Nahuli ng Babaeng Ito ang Kaniyang Kasambahay na Aalis at Bitbit ang Marami Niyang Gamit, Ano Kaya ang Gagawin ng Babae?

“Mama, nakikiusap na naman sa akin si Lorena na siya na lang daw ang kuhanin kong magbabantay sa bahay,” wika ni Silvia habang kausap ang inang si Aling Nene na isang OFW.

“Ikaw anak ang bahalang magdesisyon. Naka-magkano yun sa’yo dati bago umalis?” tanong ng ale.

“Naka 3,000 din, pero kaya naman daw hindi siya nakabalik nung nakaraan dahil natuluyan na yung tatay niya tapos nabuntis pa raw siya,” baling naman ni Silvia.

“Saka iniwan pa raw siya ng asawa niya ngayon kaya kailangan niya talaga ng trabaho, kawawa naman din,” dagdag pa nito.

“Ikaw ang bahala basta mag-iingat na lang at hindi naman natin kakilala iyan at hindi natin alam kung saan hahagilapin kapag nagkaproblema na naman,” wika ni Aling Nena.

Nangangailangan ng kasambahay sina Silvia dahil dalawa na ang anak nito at magsisimula nang pumasok sa eskwela. Naging kasambahay na nila si Lorena dati ngunit tumagal lamang ito ng dalawang buwan, bumale pa nga ito ng isang buwang sahod at libre pa ang pinamasahe pauwing probinsya nila ngunit hindi na ito bumalik pa at lumipas na nga ang dalawang taon kaya

Noong umuwi ang ina ni Silvia noon sa Pinas sa loob ng dalawang buwan ay hindi na maganda ang pakiramdam ng ale doon, nawala rin ang pera nilang limang libo at hindi mahanap kung saan ngunit malakas ang pakiramdam ni Aling Nena na ang kasambahay ang kumuha at hindi na lamang ito umimik dahil wala nga naman silang pruweba.

Ngunit ito muli ngayon ang babae, bumabalik sa kanila at buong puso namang tatangapin ni Silvia kahit pa ng maraming may ayaw sa babae.

Advertisement

“Lorena, magpahinga ka na. Ito nga pala ang magiging kwarto mo. Huwag kana muna kumilos ngayon at alam kong pagod ka sa byahe,” saad ni Silvia sa babae at inihatid ito sa kaniyang magiging kwarto.

“Ate, salamat ha? Kahit na may bad record ako sa’yo e tinanggap mo pa rin ako. Pasensya na nga pala ulit dun sa dati ate,” saad ni Lorena.

“Wala iyon, nakaraan na yun kaya kalimutan na natin. Tinanggap kita ngayon dahil sabi mo kailangan mo ng trabaho para sa anak mo at alam kong mahirap ang maging isang ina kaya sana naman ngayon mas maayos na yung maging relasyon natin ha,” mabait na wika ni Silvia dito.

Lumipas ang isang linggo na wala si Silvia sa kanilang bahay dahil stay-in ito sa opisinang pinapasukan sa Maynila at tanging lola at ilang pinagkakatiwalaang kapitbahay lamang ang meron siya para tingnan ang sitwasyon ng anak kasama ng kasambahay na si Lorena.

“Maayos naman dito apo, yun nga lang si Lorena ay parating umaalis ng tatlo o apat na oras, nagpupunta sa bayan. Iniiwan sa amin ang bata pero hindi naman sinasabi kung anong ginagawa roon,” saad ni Lola Meril sa telepono, ang lola ni Silvia.

“Hayaan niyo na lang inay, basta’t maayos ang mga bata at wala namang nawawala sa bahay ay ayos na rin,” sagot ni Silvia sa matanda.

Halos araw-araw naman niyang kinakamusta si Lorena at wala itong nababangit na umaalis siya ng ganoon katagal, parati lang nitong paalam ay nagpapaload siya. Pangamba nga lang ng dalaga ay baka may katagpong nobyo ito sa bayan at baka umalis nanaman ng walang paalam katulad ng dati.

Isang sabado ng hapon ay agad na nakatangap ng tawag si Silvia mula sa kaniyang lola.

Advertisement

“Apo, yung kasambahay niyo e umalis dito, may dalang malalaking itim na supot na punong-puno galing dito sa atin, malakas ang pakiramdam kong hindi basura ang laman noon at mukhang hindi na rin babalik kasi humiram ng tatlong libo sa kapitbahay natin,” wika ni Lola.

