Pinagkamalan ng Lola na Unang Pag-Ibig Niya ang Lalaking Kasa-kasama sa Araw-araw; Ikinagulat Niya na Ibang Lalaki Pala Ito

Pinagkamalan ng Lola na Unang Pag-Ibig Niya ang Lalaking Kasa-kasama sa Araw-araw; Ikinagulat Niya na Ibang Lalaki Pala Ito

HeartbreakingLoveStories

“Mahal kong Lupe, gising ka na. Pinagluto kita ng paborito mong arroz caldo para sa agahan,” ang sabi ng asawa ni Lupe.

“Ikaw talaga, hindi mo na lang ako ginising para ako ang nagluto ng agahan natin. Parati mo na lang itong ginagawa baka mawili ako,” ang sabi ni Lupe.

“Ayos lang mahal ko. Hindi ako magsasawang gawin ang lahat para sa’yo,” ang sabi ng asawa ni Lupe bago ito halikan sa noo.

Matapos tulungang makabangon sa kama at makapag-ayos ang asawa ay magkasama silang pumunta sa hapag kainan na inihanda ng asawa ni Lupe. 

Pinaupo siya nito sa kaniyang silya bago ilapag ang mangkok ng arroz caldo sa kaniyang harapan na may kasunod na pag-abot ng pulang rosas.

Napangiti si Lupe at nagpasalamat sa kaniyang asawa.

“Ikaw talaga Roman, kahit kailan ay hindi ka talaga maubusan ng gimik sa pambobola sa akin. Siguruduhin mo lang na ganyan ka pa rin pagkatapos nating ikasal sa susunod na linggo,” ang sabi ni Lupe.

Biglang nawala ang ngiti sa mga labi ng kaniyang asawa. Bigla itong tumalikod sa kaniya at nagpanggap na may naiwan sa kanilang silid. 

Sinundan siya ni Lupe at napansin nito ang bahagyang pagpupunas niya sa kaniyang mga mata kaya naman tinanong siya nito kung mayroon bang problema ngunit itinanggi ito ng kaniyang asawa.

“Naku! Mahal, wala ito. Napuwing lang ako habang inaabot ko itong gamot mo. Ayos lang ako. Bumalik na tayo doon at baka lumamig pa ang pagkain natin,” pag-aya ng kaniyang asawa kay Lupe.

Matapos makapag-almusal ay nag-asikaso na ang mag-asawa sa kanilang mga gawain na nakasanayan sa araw-araw.

Ipinagpatuloy ni Lupe ang kaniyang binuburdang panyo habang ang kaniyang asawa ay nag-aasikaso sa kanilang hardin.

Makalipas ang ilang oras, nang makatapos silang kumain ng tanghaliang ihinanda ni Lupe ay nagpresinta na ang kaniyang asawa na magligpit at maghugas ng kanilang pinagkainan. Kaya nanuod na lamang si Lupe ng sinusubaybayan niyang teleserye habang nagpapahinga at ‘di niya napansin na nakatulugan niya na ito.

Nagising si Lupe sa iyak ng isang batang babae. Pamilyar ang iyak nito kaya agad niya itong pinuntahan. Pagkakita niya rito ay agad niya itong niyakap at pinatahan.

“Anak, tahana na. ‘Wag ka nang umiyak. Ipapaayos na lang natin kay Papa mo ‘yang nasira mong laruan,” ang sabi ni Lupe sa apong pinagkamalan niyang anak.

Ilang saglit ay dumating na ang ina ng bata kasama ang asawa ni Lupe sa silid na bigla niyang ikinagulat.

“Roman? Bakit ka nandito?” nagtatakang tanong ni Lupe.

“Mahal ko, ako ‘to. Ang asawa mo,” maluha-luhang sagot ng kaniyang asawa.

“Ikaw ang ama ng batang ‘to? Ng anak ko? Paano nangyari ‘yun? Paano tayo naging mag-asawa? Eh ‘di ba hindi ka sumulpot sa kasal natin dahil nabuntis mo ‘yung matalik kong kaibigan?” naguguluhang sinabi ni Lupe.

“Mama, hindi mo na naman po ba maalala si Papa? Siya po ‘yung asawa mo na si Berting. Hindi po siya si Roman na first love mo!” bulalas ni Bernice habang tinuturo ang amang si Berting na asawa ni Lupe.

Napaisip si Lupe ng ilang sandali hanggang sa nakilala ang anak niyang si Bernice. Ngunit pagdating sa lalaking nasa harapan niya ay pinaniniwalaan pa rin niyang si Roman ito.

“Paano ka naging si Berting? Hindi ba’t sa tuwing tinatawag kitang Roman ay hindi ka naman kumukontra? At saka si Roman lang naman ang nagbibigay sa akin ng pulang rosas. Simula nang maghiwalay kami ni Roman ay kinamuhian ko na ang rosas kaya kahit kailan ay hindi ako binigyan ni Berting nun gaya nang ginagawa mo. Hindi ikaw si Berting,” giit ni Lupe.

“Matiyaga ang asawa kong ‘yun. Hindi ‘yun puro bigay lang ng rosas at pambobola. Kahit na ilang ulit ko siyang tinanggihan ay paulit-ulit niya akong sinuyo at parati niya akong inaalagaan. Pinaramdam niya sa akin na karapat dapat akong mahalin at hindi dapat lokohin. Kakaiba nga manuyo ‘yun dahil araw-araw niya akong pinagluluto ng iba’t-ibang mga pagkain. Lalo na ‘yung paborito kong luto niya ng arroz caldo,” ang sabi ni Lupe habang biglang napapaisip.

Bigla niyang naalala na pinagluto siya ng lalaking nasa harapan niya ng kaparehas na lasa ng arroz caldo na luto ni Berting. Nagtaka siya sapagkat alam niyang hindi naman marunong magluto si Roman. 

Sa kaniyang pag-iisip ay napatangin siya sa paligid at nakita niya ang larawan ng kanilang kasal. Nakita niya ang batang itsura ni Berting at muli niyang tinignan ang lalaki sa kaniyang harap.

“Berting? Asawa ko?” naguguluhang binigkas ni Lupe.

“Oo, mahal kong Lupe. Ako ‘to ang asawa mong si Berting. Akala ko ay tuluyan mo na akong makakalimutan dahil sa pag-aakalang mas mahal mo si Roman. Akala ko ay hindi mo napapansin ang pagmamahal ko para sayo,” maluha-luha sa galak na sinabi ni Berting.

“Patawarin mo ako, asawa ko kung nakakalimot at nalilito na ako sa edad nating ito. Basta lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita at lubos ang pasasalamat ko sa pagmamahal na binigay mo sa akin. Marahil ay naaalala ko lamang si Roman dahil sa masamang alaala na iniwan niya sa akin. Pero ikaw lang ang habang buhay kong pipiliin at mamahalin. Kaya kung maari lang na sa tuwing nagkakamali ako ng pagkakakilala sa;yo ay agad mo akong itama upang hindi ako lalong malito pag dating ng araw,” pahayag ni Lupe.

Mula noon ay hindi na nagpanggap si Berting bilang si Roman sa tuwing nagkakamali nang pagkakakilala si Lupe sa kaniya. Nang dahil doon ay mas naging madalang na sa pagkakamali si Lupe na ikinatuwa naman ni Berting. Muli silang bumuo ng masasayang alaala nang magkasama bilang sina Lupe at Berting na tunay na mag-asawa.

More Stories