Kuya, Kuya, Pembarya

“Kuya, kuya, pembarya…”

Nahinto ang sana’y pagsubo ni Richard sa kutsarang may lamang kanin at manok nang may biglang lumapit sa kanyang isang batang lalaki, medyo butas ang damit, na nanghihingi ng limos sa loob ng kainan.

Kasalukuyang kumakain ang lalaki sa isang sikat na fast food chain. Naisara niya ang isang business deal para sa kanyang sariling negosyong naitayo at naipundar. Kahit may pera naman upang kumain sa isang first class na restawran, minabuti niyang kumain sa mas mura lamang upang makatipid.

Lumapit ang isang service crew na naglalampaso ng sahig at pilit na itinataboy ang bata.

“Hayaan mo siya, kuya. Ako ng bahala,” nakangiting utos niya sa service crew. Pagkaraan, bumunot siya ng limang daang piso at iniabot sa bata.

“Ingatan mo iyan ha? Gamitin mong pambili ng pagkain, o kaya ipunin mo. Huwag mong iwawala o ipapaagaw sa iba,” paalala ni Richard sa bata.

Namilog ang mga mata ng batang namamalimos. Tila ngayon lamang ito nakahawak ng mas malaki-laking halaga ng salapi, malayong-malayo sa mga mamisong inihuhulog sa kanyang mga payat na kamay, na minsan ay may kasama pang asik at pagbabanta.

“Salamat po kuya!” nakangiting sabi ng bata, at lumitaw ang mga bungi-bungi at maiitim nitong ngipin, sabay takbo palabas.

Advertisement

Malambot ang puso ni Richard sa mga batang palaboy. Naaalala niya ang kanyang kamusmusan. Dati rin siyang pulubi. Hindi niya matandaan kung paano siya napunta sa mga lansangan ng Maynila.

Masyado siyang bata noon para hawanin ang sapot ng mga alaala. Ang natatandaan niya, marami silang mga batang paslit na tuwing umaga ay palakad-lakad sa mga eskinita ng Avenida, ng Quiapo, ng Lawton, upang mamalimos.

At pagsapit ng gabi, kakaladkarin sila ng mga lalaking malalaki ang tiyan at sapilitang kukunin sa kanila ang lahat ng kanilang mga napalimos.

Hindi rin niya eksaktong matandaan kung paano siya nakawala sa mga pangkat na iyon ng lalaki. Natagpuan na lamang niya ang sariling nagpapalakad-lakad, minsan ay tumatakbo, at nakisakay sa isang trak ng basura.

Nang makita siya ng nagmamaneho nito, hindi naman siya ipinagtabuyan. Isinama siya nito sa isang maliit na barung-barong, na halos hipan na lamang ng hangin ay matutumba na. Sa loob, siksikan ang siyam na kaluluwa, kabilang ang payat nitong asawa na si Aling Letty.

Sa madaling sabi, inampon si Richard ng driver ng trak ng basura na nagngangalang Mang Dado, na nagtatrabaho naman sa Payatas dumpsite. Natutong mangalakal ng basura si Richard. Simula noon, Richard ang itinawag ni Mang Dado sa kanya, dahil pakiramdam daw niya ay yayaman siya.

Nabantad si Richard sa tambak at bundok ng basura. Bakal, bote, diyaryo, garapa, at papel, lahat ng iyan ay ginagalugad ni Richard upang magkaroon ng pera at may maibigay kay Mang Dado.

Kalahati lamang ang kinukuha nito mula sa kanyang mga kalakal, at ang kalahati ay ibinibigay sa kanya. Subalit walang natitira dahil ipinambibili niya kaagad ng pagkain.

Advertisement

Nang pumasok siya sa Grade 1, pinagtatawanan siya ng kanyang mga kaklase. Malaki kasi sa kanya ang kanyang sapatos at uniporme, na kasukat para sa katawan ng isang Grade 3.