“Naku! wala pang isang buwan iyon sa akin ganyan na?! Sige ho lola, saktong andito ako sa terminal dahil pauwi na rin sana ako riyan pero aabangan ko muna siya rito,” sagot ni Silvia sabay baba ng telepono.

Dahil iisa lang ang terminal na sakayan sa kanila, alam niyang darating at darating doon si Lorena kung balak nga nitong tumakbo ulit. Hindi naman siya nabigo dahil nakita niyang nag-aantay ng byahe ang babae at tama nga ang kaniyang lola may bitbit itong malalaking supot at punong puno ito, nakita niyang biglang inilabas ng babae ang bag niya galing doon.

“San ka pupunta Lorena?” tanong ni Silvia sabay tabi sa babae.

“Ate? Kanina pa ba kayo diyan? Ah kasi ano, kailangan kong umuwi sa amin at may sakit ang anak ko,” namumutlang sagot ni Lorena.

“Ah ganon ba? Bakit ‘di ka man lang nagsabi sa akin? Kahit tawag o text man lang?” sagot niya sa babae.

“Ano kasi ate e, biglaan. Tatawagan pa lang sana kita kaso nagmamadali rin ako,” wika pang muli ni Lorena sabay tago sa supot na dala niya.

“Ano yang dala mo? Bakit ang dami niyan? Wala ka namang dala noong lumuwas ka dito, kaya pwede ko bang makita ano yang andiyan?” tanong ni Silvia sabay hatak sa supot. Laking gulat niya ng makitang mga damit nila iyon at mga damit ng kaniyang anak, may iilang mga plato, baso at mga sardinas. Gusto na niyang sampalin ang babae dahil tumambad sa kaniyang harapan na nagnanakaw nga ito sa kanila nguit mas pinili niyang maging kalmado.

Advertisement

Aaktong tatakbo na sana si Lorena nang mabunyag ang kaniyang sikreto ngunit kalmado siyang pinigilan ni Silvia at pinaupo.

“Hindi mo kailangan tumakbo at ipahiya ang sarili mo. Ganito na lang, papapiliin kita, iiwan mo itong supot at hindi ka na kailanman babalik sa amin o magpupunta tayo ng pulis ngayon at aamin ka sa ginagawa mo?” nakangiting tanong ni Silvia dahil ayaw niyang gumawa ng eksena sa terminal.

“Ate, gusto ko lang naman na mabigyan ang pamilya ko ng mga gamit ate, pasensya kana talaga ate! Huwag mo naman akong dalhin sa pulis ohh, iiwan ko na lang iyan ate at hindi na ako uulit pa ate!” nagmamakaawang pahayag ni Lorena.

“Alam mo Lorena, kung ibang amo lang ako baka pinahiya na kita dito, pero hindi ako ganon kaya papaalisin na lang kita. Kung may mga bagay tayong gusto nating makuha ngunit hindi natin kaya, pwede naman nating hingin iyon. Baka nga kung tinanong mo lang ako tungkol sa mga damit na ito ay baka ibinigay ko na siya sayo kaso nasira na ang tiwala ko,” wika ni Silvia sa babae.

“Isa ring kasambahay ang nanay ko sa ibang bansa kaya naman hindi ko ugaling mang-alipusta ng tao. Kaya sana maging leksyon sa’yo ito Lorena. Dahil kung ngayon ay hindi ka binabalikan ng karma, sinasabi ko sayo, paparating na yun at baka dumoble pa. Ako na ang bahala sa hiniram mong pera sa kapitbahay ko at umuwi ka na sa inyo, pinapatawad na rin kita pero pasensya kana dahil hindi na kita tatangapin pang muli,” dagdag ng babae sabay tayo nito at bitbit sa dalawang supot.

Nakita niyang nakayuko si Lorena at umiiyak.

“Panginoon, ikaw na ang bahala sa kaniya,” bulong pa ng babae sa kaniyang sarili.

Umuwi na si Silvia sa kanilang bahay at hindi na nagkaroon pa ng balota kay Lorena simula noong insidenteng iyon. Araw-araw na lang niyang ipinagdarasal na sana makaraos ang pamilya ng babae at hindi na muling manloko pa ng tao.