Sobrang Kaadikan sa Laro ng Lalaking ito, Hindi Niya Namalayang May Pinakamahalagang Bagay na Palang Unti-unting Nawawala sa Kanya

“Ano ba naman, Kevin! Hindi ka pa ba tapos maglaro d’yan?” sigaw na naman ng asawa niyang Roma.

Inis na inis na siya dahil natatalo na siya sa laro. Ngayon ay sisigawan pa siya nito. Malapit na siyang mabugnot dito.

“Pa, gutom na ko!” isa pa itong anak niyang si Rovin, na kanina pa rin siya kinukulit sa pagkain, “Dun ka sa nanay mo magpakain. Busy pa ako!”

Nalungkot ang bata at tumakbo sa ina, maya-maya’y nasa harapan niya na ang mag-ina, “Ano Kevin, mas pipiliin mo ba yang mobile games na ‘yan kesa sa aming mag-ina? Aba, kung hindi ka pa sawa sa pagkabinata edi sana hindi ka muna nagpamilya!”

“Ays! Kainis! Bwisit!” inis na napakamot siya sa ulo. Talo na naman kasi siya sa nilalaro, “Bwisit ka Roma, kanina ka pa kuda ng kuda d’yan para kang manok ah!”

Nagsigawan na naman ang mag-asawa. Pinagbuntungan na naman ni Kevin ang mag-ina niya dahil sa inis niya sa laro.

Wala na siyang pakialam kahit alam niyang mali ang ginagawa niya, ang mahalaga ay mailabas niya ang inis niya.

“Oh, saan ka pupunta?” inis niyang tanong kay Roma. Advertisement

“Ano pa, edi maglalayas na. Tutal mas mahalaga naman sayo ‘yang laro mo, d’yan ka nalang. Hindi ka pa bagay magkapamilya!”

Hinayaan niya lang na mag-alsabalutan ang mag-ina niya, umiiyak na rin ang anak nilang si Rovin.

“Talaga, lumayas ka na. Wala ka ng ibang ginawa kundi kumuda. Isama mo na rin ‘yang anak mong walang ibang ginawa kundi umiyak nang umiyak.”

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Roma, sinama niya ang anak at umuwi sa mga magulang niya. Iyak siya nang iyak, hindi siya makapaniwalang ipinagpalit sila ng asawa siya sa walang kwentang laro sa cellphone.

“Magsisisi ka, Kevin…” inis na bulong niya.

Isang buwan ang lumipas at adik na adik pa rin sa paglalaro ng mobile games si Kevin, masaya siya dahil walang nanggugulo o nagbubunganga sa kanya. Pero bawat araw na dumaraan, parang nararamdaman niyang may kulang.

Palaging kumakalam ang sikmura niya dahil wala na ang asawa niyang ipinagluluto siya kahit ano pang galit nito sa kanya. Wala na ring maingay sa paligid. Wala na ang pangungulit ng anak niya para lang pansinin niya.

Bigla nalang napatigil si Kevin sa paglalaro, gabi na pala at hindi pa siya kumakain simula kaninang umaga. Puro tsitsirya lang ang kinain niya at softdrinks. Ang sakit-sakit ng tiyan niya. Pero parang may mas masakit pa siyang nararamdaman–ang sakit ng pagkawala ng pamilya niya. Advertisement

Napahawak siya sa pisngi, umiiyak na pala siya. Maya-maya’y tinignan niya ang cellphone na hawak at binura ang larong naging dahilan ng pagkasira ng pamilya niya.

Kinabukasan ay lumuhod siya sa mga magulang ng asawa, humingi ng tawad lalo na sa mag-ina niya. Iyak siya ng iyak na para bang walang bukas.

“Pangako, buong buhay ko, sa inyo ko lang ilalaan ang atensyon ko.”

Dahil mahal pa rin naman siya ng mag-ina niya ay pinagbigyan siya ni Roma, hindi niya naman binigo ito sa pangako niya. Nagsumikap siya at pinagsilbihan ang pamilya.

“Pre, may bagong laro ngayon sa cellphone eh. Try mo idownload bilis!” minsang anyaya ng kaibigan niya nang makasalubong niya pauwi galing trabaho.

Umiling siya, “Hindi na pare, pamilyadong tao na ako. Kailangan ko nang maging mature at responsable sa pamilya ko. Nawala na sila sa akin ng isang beses. Ayoko na yung maulit pa.”

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.