapaglaro talaga ang tadhana kasi parang doon siya mapupunta, nahuhulog na ang loob niya kay Margaux.

Ang isang Linggo ay nadagdagan pa nang nadagdagan. Kapwa nila ayaw lumayo sa isa’t isat, bagamat wala pa namang aminang nagaganap.

“You know we should go back to Manila na diba? Sigurado ako na may buhay kang naghihintay roon,” sabi ng dalaga.

“Ikaw rin naman. S-Sigurado akong may naghihintay sayo,” pinilit ni Samuel na itago ang sakit nang lumabas ang mga salitang iyon sa bibig niya.

Nagulat pa siya nang hawakan ni Margaux ang dalawang pisngi niya, may nangingilid na luha sa mata ng babae.

“Sam, I know sobrang bilis. Pero m-mahal na yata kita..” bulong nito.

Napako sa kinatatayuan niya si Samuel, ang lakas ng tibok ng puso niya. Diyos ko po!

Nang hindi siya sumagot ay hinalikan siya ng babae, napapikit siya sandali. Kung sa ibang pagkakataon sana ay happy ending na. Gustong-gusto niyang sabihing mahal niya na rin ito, yakapin ito. Angkinin. Kung naiba lang sana ang sitwasyon, kung malaya lang sana si Margaux.

Sa isiping iyon ay bigla siyang napakalas. Mali ito.

“I-I’m sorry.” nakatungong sabi niya. Mabilis siyang lumayo at sumakay sa kotse, pinaharurot niya na iyon pabalik ng Manila.

Makalipas ang isang Linggo

Malungkot na tinungga ni Samuel ang huling bote ng alak. Lango na siya at sinadya niya talaga iyon, para paghiga niya ay tulog nalang. Para hindi niya na maisip pa si Margaux.

Para kasi siyang mababaliw, pag naiisip niyang umuwi na ito sa asawa. Ah, ma-swerteng lalaki.

Nagulat pa siya nang mag-ring ang kanyang cellphone. Ang mama niya ang tumatawag.

“Ma?”

“Anak, alam kong may pinagdaraanan ka. Just know na pwede mong sabihin sa akin yan-“

“Ma, available pa ba iyong inirereto mo sa akin?” bigla niyang tanong. Hindi niya naman gusto ng nobya, kailangan niya lang talaga ng makakausap. Malay mo, malimutan niya si Margaux.

“S-sigurado ka ba?”

“Yes ma.”

Kinabukasan ay maagang umalis sa trabaho si Samuel,ngayon na kasi ang date niya sa inirereto ng ina. Ayon sa babae ay doon na raw sila magkita sa restaurant.

Tulala pa siya sa table napkin nang mapansin ang isang pigura sa kanyang harapan.

“Ikaw?” sabi ng pamilyar na boses ng babae.

Unti-unting tumingala si Samuel at nagulat siya sa kaharap, si Margaux!

Tulad niya, may kung anong lungkot rin sa mga mata nito. Namumugto pa nga, galing siguro sa iyak.

Napatayo si Samuel, “A-anong ginagawa mo rito?”

“Ka-blind date ko ang anak ni Tita Chanda, a good family friend-“

“Mommy ko? Ikaw ang inirereto sa akin ng mommy ko?”

Bumuntong hininga si Margaux, “Hindi ko alam kung pinaglalaruan ninyo akong mag ina. Matagal na akong irereto raw niya sa anak niya, dahil nga may sakit ako. May problema ako sa matris kaya kapag hindi pa ako nagkaanak sa loob ng dalawang taon ay baka di na ako magbuntis. Iyon ang dahilan kung bakit ako nasa Obando, humihingi ng tulong.

Di ko alam na ikaw ang anak ni tita Chanda. Ikaw na nagpaasa sa akin at sinaktan ang puso ko. Kung alam ko lang, hindi na sana ako pupunta rito,” matigas na paliwanag nito.

“W-Wala kang asawa?!” gulat na sabi ni Samuel. Lord, ang puso niya.

“Asawa..baliw kaba? Diba nung tinanong mo ako sa Bulacan sabi ko wala-ibig sabihin wala!”

Pagkarinig noon ay bigla niya na lamang niyakap si Margaux, “Oh God I’m so stupid.”

Sa wakas ay nagkaaminan rin ng damdamin, isang malaking misunderstanding lang pala ang lahat. Buti nalang ay gumawa pa rin ng paraan si Kupido upang muli silang magkita.

Matapos ang isang taon ay nagpakasal ang dalawa at ngayon ay mayroon nang dalawang anak.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.