Tila Anghel Kapag Nangungutang Ngunit Matapang Pa Kapag Singilan Na, Isang Matinding Leksyon ang Maituturo ng Tadhana sa Babaeng Ito

Regular ang trabaho at kung tutuusin ay maganda ang kita ng dalagang si Johanna. Ngunit dahil sa labis nitong paggastos ay madalas siyang mangutang sa mga kakilala at kaibigan. Pansin din ng mga kaibigan nito na magpaparamdam lamang ang babae kapag may kailangan.

“Bes! Kamusta na? Gumaganda ka ah!” chat ni Johanna sa isang kaibigan na matagal nang hindi kinakausap.

“Uy! Ok naman. Pagod sa trabaho. Ikaw? Musta?” sagot nito sa kanya.

“Ask ko lang kung pwede manghiram ng pera? Kasi pinapaalis na ako ng landlady namin dito sa apartment e. Ibabalik ko rin naman agad!”

“Ganon ba? Nako. Pasensiya ka na gipit din kasi ako ngayon e. Saktong-sakto lang ang pera ko ngayon kasi kapapanganak ko lang.”

Hindi na nagreply si Johanna. Dahil natanggihan, agad itong naghanap ng iba pang mauutangan. Kaya naman naging tampulan na siya ng chismisan ng mga kaibigan.

“Girl, inuutangan na naman ako ni Johanna. Kapal! E nung sinisingil ko siya noon, minura pa ako sa chat. Sabi hindi raw ako makapaghintay na magkusa siyang magbayad!” ‘ika ng inis na inis na si Carla, dating best friend ni Johanna.

“Nako! Akala ko ako lang. Ganyan na ganyan sakin ‘yan noong isang beses na pinautang ko. Noong siningil ko dahil isang buwan nang hindi nagbabayad, pinost pa ako sa Facebook! Ang sabi pa hindi raw ako makaintindi. Kakagigil!” reklamo ni Gina.

Advertisement

“Kailan kaya ‘yon magbabago, ano? Kaya kayo, ‘wag niyo nang papautangin! Kahit magmakaawa sa inyo. Malamang niyan gawa-gawa lang niya ang mga dahilan niya. ‘Wag kayong paloloko,” bilin ni Shane sa mga kaibigan.

Ni isa sa mga inutangan ng babae ay wala itong nabayaran. Ang gawi niya ay matapos mangutang, bigla na itong mawawala at iba-block pa sa Facebook ang kaibigan upang hindi na siya mahagilap.

Isang araw, nagising si Johanna dahil sa labis na pagsakit ng kaniyang ulo. Agad niyang hinanap ang cellphone upang tawagan ang mga magulang na matagal nang hindi kinakausap.

“Mama! Pwede mo ba akong puntahan? Ang sakit sakit po ng ulo ko. Parang pinipiga.”

“O, ano? Buhay ka pa pala? Ang tagal mong hindi mahagilap ah? May sakit ang papa mo! Nasa ospital kami ngayon. Wala kong panahon sa mga kalokohan mo. At isa pa, wala akong pera kaya wala kang mahihiram sa akin,” sagot ng iritadong ina. Nasanay na siya na nagpapaawa ang anak upang makautang ng pera.

“Hindi, mama. Seryoso po ako. Sobrang sakit. Para akong hihimatayin. Hindi po ako makapuntang ospital mag-isa kasi wala pa po akong pera,” paliwanag nito.

“Ayan! Sinasabi ko na nga ba. Wala akong pera, Johanna! Marami kaming gastusin. Ni hindi ka na nga nakatulong dito sa bahay!” saka ibinaba ng ina ang telepono. Hirap na siyang maniwala sa anak dahil sa paulit-ulit na pangloloko nito noon sa kanya.

Wala nang nagawa si Johanna. Sinubukan niyang tawagan muli ang kanyang ina ngunit hindi na ito sumagot pa. Lalo pang tumitindi ang pananakit ng ulo niya at hindi na siya makabangon. Hindi siya makatawag ng ambulansya dahil alam niyang wala siyang pambayad ng ospital. Kaya naman sinubukan niyang tawagan ang mga kaibigan.

