Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Dating Baklang Nangangalakal, Napatunayang Basura ang Tutupad sa Kanyang mga Pangarap - Inday Trending

Dating Baklang Nangangalakal, Napatunayang Basura ang Tutupad sa Kanyang mga Pangarap

Si Bartolome ay 18-anyos na bakla. Siya ay nangangalakal ng basura sa kanilang barangay. Siya ang panganay sa pitong magkakapatid. Ang mga magulang niya ay kapwa-nangangalakal rin ng basura.

Simula nang tumuntong siya ng pitong-taon ay namulat na siya sa mundo ng mga basura.

“Bartolome!” tawag ng kanyang kaibigan na agad niyang kinainis.

“Anong Bartolome, sabi nang tawaging niyo akong Barbie eh!”

Tawanan ang mga barkada niyang beki rin. “Okay, Barbie, sasama ka ba sa amin gumala bukas?”

Linggo kasi bukas at araw ng paggala ng mga tropa niya. Nalungkot ang mukha ng beki, “Hindi eh, malakasan daw ang kalakal bukas kaya hindi ako makakasama sa inyo.”

Umismid ang isa niyang kaibigan, “Kailan ka ba magde-day off d’yan sa trabaho mong iyan?”

Ngumiti siya nang mapait, “Kapag mayaman na ako.”

Wala nang nagawa pa ang kanyang mga kaibigan kundi ang magsialisan. Napag-isip isip ni Bartolome ang kanyang sinabi, “Kelan nga ba ako yayaman?”

Simula ‘ata nang pinanganak siya ay puro kahirapan nalang ang naranasan niya sa buhay. ‘Ni hindi niya pa naranasana ang kumain ng higit sa tatlong beses sa isang araw. Hindi niya rin maranasan ang makabili ng mga bagong damit. Kung hindi pinaglumaan ng kanyang mga magulang, ay pulot sa basura ang sinusuot niyang damit.

Hanggang isang araw ay nakaisip siya ng isang magandang ideya. “Ano kaya’t gawin ko itong bagong design na damit?”

Aniya habang nakatingin sa napulot niyang dress sa basurahan. Medyo marumi at punit na ang ibang parte niyon.

Nagdesisyon siyang magrenta ng sewing machine kay Aling Nitz na kilalang mananahi sa lugar nila.

“Sige na po Aling Nitz gusto ko lang may maisuot namang bagong damit sa birthday ko,” pagmamakaawa niya sa matanda.

Hindi na siya napahindian nito kaya naman tuwang-tuwa niyang niyakap ang matanda, “Thanks Aling Nitz. Oh, mabango ako ngayon ah, kakaligo ko lang.”

Nagtawanan sila ng matanda. Nagulat ito nang makita ang result ng kanyang tahi “Napakaganda niyan Bartolo-, este Barbie. May talento ka sa pagtatahi.”

Natuwa naman siya sa sinabi nito. Naging sunod-sunod ang pagtungo niya doon upang magtahi ng mga luma o tinapon ng damit ng ibang tao. Natutuwa naman ang matanda sa angkin niyang talento hanggang sa nagulat nalang siya sa sinabi nito isang araw, “Gusto kong madiscover ng iba ang talento mo, Barbie.”

Nagulumihanan siya sa sinabi nito, “Ayokong ako lang ang nakakakita ng talento mo. Ipapadala ko itong mga disenyo mo sa aking kapatid sa France, paniguradong matutuwa iyon.”

Nagulat naman si Barbie sa tinuran ng matanda. Hindi niya akalaing may kapatid pala ito sa ibang bansa.

Napaka-humble talaga ng matandang ito, sa isip-isip niya.

Isang linggo ang lumipas at nakarinig sila ng balita mula sa kapatid ng matanda, “I like your creations. I want you to pursue your dreams here in France!”

Natawa si Barbie, “Mukhang masayang-masaya ka Barbie! Masaya rin ako para sayo!”

“Hehe, kasi Aling Nitz ‘di ko gets yung sinabi ng kapatid mo english kasi. Pwede po bang pakitagalog?”

Natawa lalo ang matanda sa kanya at nahampas siya sa pwet, “Ang sabi ng sister ko, nagustuhan niya daw ang mga gawa mo! At doon mo daw ipagpatuloy ang pangarap mo sa France!”

Namilog ang mga matanda ng bakla, umirit at nayakap si Aling Nitz. Lubos-lubos ang pasasalamat niya dito.

Ilang taon ang lumipas at naging matagumpay nang designer si Barbie. Natulungan niya na ang buong pamilya at ilang kababayang katulad niya noong basurero. Hindi siya nakalimot sa pinanggalingan niya. Lubos niyang pinagmamalaki na ang mga gawa niya ay galing sa recycled na mga damit. Pinangalanan niya ito eco-fashion designs.

Hindi lamang niya natupad ang mga pangarap niya. Napatunayan din niyang ang kabutihan ng puso ay dadalhin ka sa lugar na ninanais mo. Noon ay puro basura lamang ang hawak niya habang nanlilimahid siya sa mabahong amoy at katas nito. Ngayon, matataas na tao na ang walang pag-aatubili kung bumeso at nakikipagkamay sa kanya. Kaliwa’t kanan ang oportunidad. Naisip niya, maaaring may nagawa siyang tama upang biyayaan siya ng sobra-sobra ng Panginoon kaya ibabalik niya ito sa pagtulong sa kapwa.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.