Pinagpakitaan ng Multo ang Babae sa Banyo, Laking Gulat Niya nang Malaman kung Sino ang Nagpakita sa Kanya

Alas diyes na ng gabi at hindi namalayan ni Gwen ang oras. Pinag-overtime siya ng kanyang boss dahil may mga kailangan siyang tapusin sa opisina.

“Hala, wala palang pagkain sa bahay. Hindi ako nakapagluto kanina bago ako umalis,” sabi niya sa sarili habang nasa loob ng elevator.

Nasa ika-labindalawang palapag kasi ang condo unit kung saan siya nakatira. Minsan ay natatakot siya dahil ang tinitirhan niya ay ang nag-iisang okupadong unit sa palapag na iyon.

Tatlo lamang silang nakatira doon, ang mga magulang niya ay nasa probinsya at ang dalawang kapatid lang niya ang kasama niya. Hindi uuwi ang kapatid niyang lalaki dahil sumama ito sa mga kabarkada sa outing. Ang nakababata naman niyang kapatid na babae ay maagang natutulog dahil maaga pa ang pasok sa eskwela.

Pagpasok niya sa unit ay tinawag niya ang kapatid.

“Mich? Gising ka pa ba?”

Naabutan niya na nakasarado ang ilaw sa sala. Agad niyang kinapa ang switch ng ilaw at pinindot.

Sinilip niya ang kuwarto ng kapatid at naabutan niyang tulog na tulog ito.

Advertisement

“Hayy, wala na naman akong kasabay na kumain,” bulong niya sa sarili.

Gusto kasi ni Gwen na palagi silang magkakasabay na kumakain ng mga kapatid niya.

Matapos makapagbihis ay niluto niya ang nakuhang pagkain sa ref at mag-isang kumain.

Bago matulog ay dumiretso siya sa banyo.

“Makapagpa-beauty nga muna! Buti at tulog itong si Mich at wala si Nathan, kundi aasarin na naman nila ako!”

Kapag nagsasagawa siya ng seremonyas sa gabi ay palagi siyang inaasar ng mga kapatid. Marami kasi siyang tigyawat sa pisngi kaya sabi ng mga kapatid niya ay hindi raw umeepekto sa mukha niya ang ginagawa niyang pagpapaganda.

Nakatuwaan niyang maglagay ng facial mask. Tanging mga butas ng mata, ilong at labi ang walang kulapol na makapal na kulay puti.

“Mas matindi pa sa espasol ang hitsura ng feslak ko, o!”

Advertisement

Kailangan kasing ibabad iyon ng 15 minuto kaya naisipan niyang maglinis muna ng banyo. Ini-off niya ang ilaw dahil maliwanag naman ang ilaw sa labas at kita naman niya ang nililinis niya.

Kapag nakatalikod siya sa pinto ng banyo at nakaharap sa salamin, madilim ang mukha na nakikita niya, salungat kasi siya sa ilaw. Nawili siya na magkuskos ng tiles nang bigla siyang nakaramdam ng pananayo ng kanyang mga balahibo.

“Dyusko po, bakit bigla akong kinilabutan?” aniya.

Pakiramdam niya, mayroon siyang ibang kasama ng mga oras na iyon sa loob ng banyo. Pakiramdam niya ay nakatingin lamang ito sa kanya, kaya hindi siya lumilingon sa likod niya.

“Kung sino ka man, huwag mo akong tatakutin, ha?”

Hindi talaga siya lumingon at ipinagpatuloy lang ang paglilinis. Ngunit talagang kakaiba na ang nararamdaman niya at nangangapal na ang kanyang mukha at lumalaki ang kanyang ulo. Pinagpawisan na siya ng malapot.

Matapos niyang linisan ang sahig ng banyo ay hindi sinasadyang napatingin siya sa salamin dahil nasa tapat din ito ng lababo at nakaharap sa kanya. Napasigaw siya sa nakita.

“Aaahhh! Multo, multo!”

Advertisement

Nakita niya kasi ang isang taong puting-puti ang mukha at bilog ang mga mata na maitim pati labi.

Ang bilis ng pangyayari. Sa lakas ng pagsigaw niya ay hindi niya namalayang nagising ang kanyang kapatid.

“Ate, ate, anong nangyari sa iyo?” nagtatakang tanong ng kapatid.

“M-may multo sa banyo!” nangangatal niyang sabi rito.

Pumasok ang kapatid sa loob ng banyo.

“Wala naman multo sa loob, e!” anito.

“May multo, kitang-kita ko kanina nasa salamin!”

“Ate, baka sarili mo lang ang nakita mo! Tignan mo iyang nasa mukha mo at matatakot ka talaga!”

Advertisement

Bigla siyang nahimasmasan sa sinabi nito.

“Sh*t! Ako pala iyong nakita ko!”

Sarili pala niyang mukha ang nakita niya sa salamin.

“Ate talaga, sarili mong mukha ang napagkamalan mong multo?” natatawang wika ng kapatid.

Naalala niya na makapal nga pala ang pagkalagay niya ng facial mask. Dahil sa kapal nito ay ang naiwan lamang na walang puti ay ang kanya mga mata at labi.

“Mabuti na lang at wala akong sakit sa puso, kundi ay baka natsugi na ako dahil sa kagagahan ko!” aniya habang nagkakamot ng ulo.

“Sa susunod kasi ate, magbubukas ka ng ilaw kapag nasa banyo ka para hindi mo napagkakamalang multo ang sarili mo!” payo pa ng kapatid.

Naisip ni Gwen na tinatakot lang pala niya ang sarili sa walang kadahilanan.

Advertisement

Gaya niya ay tao rin ang gumagawa ng sarili nilang multo, at unang-unang natatakot sa mga produkto ng kanilang imahinasyon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!