Ako ang Nagkasala!

“Huy! Narinig mo na ba ang balita? Inaresto raw ng mga pulis si Mang Gener kagabi ah!” gigil na kwento ng isa sa mga tsismosang kapitbahay sa Barangay San Isidro.

“Nako! Kanina pa nga kita hinahanap at ikukwento ko sa’yo! Aba, akalain mo nga naman. Ang bait-bait noong si Mang Gener, tapos malalaman kong nanggahasa raw ng menor de edad!” sagot ng isa pang tsismosa. Alas sais pa lamang ng madaling araw ang buhay ng ibang tao ang hilig na gawing almusal ng mga aleng ito.

“Ewan ko ba! ‘Di pa rin ako makapaniwala. Pagkabait-bait nun e. Hindi ko akalain!” anito.

Nagimbal nga ang buong Barangay San Isidro nang bigla na lamang daw umamin ang matandang lalaking si Mang Gener sa panggagahasa sa isang dalagita. Matagal nang pinaghahahanap ng kapulisan ang tunay na may sala, kaya naman laking gulat ng buong sambayanan nang maulinigang si Mang Gener ang mismong umamin na siya ang may sala.

Mula binata hanggang magretiro, nagtrabaho bilang isang seaman sa ibang bansa itong si Mang Gener. Marami ang hanga sa kanya dahil sa kabila ng pag-iwan at pag-abandona sa kanya ng apat na anak niya matapos pumanaw ang kanilang ina ay hinding-hindi ito nagtanim ng sama ng loob. Kahit pa buong buhay niya’y inilaan niya sa pagtatrabaho sa ibang bansa para lamang mabigyan ng maganda at masaganang buhay ang pamilya niya.

Katunayan, hindi lamang siya inabandona ng apat niyang anak. Matapos nilang huthutan ng milyong-milyong piso ang ama nilang si Gener, ang tanging natitirang kayamanan ng matanda na ang bahay na ipinundar niya noong kalakasan niya pa ay isinanla pala ng bunso niyang anak sa isang kilalang bangko. Dahil naubos na ang perang ipon ng matanda nang dahil na rin sa iba pa niyang mga anak, wala na itong maipambayad sa bahay kaya naman malapit na itong maremata.

Gayunpaman, sa kabila ng mga panloloko at pang-iiwan sa kanya ng apat niyang anak ay hinding nagtanim ng kahit na anong sama ng loob itong si Mang Gener. Madalas pa nga niyang ipagmalaki ang apat na ito sa mga kapitbahay niya.

Naging kilala rin si Mang Gener sa lugar nila dahil sa likas nitong pagiging matulungin. Kahit barya na lamang ang natitira sa kanya, sa tuwing makakakita ito ng mga pulubi ay agad itong nagbibigay ng pagkain at pera para lamang makatulong. Kailanma’y hindi rin nila ito nakitaan ng pambabastos sa mga kababaihan dahil mapababae man o lalaki ay talagang marespeto at magalang ito.

Advertisement

Kaya’t ganoon na lamang ang pagtataka ng mga tao nang maulinigang nanggahasa raw ito ng isang dalagita.

Ilang buwan ang lumipas at unti-unti na ring nakalimot ang mga mamamayan ng San Isidro sa nangyari kay Mang Gener, nang bigla na lamang dumating ang isang ginang na naghahanap sa kanya.

“Ano ho iyon? Matagal-tagal na hong walang nakatira riyan,” wika ng isang babaeng nagwawalis sa kalsada nang makita ang ginang na kumakatok sa gate ng dating bahay ni Mang Gener.

“Wala na? Alam niyo ho ba kung saan lumipat ang kapatid ko?” nagtatakang tanong ng babae. Mukhang galing itong ibang bansa dahil sa kumikinang na mga alahas at makakapal na damit panglamig.

Ang ginang pala ay ang nag-iisang kapatid ni Mang Gener na nakatira sa Amerika na si Conchita. Halos matumba naman sa gulat at hinagpis ang babae nang malaman ang sinapit ng kanyang kapatid. Ayon sa kanya, wala siyang naririnig na anumang balita mula mismo kay Gener at sa mga anak nito.

Dali-daling pumunta si Conchita sa presinto upang dalawin ang kapatid. Ngunit nawala ang panlulumo niya nang makita ang hitsura nito. Ang inaasahan niya’y hupyak na mukha at katawan dahil sa hirap sa loob ng kulungan, ngunit mukha pa itong mas malusog at mas masaya sa loob ng piitan.

