Hinayaan ng Lalaki na Kontrolin ng Ina ang Kaniyang Buhay; Nang Mabulgar ang Lihim Nito, Nalaman Niyang Hindi Lang Pala Buhay Niya ang Minamaneobra Nito

Bata pa lamang si Harold nang yumao ang kaniyang ama. Mag-isang tinaguyod ng kaniyang ina ang kanilang pamilya. Batid niya na marami itong isinakripisyo para sa kaniya kung kaya’t ayaw niyang dumagdag pa sa mga pasanin nito. Ni ang sumama ang loob nito sa kaniya ay ayaw niyang mangyari kaya sinusunod niya ang lahat ng gusto nito kahit labis na kalungkutan ang dulot nito sa kaniya.

“Hindi kita kayang paaralin sa kolehiyo kaya mag-vocational ka na lang tapos ay maghanap ka agad ng trabaho ng sa gayon ay hindi lang ako ang nagpapakakuba sa paghahanapbuhay makakain lang tayo ng tatlong beses sa isang araw.”

Pangarap ni Harold ang maging isang doktor. Kaya para makapag-aral siya sa kolehiyo, high school pa lamang siya ay nagsimula na siyang magbanat ng buto para makaipon ng pera. Walang kaalam-alam dito ang kaniyang ina. Ngunit sa kasawiang palad ay wala siyang naipon dahil ang kaniyang sweldo ay napupunta sa kaniyang mga projects at iba pang bayarin sa eskwela dahil hindi sapat ang binibigay sa kaniyang pera ng kaniyang ina.

Ultimo sa baon at pamasahe ay kulang kaya kung minsan ay naglalakad na lang siya papuntang eskwela o nagpapalipas na lamang ng gutom. Buti na lamang ay napamanahan sila ng bahay ng kaniyang ama bago ito pumanaw kung hindi ay sa iskwater sila maninirahan.

“Ibigay mo ng buo ang sweldo mo sa akin tutal ako naman ang nagbabadyet ng mga gastusin natin. Aabutan na lang kita ng pera para sa pamasahe at baon mo,” utos ng ina ni Harold sa kaniya. Dahil dito ay halos hindi na siya makapag-ipon para sa kaniyang sarili. Tanging ang mga naiipon niyang tip mula sa kaniyang mga kustomer ang nahuhulog niya sa banko.

“Magpapakasal ka sa babaeng mas mahirap pa sa daga? Ayos lang sana kung mayamang babae ang nabingwit mo kaso pumatol ka sa dukha. Sinasabi ko sa iyo, Harold, dagdag na palamunin lang iyan sa bahay natin! Iba na lang! Huwag na huwag mong papakasalan ang babaeng iyan,” galit na sigaw ng ina ni Harold.

Sa unang pagkakataon ay hindi sinunod ni Harold ang kaniyang ina. Nagdadalantao ang nobya niyang si Ina. Wala siyang balak na talikuran ang responsibilidad niya sa kaniyang mag-ina. Kaya kahit na tutol ang kaniyang ina ay pinakasalan niya sa huwes si Ina.

“Pasensya na at sa huwes lang tayo nagpakasal. Hayaan mo at magsisipag ako sa trabaho para makaipon agad ng sa ganoon ay maiharap kita sa simbahan,” pangako ni Harold kay Ina.

Advertisement

“Sa bahay na lang tayo ng mga magulang ko makitira. Ayaw sa akin ng nanay mo. Siguradong pahihirapan niya ko,” pakiusap ni Ina sa kaniyang asawa ngunit hindi siya nito pinagbigyan. Wala ng ibang kamag-anak ang ina ni Harold. Ayaw niya itong mamuhay mag-isa. Hindi niya maaagapayan ang ina tuwing may pangangailangan ito kung sa mga biyenan niya sila titira kaya tinanggihan ni Harold ang hiling ng asawa.

Tama ang hinala ni Ina na pahihirapan siya ng ina ni Harold. Kahit na alam nito na buntis siya ay sa kaniya ipinapagawa ng biyenan ang lahat ng mga gawaing bahay. Pag hindi niya ginagawa ang kaniyang tungkulin ay tinatadtad siya nito ng mga sermon at maaanghang na pananalita.

Ayaw ni Ina na siya ang maging dahilan ng di pagkakaunawaan ng mag-ina kaya hindi siya nagsusumbong kay Harold. Kahit pagod na pagod siya galing sa trabaho ay pilit niyang tinatapos ang lahat ng mga gawaing bahay.

“Nay, sabi ni Harold sa inyo daw po ako humingi ng pera. May check up pa ako mamaya sa doktor,” wika ni Ina sa kaniyang biyenan.

Ito pa ang isang set up nila na hindi ikinatutuwa ni Ina. Siya ang asawa ni Harold pero hindi siya ang humahawak ng sweldo nito. Imbes na ibigay ni Harold ang kaniyang sweldo sa asawa ay sa nanay niya ito iniaabot. Ang masakit sa lahat ay buong sweldo niya ang ibinibigay niya dito.

“Wala nang natira. Nagbayad ako ng kuryente at tubig nung isang araw. Yung natira’y ipinambili ko ng grocery kahapon. Sa susunod na buwan ka na lang magpa-checkup,” sagot ng ina ni Harold.

Ang naipong inis at galit ni Ina sa kaniyang biyenan ay sumabog nung dinalaw siya ng kaniyang mga magulang. Hindi na nga inalok ng kaniyang biyenan ng meryenda o kahit tubig na maiinom man lang ang kaniyang mga magulang ay binastos niya pa ang mga ito.

