Matagal na Nagkawalay ang Mag-Lola Kaya Hindi Niya Alam Kung Paano ang Naging Buhay ng Apo; Ikinagulat Niya Nang Matuklasan ang Nakaraan Nito

Matagal na Nagkawalay ang Mag-Lola Kaya Hindi Niya Alam Kung Paano ang Naging Buhay ng Apo; Ikinagulat Niya Nang Matuklasan ang Nakaraan Nito

FamilyLoveStories

“Sir, pakawalan niyo na ko. Hindi niyo naman ako puwedeng ikulong eh,” sambit ni Ana sa mga pulis.

“Iyan ang hirap sa inyong mga kabataan eh. Ganoon niyo na lang kadaling takasan ‘yung mga maling ginawa niyo. Maghintay ka riyan at may susundo sa’yo,” tugon ng pulis.

Ilang saglit pa ay dumating ang isang lola sa istasyon at hinahanap ang apo niyang pitong taon nang nawawala. Pagkakita niya kay Ana ay agad niya itong namukhaan. Nilapitan niya ito at niyakap nang umiiyak.

“Apo ko! Matagal ka na naming hinahanap. Sa wakas at nakita na rin kita!” hiyaw ni Lola Aurora.

Ikinagulat ito ni Ana. ‘Di niya inasahan na muli pa siyang makakabalik sa kaniyang pamilya matapos niyang mawala sa Divisoria noong pitong taong gulang pa lamang siya. Nang dahil dito at dahil sa bata pa lamang siya noon ay hindi niya masyadong mamukhaan ang kaniyang lola kaya naman naiilang siya sa pagyakap nito sa kaniya. 

Tinanggal niya ang pagkakayakap sa kaniya ng kaniyang lola at inaya itong umuwi upang makaalis na sa presinto. Pinauwi rin sila ng pulis sapagkat wala pa sa hustong gulang si Ana upang ikulong at unang beses pa lamang siyang nahuli sa pagnanakaw. Binilinan na lamang siya ng pulis na ‘wag nang uulit pa.

Pagkauwi nilang ng bahay ay tinanong ni Ana kung nasaan ang kaniyang mga magulang sa pagtataka kung bakit ang lola niya ang sumundo sa kaniya imbes na sila. Kaya naman ipinaalam na ni Lola Aurora ang nangyari sa kaniyang mga magulang. Ayon kay Lola Aurora ay hindi kinayanan ng kaniyang ina ang pagkawala niya kaya bandang huli ay nagkasakit ito at pumanaw. Ang ama naman niya, nang mawala ang ina ay nawalan na ng pag-asang mahahanap pa siya kaya nagpakalayo-layo na ito at wala nang balita ang kaniyang lola rito.

Hindi alam ni Ana kung ano ang dapat na maging reaksyon niya. Naguguluhan siya sa mga nangyayari at para bang bago ang lahat sa kaniya kaya naman inaya na lamang niyang kumain ang kaniyang Lola.

Sa unang gabi niya roon ay napansin ng Lola kung gaano kagutom ang kaniyang apo na para bang hindi nakakakain nang maayos sa pinanggalingan niya kaya naman nagdagdag pa siya ng mga pagkaing niluto. Napansin din niya na noong kinagabihan ay bumangon pa ito sa higaan upang magtago ng mga pagkain na para bang takot maubusan at wala nang makain sa susunod na araw. Kaya naman kinabukasan ay dinamihan pa niya ang kaniyang pinamalengke at nagluto nang marami at masasarap na mga pagkain. 

Binilhan niya rin ang kaniyang apo ng maraming mga damit at mga gamit na kakailanganin nito. Inasikaso niya ang apo na para bang prinsesa. Sinubukan niyang bawiin ang mga taong sila ay nagkawalay kaya ibinuhos niya ang ilang taong pagmamahal at pag-aalaga na hindi niya na ibigay sa kaniyang apo noon.

Noong una ay ikinailang ito ni Ana sapagkat hindi siya sanay na mayroong nag-aalaga sa kaniya. Siya kasi ay nasanay sa malupit na mundo sa kalsada. Nasanay siyang makipaglaban at maging matigas upang mabuhay. Ngunit dahil sa patuloy na pag-aalaga at pagtitiyaga sa kaniya ni Lola Aurora ay unti-unti nang lumambot ang kaniyang puso para rito. Inayos niya na ang trato niya rito at trinato bilang lola.

