Pundasyon ng Pangarap

Tila ba kahapon lang nangyari ang isang malaking bangungot sa buhay ni Eduard. Walong taong gulang siya noon nang maghiwalay ang kanyang mama at papa, dahil sumama ang ama sa kerida nito.

“Papa! Papa wag mo po kaming iwan!” paghihinagpis ng batang si Eduard noon habang pinipigilan ang kanyang ama na umalis.

Labis ang sakit na nadama niya sa ginawa ng ama. Dahil doon, lumaki siya na may namuong galit at pagkamuhi sa kanyang dibdib.

“Balang araw ipapakita ko sayo, balang araw maipamumukha ko rin sa’yo na nagkamali ka sa ginawa mo papa. Iniwan at pinabayaan mo kami ng ganun-ganun na lang,” galit na saad ni Eduard habang nakatingin sa litrato ng ama.

Dumating pa ang napakaraming pagsubok sa buhay nila Eduard, pero itinuon niya ang atensyon at panahon sa pag-aaral ng mabuti. Ibinuhos niya lahat ng pangungulila sa pag-aaral ng mabuti. Tanging edukasyon lang din ang nakikita niyang sandalan upang magkaroon ng lakas na makaangat mula sa kahirapan.

Dumating sila ng kanyang ina sa punto na walang-wala na sila kaya’t naputulan na sila ng kuryente. Gasera lang ang nagsilbing ilaw nila sa gabi at ang liwanag na nagbibigay tanglaw sa kanyang mga leksyon at aralin.

Dumarating pa ang pagkakataon na pumapasok siya sa paaralan ng walang laman ang sikmura. Hindi siya nakakakain ng umagahan pati na ng tanghalian. Minsan ay natutulog na lamang siya sa oras ng pananghalian upang hindi mainggit sa mga kamag-aral.

Kapag walang naniningil ng utang sa kanyang ina, may kanin sila sa lamesa, pero kung may ekstra pa minsan, may bonus na sardinas o corned beef pa na kasama. Pero kung walang-wala talaga, kamote at asukal ang kanilang takbuhan.

Advertisement

Sinubukan nilang lumapit sa ilang kamag-anak upang humingi ng tulong, pero maging ang sariling mga tiyahin at tiyuhin ay pinagmalupitan sila.

“Bakit hindi kayo humingi ng suporta diyan sa ama ng bata? Kaysa kami yung inaabala ninyo dito?” sagot ng isang kamag-anak nang minsang humingi sila ng tulong.

“Aba, eh di mag doble-kayod ka sa trabaho para may ipalamon ka sa anak mo. Aanak-anak kayo tapos iaasa ninyo sa iba ang ibubuhay ninyo diyan?” sabi naman ng isang kakilala ng kanyang ina.

Naging mapait ang naging takbo ng kanilang buhay magmula ng iwanan sila ng kanyang ama. Sa bawat paglipas ng araw, patindi ng patindi ang namumuong galit sa kanyang puso.

Pinagmalupitan sila ng mga sariling kamag-anak, inalipusta ng mga taong mas nakakaangat sa buhay, at ang masakit pa, sinabihan silang ‘ipaampon na lamang’ sa mayaman dahil mukhang wala naman na silang mararating pa.

“Mama, hanggang dito na lang po ba talaga ang buhay natin? Hindi po ba tayo giginhawa?” naluluhang tanong ni Eduard noon.

“Huwag kang mag-alala anak. Igagapang kita at itataguyod kita. Pero mangako ka kay mama. Ipangako mo na mag-aaral kang mabuti at hinding-hindi mo ipararanas sa mga magiging anak mo ang ganitong klaseng buhay ha?” umiiyak na tugon naman ng ina ni Eduard.

“Opo, mama. Pangako po.”

Advertisement

Tanging ang ina niya ang naging inspirasyon niya para hindi magpatinag sa hamon ng buhay. Kahit na salat sa yaman, pinatunayan niyang may ibubuga siya sa klase. Tinapos niya ang elementary bilang valedictorian ng klase.

Buong akala niya ay hindi na siya makakatungtong ng hayskul, pero ginawa ng kanyang ina ang lahat upang maigapang siya. Ang dating makikinis at malalambot na kamay ng kanyang ina ay nagkasugat-sugat at gumaspang na sa pagtanggap ng napakaraming labada.

Kung minsan, naglilinis din ito ng bahay ng iba. Kung may pagkakataon naman ay gagawa ng kakanin at ilalako sa mga kakilala. Lahat ay ginagawa ng babae para lamang masuportahan ang kanyang anak.

Laking pasasalamat noon ni Eduard nang mabigyan siya ng pagkakataon na maging iskolar ng bayan. Noong mga panahong iyon, nawili din siya sa pagsama-sama sa ilang gawain sa simbahan.

Doon nagsimula ang pagiging malapit niya sa Diyos. Bukod sa kanyang ina, ang Diyos ang naging sandigan niya sa tuwing may mabibigat na problemang kinakaharap.

Simula ng mabuksan at lumawak ang kaisipan, mas naintindihan niya na ang dahilan pala ng Diyos sa paghihirap na dinadanas ay para maging matatag siya. Dala-dala ang pusong nag-aalab na ang tanging naisin ay magtagumpay, nakapagtapos siya ng hayskul ng may mataas na karangalan muli.

Ngunit kasabay ng lahat ng iyon, nabalitaan niyang inatake pala sa puso ang kanyang ama na naging dahilan ng pagpanaw nito. Nagtungo siya sa burol ng kanyang papa na may mabigat na puso.

Nakatitig lamang siya sa nakapikit na ama mula sa salamin. May tila ba kumurot sa kanyang puso habang minamasdan ang ama.

Advertisement

“Siguro nga’y hindi ako nagalit sa’yo. Siguro pangungulila lang ang naramdaman ko nang iniwan mo kami. Pero ngayon, napatunayan ko na mas matimbang pa rin ang pagmamahal ko sa’yo, papa.

Sana lang ay nabigyan ako ng pagkakataon na makasama o mayakap ka man lang sa huling sandali. Lahat ng galit at pagkamuhi sa puso ko ay napalitan na ng pagpapatawad, papa.

Pangako, lalaki akong isang mabuting anak at asawa’t ama sa magiging pamilya ko. Paalam, papa,” umiiyak na wika ni Eduard habang nakatingin sa walang buhay na katawan ng kanyang ama.

Nang magkolehiyo ay nakatanggap naman ng iskolarahip si Eduard mula sa simbahan. Sa pag sideline ng kanyang ina, kahit papaano ay naidadaos na nila ang maghapon ng maayos at nakakakain ng tama.

Kumuha siya ng kursong accountancy. Sa awa ng mahabaging Diyos, taong 2012, natupad din ang pangarap niya. Isang na siyang ganap na Certified Public Accountant.

Ngayon ay mataas na ang kanyang posisyon sa isang auditing firm. Pinagtigil na rin niya ang kanyang ina sa pagtratrabaho at ibinibigay dito ang buhay na pinangarap nilang dalawa.

Sa buhay na ito, tunay ngang walang imposible sa Diyos. Dahil sa presensiya Niya, nagawang mahalin at patawarin ni Eduard ang kanyang ama. Natupad din ang pangrap niyang karangalan at maginhawang buhay para sa ina. Higit sa lahat, labis ang pasasalamat niya sa Diyos, dahil sa panahon ng kagipitan, ang Panginoon ang naging pundasyon para maabot lahat ng kanyang pangarap.