Advertisement

Ngunit kagaya ng kanyang ina, wala nang naniwala sa kanya.

Pinilit niyang bumangon upang pumunta sa isang pampublikong ospital. Nang makapagpa-test, agad siyang kinausap ng kanyang doktora.

“Hija? Tatapatin na kita. Kinakailangan mong maoperahan agad upang maalis ang lumalaking tumor sa iyong utak. Kakailanganin natin ng dalawang milyong piso.”

Namutla si Johanna. Hindi niya alam kung paano makakalikom ng ganoong kalaking halaga. At alam rin niyang hindi na siya paniniwalaan ng mga kakilala at kaibigan niya dahil nagpanggap na rin siyang may sakit noon. Naiyak na lamang ang babae sa naging kapalit ng mga aksyon niya noon.

Nag-isip na lamang siya ng iba pang mga paraan upang makalikom ng sapat na pera para sa kanyang operasyon. Mayroon pa naman siyang apat na buwan upang makapag-ipon. Ngayon ay desidido na siyang baguhin ang buhay niya.

Gamit ang tanging natitirang dalawang libong piso sa kanyang ATM card ay naisipan niyang mamili ng mga sangkap sa banana cake upang magbenta. Ngunit makalipas ang isang buwan na pagbebenta, wala pa sa sampung libong piso ang naitubo niya.

Kaya naman sinubukan niya muling tawagan ang mga magulang niya, at ipinakita ang diagnosis ng doktor. Naiyak naman ang mga ito at nangakong tutulong sa paglikom ng perang pampa-opera niya.

Ngunit matapos ang isa pa muling buwan, hindi man lang umabot sa isang daang libong piso ang tutal na naipon nilang mag-anak. Ngayon ay ramdam na ramdam na niya na mahirap kumita ng pera. Bigla niyang naalala ang mga inutangang hindi na binayaran, at agad naiyak sa konsensiya. Naisip niyang ito na ata ang karma niya, at unti-unti na niya tinanggap na hindi na siya makakapagpa-opera dahil sa mga ginawa niya noon.

Advertisement

Isang umaga, nagising na naman si Johanna na labis ang pagkirot ng sintido. Nagulat ito nang biglang mag-ring ang kanyang cellphone.

“Anak! O Diyos ko, salamat sa Panginoon! Dininig niya ang panalangin ko. Ang boss ng papa mo, pumayag na pautangin tayo ng pampa-opera mo. Anak, gagaling ka na!” tuwang-tuwang sabi ng kanyang ina.

Hindi naman makapaniwala sa narinig si Johanna. Agad silang nagtungo sa ospital matapos makuha ang pera at agad na nagpa-schedule ng operasyon.

Makalipas ang ilang buwan, tuluyan nang naka-recover sa kanyang operasyon si Johanna. Kaya naman naisip niyang magsimula na ring magtrabaho upang mahulugan na ang milyong pera na inutang sa boss ng kanyang papa. Kumuha agad ito ng tatlong trabaho. Labis siyang nagsumikap kahit alam niyang matagal-tagal pa siyang makakatapos sa pagbabayad.

At para maitama ang mga kamalian noong bago siya magkasakit, pinuntahan niya isa-isa ang mga taong nautangan at tinakbuhan niya noon. Halos lumuhod pa siya sa harap ng mga ito para lamang makahingi ng tawad. Agad namang nakita ng kanyang mga kaibigan ang naging pagbabago sa pag-uugali ng dalaga. Kaya naman nagdesisyon na silang patawarin ito. Ang iba ay nag-abot pa ng pinansyal na tulong sa dalaga.

Lumipas ang ilang taon, at kahit papaano ay nababawasan ni Johanna ang kanyang mga utang. Natuto na rin siyang mamuhay ng simple at naaayon sa kanyang kakayahan. Kailanma’y hindi na muli siya nangutang.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!