Sa kalagitnaan, nang umaayos na relasyon ng mag-lola ay biglang may nagbalik mula sa nakaraan ni Ana. 

Pinuntahan siya ng dati niyang boss sa sindikato na si Boss Berto nung umalis ang kaniyang lola upang mamalengke. 

“Ang ganda na ng buhay mo ngayon ah. Sa sobrang ganda nalimutan mo na ‘yung pagkakautang mo sa’kin nung mga panahong wala kang makain,” sabi ni Boss Berto.

“Hangga’t hindi mo pa nababayaran ang lahat ng ‘yun ay kailangan mo pang magtrabaho sa akin. Bumalik ka kung ayaw mong masaktan ang lola mo,” banta pa ni Boss Berto kay Ana.

Nang dahil dito ay napilitan si Ana na bumalik sa maling gawain. Napansin ni Lola Aurora ang mga pagbabago sa kilos ng kaniyang apo kaya naman isang araw ay sinundan niya ito.

Nagulat siya nang makita na nagnanakaw si Ana. Pipigilan niya na sana ito ngunit napakabilis ng kilos nito na halatang eksperto sa kaniyang ginagawa. Kahit na ganoon ay pilit niyang hinanap ang kaniyang apo. Bandang huli ay nakita niya ito sa isang eskinita kung saan inaabot nito sa isang lalaki ang kaniyang mga nakulimbat. Hindi niya nagawang lapitan ang apo dahil bigla siyang kinabahan at kinutuban. 

Kinahapunan nang parehas nang nakauwi ang mag-lola ay inoobserbahan ni Lola Aurora ang kaniyang apo ngunit hindi siya nagpapahalata rito. Si Ana naman ay malalim ang iniisip kung paano makakakalas sa sindikato sapagkat nais niya nang ayusin ang kaniyang buhay kasama ng kaniyang lola.

Sa kaniyang pag-iisip ay bigla niyang naalala ang nabanggit ng kaniyang Lola tungkol sa perang itinatabi nito para sa kaniyang kinabukasan. Naisip niyang kunin ito upang ipambayad kay Boss Berto at makipagkasundo na ito na ang huli nilang transaksyon.

Nang dahil dito ay sinamantala ni Ana habang abalang nagliligpit si Lola Aurora sa kusina. Pumasok siya silid nito upang kuhain ang naitabing pera. Lingid sa kaniyang kaalaman ay nakasunod at nakamatiyag lamang sa kaniya ang kaniyang lola. Ikinagulat ni Lola Aurora nang makitang kinukuha ng kaniyang apo ang naitabi niyang pera ngunit hindi niya gustong husgahan agad ang apo. 

Maya-maya ay narining niyang humihikbi si Ana at nagsasabing: “Sorry po, Lola. Kailangan na kailangan ko lang po para makaalis na ako sa sindikato at malayo kayo sa kapahamakan. Ayaw ko na rin po kasing magnakaw. Gusto ko na pong ayusin ‘ang buhay ko kasama ka, Lola.”

Kinabukasan ay nagpanggap si Lola Aurora na may pupuntahan kaya naman sinamantala ito ni Ana upang makipagkita kay Boss Berto at gawin ang huli niyang transaksyon dito. ‘Di niya alam na nakasunod sa kaniya ang kaniyang Lola na may kasamang mga pulis.

Sa kalagitnaan ng kanilang transaksyon ay hinuli ng mga pulis si Boss Berto at mga tauhan nito. Nang dahil kay Lola Aurora ay nahuli ang isang sindikato sa kanilang lugar at napalaya rin ang mga batang ginagamit nila sa pagnanakaw. Ang mga batang ito ay inasikaso ng DSWD habang si Ana naman ay uuwi sa kaniyang Lola ngunit siya ay isasailalim sa programa ng Social Welfare dahil napatunayan na muli siyang nagnakaw nung mga nakaraang araw dahil may mga nagreport din nito sa presinto. Ito naman ay makakabuti sa kaniya upang maayos niyang muli ang kaniyang buhay.

‘Di nagtagal ay unti-unti nang umayos ang buhay ni Ana sa tulong ng kaniyang lola at mga tao sa kaniyang paligid. Siya ay nagbalik din sa pag-aaral at pinaghusayan niya nang mabuti upang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang mahal na lola balang araw.

More Stories