Misis na Ma-Kati

Kinusot kusot ni Rolly ang kanyang mga mata, patang pata siya sa maghapong paghahanapbuhay. Isa siyang tricycle driver, pero kapag may bakanteng oras ay gumagawa rin siya ng mga trapal. Marunong siyang manahi dahil dati na siyang nagtrabaho sa pabrika ng mga tela.

Mayroon siyang isang anak, si JR na ngayon ay grade 6 na. Ang misis niya naman ay dati ring mananahi, doon nga sila nagkakilala sa pabrika. May dalawang anak na ito sa magkaibang lalaki nang makilala niya, pero tinanggap niya pa rin at balak pa nga niyang pakasalan kung may pera lamang siya.

“Myra, ito na ang hapunan o. Nakasaing kana ba?” sabi ni Rolly, talagang nanlalambot siya sa sobrang pagod. Dinodoble niya kasi ang trabaho, dahil bukod sa nag aaral ang anak nila ay nangungupahan pa sila. Ayaw niya namang pagtrabahuin si Myra, nais niyang maging komportable ito.

Katwiran niya, naghirap na nga ito sa dalawa nitong asawa noon.. ipaparanas niya naman rito ang maging reyna ngayon.

“Ay hindi pa Rolly, ano kasi.. ka-chat ko si Bryan,” sabi nito. Ang tinutukoy ay ang panganay na anak. Ang dalawang naunang supling nito ay nasa kani-kanilang mga ama. Sabi nga ni Rolly noon, kunin nila. Ayaw naman ni Myra.

“Sige wag ka nang tumayo. Ako na, narito na rin lang ako eh,” sabi niya at dinampot na ang kaldero. Hinugasan muna iyon bago nilagyan ng bigas at tubig.

Nang maisalang niya na ang sinaing ay nagbihis na ang lalaki. Ni hindi man lang ito sinundan ng misis at inasikaso, sige lang sa pagkalikot sa cellphone niya si Myra.

Sumilip muna siya kung nasa kwarto naba si Rolly bago ay tinawagan ang ka-chat. Nagsinungaling siya.

Advertisement

Hindi ang anak niyang si Bryan ang kanyang kausap, kundi si Mando- ang kanyang kalaguyo.

“Hello? Ang kulit kulit mo naman, mamaya na kasi,” sabi niya at humahagikgik pa. “Tsk. Oo nga, hindi nga masyadong marunong ito sa cellphone. Mangmang ito eh. Ni wala ngang facebook, kaya lang baka makahalata. Sige ka, di mo nako makakausap.” nakanguso pang sabi niya, feeling teenager. Nalimutan yata na may tatlo na siyang anak na iba-iba ang ama.

Lumipas ang mga araw na ganoon palagi si Myra, nakahilata lang sa bahay at sige sa pakikipaglandian habang ang mister naman ay nagkakandakuba na kakatrabaho mabuhay lamang siya.

Isang hapon, hindi na nakatiis si Rolly. Di kasi siya nakapasada dahil nilalagnat siya. Pumasok ang anak nila sa eskwela at siya pa ang nag asikaso dahil abala si Myra sa cellphone nito. Itinago niya ang pagkainis sa misis pero di niya na iyon mapigilan nang mag-ring ang cellphone nito at patago pa itong pupunta sa banyo.

Nakatago pa ang telepono sa ilalim ng damit na akala mo naman ay hindi halata, pero kitang kita niya. Wala lang siyang pinag aralan, pero di naman siya tanga.

“Sino ba kasi iyang kinakausap mo?” seryoso niyang tanong.

“Si Catherine ito,” simpleng sabi ng babae. Ang tinutukoy naman ay ang ikawala nitong anak.

“Patingin nga.” sabi ni Rolly. Ang totoo, di niya naman rin alam gamitin iyon. Sinusubukan niya lang ang babae kung ibibigay ang cellphone.

Advertisement

Biglang nataranta si Myra, kitang kitang tinakasan ng kulay ang mukha nito.

“Wag na. Di mo ‘to alam.”

“Patingin nga lang sabi,” mahinahon pa ring sabi ni Rolly. Nagtitimpi, noon palang ay alam na niyang niloloko siya ng babae. Pagkatapos ng lahat.

Nag-agawan sila at dahil nga mas malakas pa rin siya, nakuha niya ang telepono. Pilit iyong hinahablot ni Myra pero itinaas niya, hindi maabot ng babae. Nanginginig ang kamay niya na sinubukang hanapin ang kinalalagyan ng mga mensahe.