Habang kinakausap niya ang kaniyang mga magulang ay puro patutsada at parinig ng mga panlalait na salita ang lumalabas sa bibig nito. “Ba’t biglang bumaho dito sa bahay? Amoy patay na daga! Ina, hanapin mo agad yung pesteng iyon at ilabas mo agad ng bahay. Baka pamugaran ng mga bangaw ang bahay. Ayokong madapuan ang makinis kong kutis ng masamang hangin kaya asikasuhin mo agad.”

Advertisement

Nang makaalis na ang kaniyang mga magulang ay hindi na niya pinigilan ang kaniyang sarili. Kinompronta ni Ina ang kaniyang biyenan. Naging matindi ang kanilang pagtatalo at nauwi ito sa sakitan. Nagawang itulak ng malakas ng nanay ni Harold si Ina kaya tumilapon ito sa sahig.

Nung araw na iyon ay nakunan si Ina. Dahil sa pangyayari ay hindi lang anak ang nawala kay Harold kung hindi pati asawa. “Hindi na ko babalik sa bahay niyo. Paglabas ko ng ospital ay didiretso ako sa mga magulang ko. Walang akong balak na manirahan sa isang bahay na pinamumugaran ng demonyo,” matigas na sabi ni Ina.

Ikinuwento ni Ina sa asawa ang lahat ng paghihirap niya sa kamay ng nanay nito pero hindi siya nito pinaniwalaan.

Hindi man sang-ayon si Harold sa desisyon ng asawa ay hinayaan niya na lang ito sa gusto nitong mangyari. Dinadalaw na lang niya ito tuwing may pagkakataon.

Tuluyan nang bumaliktad ang mundo ni Harold nang muli silang nagkita ng ninong niya sa talyer kung saan siya nagtatrabaho bilang mekaniko. Ang ninong niya ay matalik na kaibigan ng kaniyang yumaong ama. At sa kanilang pagkikita ay marami itong ibinulgar sa kaniya.

“Walang pera para makapag-aral ka sa kolehiyo? Kalokohan iyang sinasabi mo! Hindi kayo mahirap! Pinamanahan ka ng tatay mo ng malaking halaga at may iniwan din siyang trust fund para sa’yo. Sa lahat ng mga ikinuwento mo sa akin ay nagtataka lang ako. Sa pagkakaalam ko ay may natatangap siya na thirty thousand buwan-buwan para sa mga pangangailangan niyo. Galing yun sa account ng tatay mo na paunti-unting nire-release ng banko. Saan na napunta yung pera? Mukhang tama ang desisyon ng tatay mo na sa akin niya ihabilin ang mga importanteng mga dokumento at papeles na may kaugnayan sa iyo. Wala siyang tiwala na ibibigay ng nanay-nanayan mo ang mga ipapamana niya sa iyo. Kung alam ko lang na gagawing impiyerno ng tiyahin mo ang buhay mo sana ay kinuha na kita sa kaniya.”

Matapos makuha ni Harold ang mga papeles, titulo, bank documents at passbook na iniwan sa kaniya ng kaniyang ama mula sa ninong niya ay agad siyang gumawa ng sarili niyang imbestigasyon tungkol sa iba pang mga ari-arian ng tatay niya.

Ayon sa mga nakalap niyang impormasyon ay tiyahin niya ang namahala sa negosyo ng ama simula nang pumanaw ito. Buti na lamang ay hindi nito nagalaw ang ibang pera na nakalaan sa kaniya maliban sa perang nire-release ng banko na para dapat sa allowance nila buwan-buwan.

Advertisement

Sunod ay pinuntuhan niya ang kaniyang asawa para makipag-ayos. Dahil sa mga rebelasyong kaniyang natuklasan ay maraming pagbabago ang naganap.

“Walang kang puso! Sarili mong nanay ipapakulong mo! Ang dami kong sinakripisyo para sa’yo tapos ito ang igaganti mo sa’kin!”

Pinakulong ni Harold ang babaeng inaakala niyang tunay niyang ina dahil sa pananakit nito sa kaniyang asawa na naging dahilan kung bakit ito nakunan. “Tiyahin lang kita! Hindi kita nanay! At bagay lang sa iyo ang mabulok sa bilangguan matapos nang ginawa mo sa asawa at anak ko! Sakripisyo? Anong sakripisyo ang sinasabi mo? Ako at ang pamilya ko ang nagdusa at naghirap habang nagpapakasarap ka sa pera na hindi mo naman pinagpaguran!”

Nang makalaya si Harold mula sa mga kamay ng gahaman niyang tiyahin ay parang malayang nakaalpas ang kaniyang mga pakpak mula sa pagkakakadena nito. Nagkamali siya nung itinago niya ang kaniyang saloobin para lang hindi magdamdam ang babaeng inaakala niyang ina niya. Nagkamali siya nung hinayaan niyang ito ang magpatakbo ng kaniyang buhay. Nagkamali siya nung hindi niya ipinaglaban ang kaniyang pangarap.

Matapos nilang makasal ni Ina sa simbahan ay bumalik sa pag-aaral si Harold para matupad niya ang kaniyang pangarap na maging doktor. Habang nag-aaral siya ay katulong naman ni Ina ang ninong niya sa pagpapatakbo ng negosyong namana niya sa ama. Sayang nga lang at nawala ang anak nilang mag-asawa. Kung umpisa pa lang ay kumalas na siya sa pangongontrol sa kaniya, eh, di sana buhay pa ang anak niya.