Inday Trending

Nais nang Tumigil ng Dalaga Dahil sa Kahirapan, Ito ang Ginawa ng Taong Tumayong Inspirasyon Niya Para sa Kanya

Nasa huling taon na sa kolehiyo si Anika, kumukuha siya ng kursong Business Management. Siguro ay dalawang taong gulang pa lamang siya nang pumanaw ang kanyang ama, habang ang nanay niya naman ay nagpaalam na magtatrabaho abroad pero di nagtagal ay tumigil na rin sa pagpaparamdam. Nabalitaan na lang nila na nakapag-asawa na raw doon at may sarili nang pamilya, elementary pa lamang si Anika noon. Tanging si Lola Adela na lamang ang kasama ng dalaga sa buhay.

Kapag walang summer vacation o kaya naman sembreak ay nagtitinda si Anika ng halu-halo at meryenda para makaipon at makatulong sa kanyang lola na tustusan ang pambaon niya sa kolehiyo. Habang ang lola niya naman ay nagtitinda ng gulay, naawa rito ang isa sa mga committee sa palengke kaya pinayagan na itong maglapag ng ilang paninda sa isang gilid ng libre, basta hindi nakaharang sa daraanan ng mga tao.

“Anika, kain na. Naku, kay sarap ng pagkain natin, salmon!” sabi ng matanda.

Natawa si Anika nang makita kung ano ang nakahain sa mesa, tuyo at kamatis.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Lola, mapagbiro eh. Pero masarap nga itong tuyo, paborito ko.” sabi ng dalaga.

“Alam mo matumal ang benta ng gulay ngayon, napakamahal kasi. Dati rati ay marami na akong nabibili sa puhunan ko, ngayon kakarampot eh. Para lang akong naglalaro sa palengke, may ilang gulay na tinda,” malungkot na sabi ng matanda.

“Sabi ko naman kasi sayo lola, pwede naman akong huminto muna. Tutulong muna po ako sa inyo tapos kapag nakaipon na tayo edi itutuloy ko na.” sabi niya.

“Ano’ng itutulong mo? Magbu-beauty contest ka? Ayoko naman ng ganoon apo. Natutuwa ako pero syempre ay gusto ko na maganda ang maging buhay mo at may regular kang kita kaya pagbutihin mo na lang ang pag aaral mo, iyon na ang tulong mo sa akin,” sabi ng lola nya. Totoo iyon, palagi rin pala siyang kasali sa mga contest dahil matangkad siya at maganda, namana niya iyon dito.

“Eh paano po yan, matumal nga ang kita..” pabulong na angal niya rito.

“Aba, may inalok sa aking trabaho yung isa sa mga customer ko, swak na swak. Nagdalawang isip siya noong una dahil matanda na raw ako pero sabi ko ay kayang-kaya ko pa, sayang ang kita doon. Madali lang naman ang gagawin,” sabi ng matanda sabay kindat sa kanya.

“Hala lola, baka maghohostess ka? O magtitinda ka ng shabu?” biro niya rito.

“Tinamaan ng lintik na bata ito!” halos mabilaukan ang matanda sa sinabi niya, at nabalot ng tawanan ang kanilang munting tahanan.

Makalipas ang ilang linggo ay sumapit na ang araw ng exam ni Anika. Naputulan sila ng kuryente kagabi kaya hindi siya masyadong nakapag-review. Dismayado ang dalaga, tiyak niyang mababa ang grade niya. Bale ba ay huling sem na, doon pa nagkamalas-malas.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Sabi niya naman kasi sa lola niya mas gusto niya na lamang mag-trabaho. Siguro naman ay makakapasok siya sa mga call center, o kahit na saan. Tila kasi pinagkakaisahan siya ng tadhana. Hirap na nga sa buhay, parang lalong mahirap umahon at abutin ang pangarap. Siguro, kakausapin niya ulit mamaya ang lola niya tungkol sa gusto niyang mangyari. Sa ngayon, lumiban muna siya sa isa niyang klase.

Gusto niyang magliwaliw muna at limutin ang problema niya sa eskwelahan. Sa paglalakad ay nakarating siya sa isang food park, kabubukas lamang nito noong isang linggo.

Bakit naman ako papasok diyan eh wala naman akong perang pambili? napapailing na tanong ni Anika sa kanyang sarili. Palabas na sana siya nang maisip niyang tatambay lang naman siya, hindi naman kailangang bumili. Isa pa, bagong bukas ang food park kaya paniguradong nagpapalakas pa ang mga kainan dito, baka may free taste.

Dumiretso na siya sa loob at naupo sa isang sulok. Tama nga siya, kanya-kanya ngang paandar ang mga kainan. May nagpapatugtog nang malakas, mayroon pa ngang mascot ng Mickey Mouse, pang-tawag atensyon sa mga bata.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Naaaliw manood si Anika sa mascot, ninais niya nga ring magpa-picture kaya lang ay nahiya siya, hindi naman kasi siya bibili.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Maya- maya pa, naubos na ang mga taong nagkakagulo sa mascot. Lumapit dito ang isang may edad na babae, siguro ay iyon ang may-ari ng kainan. Tinapik nito ang mascot at tila ba sinenyasan na tapos na ang trabaho nito.

“Ibibigay ko na lang ang bayad dito sa likod, sunod kayo sa akin,” sabi ng babae at tumalikod na.

Sumunod ang mascot at hinubad na ang ulo ni Mickey Mouse. Doon tumambad kay Anika ang pinaka hindi niya inaasahan. Pawis na pawis, pagod na pagod…

Ang kanyang lola.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Halos maiyak si Anika sa kanyang kinauupuan dahil sa sari-saring damdaming nararamdaman, heto siya at sumusuko na sa pag-aaral. Pero ang lola niya, patuloy na kumakayod para mapagtapos sya, sampal kay Anika ang nangyayari ngayon. Napatakbo ang dalaga at niyakap ang matanda.

Nagulat man ay napangiti si Lola Adela.


“Pikit lang, bawal mandaya. Huy nakadilat ka yata lola eh!” natatawang sabi ni Anika habang akay ang kanyang lola.

Nasa tapat sila ngayon ng bagong bili niyang bahay para sa kanilang dalawa.

“Ang ganda!” maluha-luhang sabi ng matanda. Para itong naengkanto dahil titig na titig sa malaking bahay.

“Sa atin ba talaga ito?” di makapaniwalang tanong nito sa apo.

Niyakap ni Anika ang matanda, nararapat lang na makatikim naman ito ng ginhawa. Naka-graduate na siya dalawang taon na ang nakalipas. Nang makahanap ng trabaho ay talagang hinusayan niya. Si Lola Adela ang kanyang inspirasyon. Kulang pa ang lahat ng ito sa mga sakripisyo at pagmamahal na ibinigay ni lola adela sa kanya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Tags: , , , , ,