“Ano? Di mo alam! Akin na kasi! Bobong ‘to,” abot pa rin nito.

Sige sa pagpindot si Rolly, nagulat na lamang siya nang hablutin ni Myra ang gunting na ginagamit niya panggupit sa mga trapal.

“Pag hindi mo inabot sa akin ‘yang cellphone, magsasaksak ako!”

Kinabahan naman ang lalaki, ganoon talaga ka-ayaw ng babae na ipakita sa kanya ang cellphone nito.. na handa itong kitilin ang sariling buhay? Matapos ang lahat ng ginawa niya, pagtanggap..pagmamahal..pag iingat. Ganito lang?

Advertisement

Napangiti siya nang mapait, kalmadong iniabot rito ang telepono.

“Sige na. Sayo na yan, umalis kana lang.”

Taas noo pang nag-empake si Myra, bago lumabas sa apartment nila ay nagsalita.

“Wala kang kwenta, pustahan tayo. Babalikan mo rin ako kasi wala namang makakatagal sa iyo kundi ako,” nakangising sabi nito.

Naiwan si Rolly at ang kanyang anak. Ang hirap ng buhay pero kakayanin niya. Minsan naiisip niya pang balikan si Myra pero nabalitaan niyang may bago na raw ito, ulit.

Malungkot siyang namamasada isang araw nang sumakay sa kanyang tricycle ang isang matandang lalaking naka-Amerikana.

“Pwede bang pakihatid mo ako sa bahay ni Rolly Manalastas?” sabi nito.

Kumunot ang noo niya, “Ako ho iyon, bakit ho?”

Advertisement

Makalipas ang limang taon

Hirap na hirap na akay ni Myra ang apat na taong gulang niyang anak, kumakalam na ang sikmura niya dahil kagabi pa siya walang kain. May nahingi siyang tinapay kanina sa kanyang pinsang hirap rin sa buhay, pero ipinagparaya niya nalang iyon sa anak niya.

Suko na siya. Pinagbayaran niya na ang lahat ng kanyang mga panloloko, ang lalaking sinamahan niya- si Mando, ay nambubugbog. Batugan ito at ginawa pa siyang alila. Sobrang bastos na nag uwi pa ng ibang babae at kinalantari iyon sa harap niya.

Noon niya lang naisip si Rolly, ang mabait na lalaking walang ibang ginawa kundi pagsilbihan siya. Sinayang niya. Kaya heto siya, hihingi muli ng pagkakataon para ayusin ang lahat. Ni hindi niya na nga nadalaw ang anak niya rito.

Kaya lang ay medyo nalito siya, ito kasi ang itinurong address ng dati nilang landlady. Hindi na raw nangungupahan si Rolly at dito na nakatira..pero sobrang laking bahay ang nasa kanyang harapan ngayon! Tanaw niyang may tatlong kotse sa loob.

Maya-maya pa ay bumukas ang gate, may dalawang kasambahay na nagbukas noon.

Napansin niyang isa pang kotse ang paparating. Bumaba roon ang kanyang anak na ngayon ay teenager na. Nakita niya sa bintana na si Rolly ang nagmamaneho.

“Ako na ang bahala kay tita Carmen pa, i-park mo na po ang sasakyan.”

Advertisement

Kasunod noon ay pinagbuksan ng kanyang anak ang isang babaeng buntis na nakaupo sa tabi ni Rolly.

“Ang bait bait talaga ng batang ito,” nakangiting sabi ng babae, pabirong ginulo ang buhok ng kanyang anak.

“Hindi na po ako bata tita. Pero syempre mabait pa rin, kasi nanay na kita eh. Asawa kana ni papa at ikaw ang nag alaga sa amin noong malungkot kami.”

Lingid sa kaalaman ni Myra, noong iwan niya si Rolly ay naisakay nito noon sa tricycle ang isang attorney. Hinahanap nito ang lalaki, dahil ito nalang raw ang natitirang kamag anak ng isang matandang mayaman. Nang pumanaw ang matanda ay si Rolly ang nagmana ng bilyun-bilyon nitong salapi.

Lulugo-lugong naglakad nalang palayo si Myra. Isang malaking sampal sa kanya ito.

Iniwan niya ang mag ama at ngayon ay luhaan siya dahil maligaya na ang mga ito habang siya ay patapon ang buhay. Nasa kama na siya, bumaba pa sa sahig.

Images courtesy of www.google.com