Araw-araw Bumibili ng Bulaklak ang Lolo Para sa Kanyang Misis; May Itinatago Pala Itong Masakit na Nakaraan

Mag iisang buwan nang nagtatrabaho sa flower shop si Becca, paborito niya rin kasi ang mga bulaklak kaya nag-eenjoy siya sa trabaho. Bukod doon, kailangan niya ring makatulong sa kanyang magulang habang bakasyon, kaysa wala siyang ginagawa sa bahay ay mabuti na itong kumikita siya ng pera.

Para pagdating ng pasukan, may maidaragdag siya sa pambili ng gamit niya sa eskwela, o kahit pambaon niya man lang. Panganay siya at may isa pang kapatid na nasa high school. Habang siya naman ay nasa ikatlong taon na ng kolehiyo.

“Tatlong rosas hija, tulad pa rin ng dati. Ilagay mo sa violet na wrap at paki-ribbon mo ng dilaw,” nakangiting sabi ni Lolo Bert, isa sa mga suki ng flower shop.

Napangiti naman si Becca, halos araw-araw kasi ito kung bumili sa kanya. Walang palya.

“Naku, ang sweet-sweet nyo naman po lolo, siguro tuwang-tuwa po ang misis ninyo,” sabi niya rito habang ginugunting ang ilang sumobrang dahon sa mga rosas na pinili nito.

“Sana nga matuwa siya hija,” parang nangangarap na sabi nito. Nakakataba lang talaga ng puso na makakita ng mga matatandang nagmamahalan, sila ang buhay na patunay na mayroong forever. Sa panahon kasi ngayon, ang hirap nang makahanap ng seryosong pag-ibig. Kaunting kibot ay hiwalay agad, suko agad. Kaya naman saludo si Becca kay Lolo Bert.

Nang matapos siyang ayusin ang bulaklak ay kumuha na ang matanda ng pangbayad, hirap na hirap itong bilangin ang pera na kinuha nito sa bulsa. Talagang matikas lang si Lolo Bert pero sa tantya ni Becca ay nasa 80 years old na ito.

“Ingat po kayo!” sabi ni Becca dito. Maya-maya pa ay dumating na ang kasama niyang magtinda sa flower shop, si Aling Syoni. May edad na ito at nakasalubong pa ni Lolo Bert.

Advertisement

“Bumili na naman?” natatawang sabi nito, umiiling iling pa.

“Oo, ang swerte nga kako ng misis niya kasi araw-araw niyang binibilhan ng bulaklak. Nakakakilig sila kasi hindi kumukupas ang pag ibig nila.” nakatanaw pa siya kay Lolo Bert habang nagsasalita. Taga-kabilang barangay pa ito pero talagang dumadayo dahil sila lamang ang may flower shop sa lugar na iyon.

“Dapat ganyang lalaki ang hahanapin mo Becca, iyong araw araw kang bibilhan ng bulaklak at di magsasawa sa iyo. Ako eh minalas sa asawa. Naku! Nakakita lang ng mas bata eh pinagpalit na ako, ayun sumakabilang bahay na.” sabi ni Aling Syoni.

“Kayo naman Aling Syoni, may magagandang anak naman kayo. Hayaan nyo na,” sabi niya rito at tinapik pa ang balikat ng ale.

Kinabukasan ay mas maagang bumili ng bulaklak si Lolo Bert. Ayos na ayos ito, naka-pomada ang buhok, nakasuot ng formal na damit at isang bungkos ng bulaklak ang binili. Naisip ni Becca na baka anniversary nito at ng asawa.

“Aba, mukhang espesyal ang araw na ito ‘Lo ah,” bati niya.

“Oo, birthday niya eh..” sabi nito, kasunod ng pagngiti ay napalitan ng malungkot na ekspresyon ang mukha, tapos ay itinuloy ang sinasabi.

“..at death anniversary niya rin.”

Advertisement

Nagulat si Becca sa narinig sa matanda. Ayaw niya sanang mag-usisa kaya lang ay talagang napukaw ang interes niya, kung patay na pala ang misis nito, bakit araw-araw pa rin itong nagdadala ng bulaklak?

“Huwag ninyo po sanang mamasamain lolo. Kung..kung wala na po pala si Lola bakit po nagdadala pa kayo araw araw ng bulaklak?” tanong niya.

“Paborito niya ang mga rosas,” nakangiti ito, tapos ay nagpatuloy.

“Naging masama akong asawa sa kanya- nambabae ako, basta lahat ng klase ng kalokohan yata ay ginawa ko na pero hindi niya ako iniwan. Mahal ko naman siya pero ewan ko ba, dala na siguro ng aking kabataan noon. Nang matauhan at magbago ay doon naman namin nadiskubre na may tumor siya sa utak. Huli na para maiparamdam kong mahal ko sya. Kaya nangako ako sa Diyos at sa sarili ko, at sa kanya na rin, na habang nabubuhay ako ay babawi ako sa kanya,”

Mabilis na pinahid ni Becca ang butil ng luhang pumatak sa kanyang mga mata dahil ramdam niya ang lungkot, pangungulila at pagsisisi na dinadala ng matanda. Hiling ni Becca na sana ay nakikita ng misis ni Lolo Bert ang mga ginagawa ng matanda at sana ay napatawad na ito ng babae.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page. Para mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.