Hindi naman siya mabilhan ni Mang Dado dahil may sarili din itong mga anak. Ang ginawa niya, nagpaalam siya sa kanyang guro na kung pwedeng manguha ng mga tuyong damo o dayami sa likuran ng kanilang eskwelahan. Pumayag naman ito.

Tuwing uwian, isinasako niya ang mga dayami at binitbit pauwi. Ibinebenta niya ang mga sako ng dayami sa kanilang kapitbahay na may kambingan. Limampung piso ang ibinabayad sa kanya. Nang makaipon ng pitong daan at limamppung piso, sa tulong ng isa sa mga anak ni Mang Dado ay bumili siya ng sapatos na pamasok at uniporme na sapat na sa kanyang katawan.

Ganito ang gawain ni Richard na naging dahilan upang makatapos siya ng elementarya. Kung hindi nangangalakal, ginagalugad niya ang mga talahiban sa paligid-ligid upang bunutin at maibenta sa kambingan.

Iniipon niya ang mga ibinabayad sa kanya. Gumawa siya ng isang alkansya mula sa pinutol na puno ng kawayan. Inilalagay niya sa alkansya ang kalahati ng kanyang mga benta, at ang natitirang kalahati ay panggastos niya.

Pagsapit ng hayskul, binasag ni Richard ang kanyang alkansya dahil punumpuno na ito. Nakaipon siya ng halos limang libong piso dahil sa matiyagang pag-iipon. Imbes na gastusin, umisip siya ng paraan kung paano mapapalago ang naturang pera.

Naisip niya, maglalako siya ng lumpia sa kanyang mga kaklase at schoolmate. Iyon nga ang ginawa niya. Tuwing recess at pananghalian, pumupwesto siya sa harapan ng kanilang classroom at itinitinda ang mga nilutong lumpia. Marami naman ang bumibili sa kanya, maski ang kanyang mga guro. Nakatapos ng hayskul si Richard sa tulong ng pagtitinda ng lumpia.

Lahat ng tubo sa kanyang pagtitinda ng lumpia ay inilagak niya sa isang micro-financing bank, na hindi nangangailangan ng maraming requirements, hindi gaya sa bangko. Umabot sa 50,000 piso ang kanyang kinita at ipon.

Advertisement

Ginamit niya ang kalahati nito upang may maipanustos sa pag-aaral sa kolehiyo. Kumuha siya ng Business Management sa isang State University.

Dahil medyo masikip na ang iskedyul sa kolehiyo, pinagkatiwalaan niya ang isang anak ni Mang Dado na itinda ang mga luto niyang lumpia, na ngayon ay naisipan niyang lagyan ng pwesto sa palengke. Dinagdagan niya rin ng iba pang meryenda tulad ng banana cue, maruya, kamote cue, at banana con yelo. Ginamit niya ang naipon upang masimulan ang kanyang negosyo.

Hanggang sa makapagtapos sa kolehiyo si Richard na may mataas na karangalang Magna Cum Laude. Ang dating pwesto sa palengke ay napalaki na niya sa isang kainan, na ang specialty ay lumpia at mga pagkaing Pinoy.

Hindi nagtagal, ginamit ni Richard ang kanyang nalalaman sa kursong pinag-aralan, at sa loob lamang ng tatlong taon, nagkaroon na ng limang branch ang kanyang restaurant.

Mayamang-mayaman na nga si Richard. Tinulungan niya ang sambahayan ni Mang Dado na itinuring niyang pamilya, at kumupkop sa kanya. Pinatayuan niya ito ng sariling bahay sa isang eksklusibong subdivision at binigyan ng puhunan upang makapagtayo ng sariling negosyo.

Sa ngayon, masayang-masaya si Richard sa kinahinatnan ng kanyang buhay. Naniniwala siyang ang mga batang palaboy, kung bibigyan lamang ng pagkakataon at pag-asa, siguradong matutulungan ang kanilang sarili upang maiahon sa kanilang kalagayan.

Sa tuwing nakakakita si Richard ng mga batang palaboy, nagbabalik-tanaw siya sa nakaraan, na naging sandigan niya sa mas matatag na kinabukasan.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.