“Gener! Anong nangyari, kuya?! Hindi ako naniniwalang kaya mong gawin ang salang inamin mo! Ano ba ang nangyari?!” humahagulgol na sabi ni Conchita habang niyayakap ang kapatid.

“Tahan na, bunsoy. Ayos lang ang kuya. Katunayan ay mas masaya at payapa pa rito sa loob,” mahinahong sagot ni Gener. Bakas pa rin sa boses niya ang pagiging mabuting tao.

Advertisement

“Nasaan ang mga anak mo?! Bakit wala akong balita ni isa sa inyo? Bakit hindi mo sinabi sa akin, hindi ka naman magiging pabigat sa akin! Kapatid kita!” tanong ni Conchita.

Ipinaliwanag at ikinuwento ni Gener ang lahat ng panloloko na ginawa sa kanya ng sarili niyang mga anak. Hindi naman makapaniwala si Conchita sa mga naririnig niya. Ngunit natigilan ang ginang sa paghagulgol nang biglang may maisip na tanong sa kapatid.

“Teka, Kuya… Ngayong wala nang natira sa iyo… Kaya ba umamin ka sa kasalanang hindi mo ginawa… E para…” ani Conchita.

“Bunsoy, oo… Tahan na… Kaya ayaw kong magsabi sa iyo e. Alam kong labis kang maaawa at magkakaganyan. Ayaw kong nakikita ang bunsoy na umiiyak,” malambing na sabi ng lalaki sa kapatid.

“Matanda na ako. Ilang taon na lang din naman ang itatagal ko sa mundo. Kaya ayoko nang maging pabigat sa kahit na sino. Ang mga anak ko? Pinatawad ko na sila kahit ginawa nila ‘yon at hindi sila humingi ng tawad. Kaya ako umamin sa salang hindi ko ginawa e para may matuluyan pa ako nang walang pineperwisyo,” paliwanag ni Gener.

“May sarili akong higaan dito. May bubong sa tuwing umuulan. Hindi man ganoon kasarap pero may pagkain araw-araw. Nang abandunahin ako ng mga anak ko, alam kong wala na akong masusulingan. Kaya naman ganito na lang ang naisip kong tanging paraan…” dagdag pa ni Gener. Sa kauna-unahang pagkakataon ay tumulo ang mga luho sa mata ng matanda.

Hindi niya alam na napakaraming pulis pala ang nakikinig sa mga pahayag niya. Nang dahil doon, sikretong ipinagpatuloy ng pulisya ang pag-iimbestiga. Isang buwan lamang ang lumipas at sa wakas ay nahuli ang tunay na may sala. At napakawalan ang nagpanggap na si Mang Gener.

Naging napakasaya naman ni Conchita sa nangyari. Agad niyang kinupkop ang pinakamamahal na kapatid matapos nitong mapalaya. Sinubukan ni Conchita na asikasuhin ang paghahanap sa mga suwail niyang pamangkin upang mabawi ang lahat ng pag-aari ng kanyang kapatid. Ngunit mariin itong tinutulan ng matanda.

Advertisement

“Conchita? Matanda na ako. Ilang taon na nga lamang ang itatagal ko. Hayaan mo na sila. Hindi kami nagkulang ng misis ko sa pagpapalaki sa kanila. Hayaan mong ang Diyos na ang magdesisyon kung paano sila tuturuan ng leksyon,” umiiyak na paki-usap ni Gener sa kapatid.

Nang dahil doon, hinayaan na lamang ni Conchita ang apat na anak ni Gener. Itinuon na lamang niya ang lahat ng kanyang pansin sa pagbawi sa mga oras na nagkawalay sila ng kapatid.

Ilang taon ang lumipas at tuluyan nang sumalangit ang kaluluwa ni Gener. Gayon na lamang ang paghihinagpis ng apat nang marinig ang lahat-lahat ng sinapit ng kanilang ama, at maging ang pagpipigil nito kay Conchita na hanapin sila noong panahong lugmok na lugmok si Gener.

Tama nga ang matanda. Halos gabi-gabing hindi makatulog dala ng napakabigat na konsensiya ang apat na magkakapatid. Ngayong huli na ang lahat ay saka lamang nila naisip kung gaano kadakila ang pagmamahal ng kanilang yumaong ama.

Habang si Gener naman ay masaya na sa langit kasama ang asawang matagal niyang hindi nakita’t nakasama.