Dahil sa Pagod sa Trabaho ay Naging Negatibo ang Babae at Tsismosa, Buti Nalang ay Nariyan ang Kaibigan Niya

Sina Tonette at Alice ay mga estudyante na kapwa mas gustong magtrabaho kaysa ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo. Para sa kanila ay mas mahalaga ang kumita na ng pera para makatulong sa pamilya.

(Photo for illustration purposes only)

Nag-aral sila ng cosmetology at baking sa isang vocational school. Pareho silang lumaki sa hirap kaya ganoon na lang ang pagnanais nilang makapagtrabaho na. Nang makatapos sa kinuhang short course ay agad na nagtayo ng negosyo ang dalawa gamit ang tulong ng mga magulang na kapwa OFW.

“Sa tingin mo, Alice.. magiging swak ang napili nating business?” sabi ni Tonette.

“Oo naman! Maraming tao dito sa barangay natin kaya marami din tayong magiging customer.”

(Photo for illustration purposes only)

Magkasama ang dalawa sa inuupahan nilang apartment sa Binondo. Hati sila sa upa at bayad sa tubig at kuryente.

Gamit ang pera ng ina na nagtatrabaho sa Saudi ay nakapagpatayo ng sariling beauty salon si Tonette. Nagpadala naman ng pera ang ama ni Alice para tulungan itong maitayo ang bake shop na napili nitong negosyo.

(Photo for illustration purposes only)

Nang maitayo ang mga negosyo ng dalawa ay dumami ang mga suki nito at malaki rin ang pasok ng pera sa kanila. Magkatabi lang ang salon at ang bake shop ng magkaibigan.

“Kita mo,Tonette.sabi ko sa iyo suwerte itong puwesto natin, e. Saka hindi tayo magkalaban sa mga customer dahil magkaiba naman tayo ng serbisyo,” wika ni Alice.

Advertisement

“Tama ka. Hindi tayo nagkamali ng desisyon. Nasa diskarte lang talaga,” sagot ng kaibigan.

Kaya lamang ay mahaba ang oras ng trabaho nila. Nakaramdam sila ng pagod dahil halos wala na silang pahinga sapagkat kahit Sabado at Linggo ay nagtatrabaho sila. Mas lalong dumami ang nagpapagupit at nagpapaayos sa beauty salon ni Tonette at maraming bumibili ng tinapay sa bake shop ni Alice. Dahil nagsisimula pa lamang ang negosyo nila ay sila lamang ang gumagawa sa mga ito.

(Photo for illustration purposes only) n

Ang mga hirap na iyon ay balewala kay Alice pero malaki ang epekto sa kaibigang si Tonette. Madali itong maapektuhan ng mga problema ng kanyang mga kustomer. Hindi kasi mapigilan ang paghinga ng mga ito ng kanya-kanyang problema sa buhay habang ang mga ito’y nagpapaayos sa kanya.

“Alam mo ba, si Ginang Loida na may ari ng hardware sa kanto na magsi-sisenta na ang edad ay kumekerengkeng pa at nakikipagkita sa bente kuwatro anyos na lalaki,” tsismis ni Tonette.

“E, biyuda naman yata siya at ma-pera kaya lapitin ng boylets,” natatawang sabi ni Alice.

“Ang kaso ay buhay pa ang asawa ng matanda na naka-confine sa ospital at may sakit. Hindi ba imoral ang ginagawa ni Ginang Loida?”

(Photo for illustration purposes only)

“Si Mona iyong pinakamagandang dalagita dito sa atin, kilala mo?”

“Oo kilala ko. Iyong bunsong anak ni Mang Poldo na sapatero.”

Advertisement

“Maagang nabuntis ng boyfriend. Sabi niya sa akin ay muntik na siyang palayasin ng tatay niya dahil sa nangyari sa kanya. Sabi ko naman bakit kasi siya nagpabuntis sa boyfriend niya, e hindi pa nga siya nakakatapos sa high school. Di pa nga siya nakakapag-debut. Kung ako ang kapatid niya ay nasabunutan ko na siya.”

(Photo for illustration purposes only)

“Meron pa, si Doris na tindera ng mga gulay sa palengke na kakakasal pa lamang ay ibig nang hiwalayan ang asawa. Nananakit at nambubugbog daw ang mister niya. Sabi ko sa kanya na magsumbong sa barangay. Ayaw naman gawin dahil nagtatalo pa raw ang isip at puso niya kung iniibig pa niya ang mister o hindi na. Aba, e baka mapatay siya ng lalaking iyon kapag hindi pa siya nagdesisyon.”

Agad na pinayuhan ni Alice ang kaibigan.

“Alam mo, Tonette ikaw ang may problema. Pinapasan mo ang problema ng ibang tao. Nagpapaka-stress ka sa problema na hindi naman sa iyo. Dapat ay pasok sa isang tainga at labas sa kabila ang ano mang maririnig mo na hindi mainam.”

“Tama ka, friend. Pero ewan ko ba. Hindi ko maialis sa isip ko ang naririnig mula sa mga customer ko. Kung bakit ikinukuwento nila sa akin ang kanilang mga problema at ako naman itong si gaga ay sobrang affected. Tuloy pati ako ay nadadamay. Ako’y isa lamang hamak na beautician at hindi isang psychologist.” wika ni Tonette na parang nahimasmasan sa sinabi ni Alice.

“Tama. Kaya sa susunod ay huwag ka nang mai-stress sa mga customer mo. Tignan mo ako kahit pagod sa maghapong trabaho sa bake shop ay pretty pa rin!” nakangiting sabi ni Alice.

(Photo for illustration purposes only)

Mula nang pagsabihan ni Alice ang kaibigan, kahit pagod ito ay nanatiling positibo ang tingin nito sa buhay. Gaya niya ay nanatili pa rin itong masiyahin at masigla. Pagod sila Pag-uwi sa apartment, ngunit pag gumigising sila sa umaga ay may bago silang sigla at pagpapahalaga sa trabaho.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.