Kinagalitan ng Ina ang Anak Dahil Nakikipag-basag Ulo Ito; Ang Tanging Layunin Lang pala ng Anak ay ang Matulungan ang Kaniyang Ina

Kahit ilang beses pang ulitin ni Becky ang kaniyang pagkwekwenta ay pareho lang ang lumalabas na resulta, maliit lang ang kaniyang kinita mula sa pagtitinda niya ng mga gulay sa palengke para sa linggong iyon.

“Mukhang kailangan kong maghanap ng dagdag na mapagkakakitaan. Hindi sapat ang kinikita ko para sa mga bayarin namin ngayong buwan,” bulong ni Becky sa kaniyang sarili.

“Nay, sabi nga po pala ni Aling Rosing kailangan na nating bayaran yung tatlong buwang utang natin sa renta kung hindi ay palalayasin na niya tayo dito. Ito nga po pala yung mga disconnection notice natin sa kuryente at tubig. Nakita ko pong nakasuksok iyan sa butas ng gate natin,” sambit ni Rogelio, ang nag-iisang anak ni Becky.

Napabuntong-hininga na lamang si Becky nang inabot niya ang mga bayarin mula sa kaniyang anak. Hindi niya alam kung saan niya dudukutin ang ipangbabayad niya sa mga ito. Mukhang mapipilitan silang magtiis ng walang kuryente at tubig sa mga susunod na araw.

“Nay, tumigil na muna po kaya ako sa pag-aaral. Maghahanap na lang muna po ako ng trabaho para makatulong ako sa mga gastusin natin,” suwestiyon ni Rogelio sa kaniyang ina.

“Anak, iyan ang huwag na huwag mong gagawin. Kaya ko pa. Magagawan ko pa ng paraan. Isa pa, dalawang taon na lang at gagradweyt ka na sa kolehiyo. Sayang naman kung hihinto ka,” tugon ni Becky sa kaniyang anak.

Ayaw ni Rogelio na masyadong magpakapagod ang kaniyang ina para lang mabuhay sila. Baka magkasakit lang ito kung patuloy nitong aabusuhin ang kaniyang pangangatawan kaya kailangan ay makahanap din siya ng paraan para matulungan niya ang kaniyang ina.

Isang araw ay umuwi si Rogelio na masakit ang buong katawan May malaki din siyang pasa sa kaniyang kaliwang mukha.

Advertisement

“Bakit may pasa ka sa mukha? Nakipag-away ka ba? Pag-aaral mo ang atupagin mo imbes na ang pakikipagbasag ulo!” galit na galit si Becky habang ginagamot niya ang kaniyang anak.

Tahimik lang si Rogelio habang pinakikinggan ang mahabang sermon ng kaniyang ina. Hindi niya sinasagot ang mga tanong nito. Pag nalaman ng nanay niya kung paano niya nakuha ang pasa niya sa mukha ay siguradong lalo lang itong magagalit sa kaniya.

Ngunit ilang araw pa lang ang lumilipas ay muli na namang nasangkot si Rogelio sa panibagong kaguluhan kaya dismayadong-dismayado si Becky sa kaniyang anak.

“Ano bang nangyayari sa’yo? Bakit ka nagkakaganyan? Sinisira mo ba ang buhay mo? Ang dami-dami ko na ngang pinoproblema dadagdag ka pa! Buti na lang at pinahiram ako ng kumare ko ng perang pangbayad dito sa ospital dahil sa totoo lang said na ang bulsa ko!”

Pagod na umuwi si Becky matapos niyang magbenta sa palengke. Buti na lamang ay naisipan niyang magbenta rin ng mga kakanin maliban sa pagbebenta ng gulay. Kung hindi ay hindi sya makakaipon ng pambayad sa renta.

Pagdating niya sa bahay ay may nadatnan siyang isang binata na katok nang katok sa kanilang gate.

“Hinahanap mo ba si Rogelio, hijo? Mamaya pa ‘yun darating. Mabuti pa ay pumasok ka na muna,” aya ni Becky sa binata.

“Matatagalan pa po ba siya? Hindi din po kasi ako pwedeng magtagal dahil baka maiwanan ako ng barko na babyahe pauwi ng probinsya. Maaari po bang iparating niyo na lang ang mensahe ko sa kaniya?”

Advertisement

Nakagalitan ni Becky ang anak sa pag-aakalang nagiging basagulero na ito gayong inosente pala si Rogelio. Nais ng binata na humingi ng tawad sa pangbubugbog na ginawa niya kay Rogelio noong isang araw. Matindi ang kalasingan niya noong araw na iyon at napikon siya sa walang tigil na pang-aasar ng kaniyang mga kainuman. Iniinsulto siya ng mga ito dahil sa maaga niyang pagkaka-knockout sa isang kompetisyon sa boksing na kaniyang sinalihan sa kanilang barangay. At dahil si Rogelio ang naka-knockout sa kaniya ay ginantihan niya ito. Panay pagsangga lang ang ginawa ni Rogelio. Hindi siya lumaban ng suntok.

“Ito lang po ang perang hawak ko sa ngayon. Dadagdagan ko na lang po kung kulang pa ‘yan sa ginastos niyo sa ospital pag nakabale na ko sa trabaho ko. Ipapa-LBC ko na lang po. Paumanhin po uli sa kasalanang nagawa ko,” muling paghingi ng tawad ng lalaki matapos iabot ang sobre na naglalaman ng pera kay Becky.

Nang dumating si Rogelio sa bahay ay agad na humingi ng patawad si Becky. Inusisa din niya ang anak kung bakit ito sumali sa boksing.

“Huwag po kayong mag-alala, Nay. Hindi na ako sasali ulit. Maghahanap na lang ako ng part-time job. Na-enganyo lang naman po akong sumali kasi kahit matalo ka may matatanggap ka pa ring pera. Alam kong kailangang-kailangan natin ng pera kaya sumali ako. Gusto ko po kayong tulungan. ‘Yung perang napanalunan ko pinambayad ko po ng renta. Bayad na rin po yung ilaw at tubig,” paliwanag ni Rogelio sa kaniyang ina.

Maswerte si Becky kay Rogelio. Likas na mabait at matulungin ang kaniyang anak. Anumang problema ang dumating ay makakayanan niya dahil hindi siya nag-iisa. Kaagapay niya ang kaniyang anak sa pagharap sa bawat pagsubok ng buhay.