Planado na ang Paghihiganti ng Dalaga sa Taong Sumira ng Pamilya Nila Ngunit Isang Matanda ang Nagbigay ng Pangitain Upang Palayain ang Poot sa Kanyang Puso

Matagal na nakatitig si Luisa sa harap ng salamin. Inaalisa niya ang kabuuan ng kaniyang anyo mula ulo hanggang paa. Hindi siya makapaniwala na hindi niya makilala ang taong nasa kaniyang harapan. Iisa ang kanilang mukha. Pareho din ang tindig at hubog ng kanilang mga katawan. Kahit saang angulo niya tignan ay wala siyang makitang pagkakaiba. Ngunit batid ng kaniyang puso na langit at lupa ang pagitan nilang dalawa. Kung si Luisa ay puti, ang taong kaharap niya sa salamin ay itim. Dalawang persona ang nagtatalo kung sino ang dapat maghari sa katawan ni Luisa.

Naging biktima ng hit and run ang nag-iisang kapatid ni Luisa. Kinailangan nila ng malaking halaga para maoperahan ito sa lalong madaling panahon kung hindi ay hindi na maisasalba ang buhay nito. Gipit sila noong panahong iyon. Ang tatay niya ay katatanggal lang sa trabaho. Ang nanay naman niya ay labandera lamang. Para makatulong ay naglalako si Luisa ng kakanin tuwing may pagkakataon.

Labis ang tuwa ni Luisa nang malamang nakakalap ng pera ang kaniyang ina para sa operasyon. Sa kasawiang palad ay huli na ang lahat. Namatay ang kaniyang kapatid habang inooperahan ng mga doktor. Kaakibat ng pagkamatay ng kapatid ay ang malaking pagbabago sa kanilang pamilya. Bihira nang umuwi ang kaniyang ama. Ang kaniyang ina ay madalas aligaga at wala sa sarili. Di naglaon ay natuklasan din ni Luisa ang lihim na sumira sa masaya nilang pamilya. Ang kapalit ng perang pinangbayad sa operasyon ng kapatid ay ilang gabing pamamalagi ng ina sa bisig ng dating amo ng kaniyang ama. Ang pangyayaring ito ang nagbunsod sa paglitaw ng pangalawang persona ni Luisa.

Gumawa ng paraan si Luisa para makaganti sa sumira ng kanilang pamilya. Namasukan siya bilang katulong ng dating amo ng tatay niya. Nagsimula ang kaniyang paghihiganti sa pangungupit ng perang panggrocery na nauwi sa pagnanakaw ng mga alahas, gadgets at iba pang kagamitan. Nagpakalat rin siya ng mga tsismis para masira ang relasyon ng amo sa asawa’t mga anak.

Habang namamasukan ay hindi inaasahan ni Luisa na marinig ang pagtatalo ng among babae at ng panganay na anak nito. Dito niya natuklasan kung sino ang dahilan sa maagang pagpanaw ng kaniyang kapatid. Ang anak ng amo ang nakasagasa sa kaniyang kapatid. Umabot sa sukdulan ang poot na kaniyang nararamdaman nung marinig ang salitang binitawan ng anak ng kaniyang amo.

“Oo, ako nga ang nakasagasa ngunit hindi ako ang pumatay! Magaling kang doktor. Maaari mo siyang iligtas kung gugustuhin mo pero hinayaan mo siyang mamatay. Namatay ang inosenteng bata sa iyong mga kamay!”

Sa pagkakataong ito ay lumalim ang kagustuhan ni Luisa na sirain ang kanilang mga buhay. Kung dati ay pagnanakaw at pagkakalat ng mga tsismis ngayon ay nakipaglaro na siya kay Kamatayan. Hinahaluan niya ng lason ang mga pagkain at inuming inihahanda niya para sa kanila. Mabagal ang epekto nito at walang iniiwang bakas. Hindi ito nakakamatay ngunit nagdudulot ng matinding karamdaman.

Sa gitna ng lahat ng kaganapan, isang bahagi ni Luisa ang nakakulong sa isang hawla at patuloy na nagdurusa. Humihiyaw at nagsusumamong ibsan ang sakit na kaniyang nararamdaman. Nais nitong makalabas ngunit wala itong magawa kung hindi ang tahimik na magmasid sa isang tabi habang impit na umiiyak.

Advertisement

Matapos masigurong maayos ang kaniyang itsura sa harap ng salamin ay umalis na si Luisa para magsimba.

Habang nakikinig sa sermon ng pari ay hindi maiwasan ni Luisa na magbaliktanaw sa kaniyang nakaraan. Dinala siya ng kaniyang diwa sa panahong masaya at buo ang kaniyang pamilya. Mahigpit na yakap ng isang matandang babae ang nagbalik sa kaniya sa kasalukuyan. Malamyos nitong pinahid ang tumutulo niyang luha.

“Idulong mo ang lahat sa Kaniya. Hayaan mong pasanin Niya ang lahat ng pasakit sa iyong puso. Mahirap man sa ngayon pero lilipas din iyan.”

Ilang minuto pa ang lumipas na humahagulgol ng iyak si Luisa habang yakap-yakap ang matanda. Nang mapanatag na ang kaniyang kalooban ay nagpasalamat siya dito bago tinanong ang pangalan nito.

“Tawagin mo na lang akong Lola Lisa.”

Lisa, kapangalan ng kaniyang kapatid. Sa puntong iyon ay nakapagdesisyon si Luisa na pupunta sila ng kaniyang ina sa probinsiya para kalimutan ang mga masalimuot na nangyari sa kanilang buhay. Alam niya na mahirap pero unti-unti niyang aalisin ang poot na namayani sa kaniyang puso at ng sa gayon ay muli niyang matagpuan ang kaniyang sarili.

Kung ikaw si Luisa ano ang iyong gagawin, maghihiganti ka rin ba o magpapatawad? Hahayaan mo bang kainin ng galit ang buo mong pagkatao? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.