Si Kuya Poy

“Geez! Ang sarap ng mga pagkain dito, Hon!” tuwang-tuwa ang asawa ni Vergel na si Niña. Dinala niya kasi ito sa isang magarang restaurant upang punan ang cravings nito. Naglilihi kasi ang kaniyang babae. First baby nila iyon kaya naman ganoon na lang ang pag-aalaga niya sa kaniyang mag-ina.

“Hon, tingnan mo ʼyong bata, o.”

Nilingon ni Vergel ang itinuro ni Niña at namataan niya sa labas ng restaurant na napapaderan ng salamin ang isang batang nakaupo at natingin sa mga kumakain. Ngunit nang muling balingan ni Vergel ang asawa ay umiiyak na ito.

“Bakit ka umiiyak, Hon? May masakit ba?” nag-aalalang tanong niya. Umiling naman si Niña.

“Naaawa lang ako sa bata. Sorry, hindi ko rin alam kung bakit ang babaw ng luha ko nitong mga nakaraang araw,” sabi nito habang nagpapahid ng luha gamit ang tissue.

“Part daw ng pagbubuntis ang pagiging emotional ng babae. So, donʼt worry, Honey, itʼs normal,” aniya naman bago ngumiti. “Anyway, do you want me to order foods for the kid outside?” dagdag pa niya.

Biglang ikinangiti ni Niña ang sinabi niya. “Yes, Hon, please!”

Agad namang tumalima si Vergel. Patapos na rin sila kaya naman ipinabalot niya na lang ang pagkain at humingi ng disposable plates, spoon at fork para sa bata.

Advertisement

“Boy.” tinawag ni Vergel ang batang pulubi.

“Bakit po?” sagot naman nito.

Inabot niya ang pagkain dito. Dinamihan niya na ang bili para mabusog ito. “Kainin mo ʼto, ʼNak,” sabi niya.

“Wow! Salamat ho, Ser!” sabi nito. Tuwang-tuwa ang bata sa pagkaing ibinigay nila. “Salamat po talaga. Ngayon lang ho ako makakakain ng hindi tira-tira galing diyan sa restaurant,” dagdag pa ng bata.

Muli na namang nabagbag ang damdamin ni Niña. Ganoon din naman si Vergel.

“Hon, please, pwede ba natin siyang sundan? Gusto ko lang makitang kinakain niya ʼyong ibinigay natin,” pakiusap ng buntis na asawa. Natawa naman si Vergel.

“Sige na nga!”

Sinundan nga nila ito. Masayang tumakbo ang bata, dala ang pagkaing in-order nila. Nag-alala pa nga ang dalawa dahil baka matapon iyon. Ngunit agad nilang naintindihan dahilan ng tuwa at excitement na nadarama ng bata.

Advertisement

Kitang-kita kasi nila nang ilapag nito ang pagkain saglit upang kargahin ang mas maliit na paslit. Iniupo niya ito sa isang bato at sinimulang buksan ang mga pagkain, pagkatapos ay sinubuan nito ang tuwang-tuwa ring paslit.

Hindi mawaglit ang ngiti ng mga bata. Muli na namang naging emosyonal si Niña, dahil sa tuwa. Napababa pa nga ito sa kanilang sasakyan upang yapusin ang mga bata. Sinundan din ni Vergel ang asawa.

“Anoʼng pangalan mo, hijo?” tanong nito sa batang lalaking pinagbigyan nila ng pagkain kanina.

“Ako po si Poy. Kuya po ako ni Lala,” sagot naman ng bata. “Salamat po sa pagkain, ha?” nakangiti pang sabi nito.

“Napakabait mong Kuya. Sana maging kagaya mo ang magiging anak ko,” narinig ni Vergel na nahiling ni Niña. Sang-ayon naman siya sa sinabi ng asawa.

“Sigurado po akong magiging mabait ang anak nʼyo. Kasi mabuti po kayong tao, e,” anang bata sabay subo ng masarap na pagkain.

Nang araw na iyon ay napagpasiyahan nilang mag-asawa na suportahan ang pag-aaral nina Poy at Lala. Para makapagtapos man lang ang mga ito at magkaroon ito ng chance na maging maayos ang buhay. Hindi man sobrang yaman nina Vergel at Niña ay sapat naman ang pera nila upang makatustos ng pag-aaral ng mga ito, pati na rin ng kanilang magiging mga anak. Lumikom din sila ng pondo mula sa mga kaibigan para makadagdag.

Napakabuti ng mag-asawa kay Poy, ngunit iyon ay dahil nakitaan din nila ito ng kabutihan. Sa hirap ng buhay nito at sa nadaramang gutom ay hindi nito nakalimutan ang kapatid. Sa katunayan ay mas inuna pa nito ang kapakanan ni Lala kaysa sa kaniyang sarili.

Advertisement

Lumipas ang panahon at kasabay ng paglaki ng anak ng mag-asawang Vergel at Niña ay ang unti-unti ring pag-abot ni Poy ng kaniyang pangarap. Ngayon ay nasa ikaapat na taon na nito sa kolehiyo at patuloy pa rin nitong pinagbubutihang maigi ang pag-aaral.

Ganoon din ang kapatid nitong si Lala na nasa highschool na! Pareho nilang hindi binigo ang mag-asawang naging malaki ang tulong sa kanila. Alay nila ang kanilang medalya sa dalawang taong hindi nag-atubiling tumulong sa kanila. Ipinangako ng magkapatid sa sarili na oras na silaʼy kumikita na rin ng sariling pera, ibabalik nila ang kabutihang natamo nila sa iba.