Pinagbalakan ng Masama ng Dalaga ang Pangalawang Babae ng Nobyo; Ikinagulat Niya nang Lubos na Makilala Ito

Ilang buwan nang naghihinala si Tricia na mayroong ibang babae ang kaniyang nobyo na si Jerry. Kaya naman nang nalaman niya ang social media account ng babaeng pinaghihinalaan niya ay hindi niya pinalampas ang pagkakataon upang kumpirmahin ito.

Bagaman napansin niyang may iilan sa mga kaibigan nito ay kilala rin niya ay sinawalang-bahala niya ito. Gumawa siya ng panibagong account upang pag-aralan ang profile ng babaeng ito na nagngangalang Luna.

Sinalihan niya ang mga grupong sinalihan ng mga kaibigan ni Luna na balak niyang i-add bilang kaibigan sa social media. Doon siya nakipag-interaksyon at nakipagkaibigan sa kanila kaya naman madali niyang na-add as “friend” sa peysbuk ang mga ito.

Nung makarami na siya sa mga kaibigan ni Luna ay dun niya na sinubukang i-add ang dalaga upang makita ang laman ng profile nito at tuluyang makumpirma ang kaniyang hinala. Ngunit sa kasamaang palad ay hindi siya in-accept nito. 

Ikinaasar ito ni Tricia sapagkat nasayang lamang ang ginugol niyang oras para sa planong ito. Muli siyang umisip ng panibagong paraan ngunit hindi niya na alam ang kaniyang gagawin. Ngunit isang araw nagbago ang lahat nang magkita-kita sa isang salo-salo ang kanilang angkan.

Ikinagulat ni Tricia nang makita niya roon si Luna at bigla siyang kinabahan nang makitang papalapit ito sa kaniya kasama ang kaniyang Lola.

“Tricia, sa wakas ay natagpuan na ng tiyuhin mo ang nawawala niyang anak sa Pangasinan. Heto na siya! Ilang buwan na ring naninirahan dito sa Maynila ang pinsan mo kasama ng kaniyang ama,” pagpapakilala ng kaniyang Lola.

“Hello! Ikinagagalak kitang makilala. Ako nga pala si Luna,” pagbati ng dalaga.

Advertisement

Hindi makapaniwala si Tricia na kamag-anak niya pa pala ang babae ng kaniyang nobyo at hindi man lang siya kilala nito. Dahil dito ay biglang may nabuong plano sa kaniyang utak. Nagpanggap siya na hindi kilala si Luna. Binati niya ito at w-in-elcome sa kanilang angkan.

Madaling nakapaglapit ng loob si Tricia kay Luna sapagkat may ideya na siya sa mga interes nito base sa kaniyang pag-iimbestiga. Ngunit kahit sila ay nagkapalagayan na ng loob ay hindi nakipagpalitan ang dalaga ng social media account sa kaniyang pinsan dahil matutuklasan ni Luna ang tungkol sa kanila ni Jerry bagkus ay agad niya itong d-in-eactivate. Dinahilan niya na lamang na matagal na siyang hindi aktibo rito sapagkat naging abala siya sa trabaho.

‘Di nagtagal ay unti-unti na nilang napag-uusapan ang kanilang mga personal na buhay hanggang sa na ikuwento na rin ni Luna kay Tricia ang tungkol sa kaniyang kasintahan.

Doon nakumpirma ni Tricia na siya nga ang pangalawang babae sa buhay ni Jerry kaya sinimulan niya ng mga pahiwatig kay Luna tungkol sa kaniyang nobyo.

“Ako rin may boyfriend. Kaya lang hindi mo na siguro dapat makilala pa kasi niloloko lang naman niya ko eh. Mayroon siyang ibang babae,”  ang sabi ni Tricia.

“Paano mo naman nasabi? Nakita mo ba sila mismo? Kilala mo ba ‘yung babae?” tanong ni Luna.

“Hindi pa gaano kaya kailangan ko pa siyang mas kilalanin. Kailangan ko pa ng matibay na ebidensiya bago ako umatake sa kanilang dalawa,” sagot ni Tricia.

“Basta ‘insan, kapag kailangan mo ng katulong sa pag-atake sa kanila ay nandito lang ako. Sasamahan kita!” wika ni Luna.

Advertisement

Napangiti na lamang si Tricia kay Luna at kinausap ang sarili sa kaniyang utak, “Wala ka ba talagang kaalam-alam na ikaw ang tinutukoy ko o nagpapaka-inosente ka lang?”

Nang dahil dito ay mas inobserbahan pa ni Tricia si Luna at sa matagal nilang pagsasama ay unti-unti siyang napaniwala na walang alam si Luna kaya naman inamin niya rito na kilala niya ang nobyo nitong si Jerry nung ipinakita nito ang larawan nila.

Ipinaalam ni Tricia na nobyo niya si Jerry ng halos tatlong taon. Ipinakita niya ang kanilang mga larawan upang patunay kay Luna. Sinabi rin niya na alam niya na ang relasyon nila bago pa sila magkakilala sa salo-salo ng kanilang angkan.

Labis itong ikinagulat ni Luna. ‘Di niya akalaing parehong lalaki lang pala ang nobyo nila na kanilang pinag-uusapan.

“Paano akong nagawang lokohin ni Jerry? Pati ikaw, paano mo akong nagawang lokohin? Kahit nung nalaman mong pinsan mo na ko eh pinag-isipan mo pa rin ako nang masama at binalak na paghigantihan? Bakit hindi mo man lang muna ako kinompronta at kinausap tungkol dito. Pinagkatiwalaan pa naman kita!” sabi ni Luna kay Tricia.

“Pasensiya ka na. Napuno kasi ng galit ang puso ko at akala ko nagpapanggap ka lang na walang alam. Sana mapatawad mo ako. At sa tingin ko ngayon na ang panahon para harapin natin si Jerry at paaminin sa panloloko niya sa ating dalawa. ‘Di ba sabi mo noon, sasamahan mo ako?” pangungumbinsi ni Tricia.

Dahil sa labis na galit na nararamdaman ni Luna para sa panlolokong ginawa sa kaniya ni Jerry ay nakipagtulungan siya kay Tricia. Pinlano nilang maigi ang pagtatagpo nilang tatlo.

Sa araw ng kanilang pagtatagpo ay nakipagkita si Luna kay Jerry. Habang sila ay nagde-date ay biglang may pumasok na mensahe sa kanilang dalawa. Ikinabigla ni Jerry nung nakitang nakasali siya sa isang group chat kung saan nandoon din sina Tricia at Luna. Mas ikinagulat niya nung nakita niya ang pinadala doon na larawan nila ni Luna sa kasalukuyang restawran na kinakainan nila.

Advertisement

Biglang naging balisa si Jerry.

“Mahal, ayos ka lang ba? Sino kaya ‘to? Mukhang nandito lang din ‘yung nagpadala,” ang sabi ni Luna na nagpapanggap na walang alam sa mga nangyayari.

Maya-maya ay lumapit na sa kanila si Tricia at sinabing: “Hi Hon! Gumawa na ako ng group chat nating tatlo para hindi ka na mahirapang makipag-usap at magpaka-sweet sa’ming dalawa.”

“Baka naman may ibang mga babae pa kaming kailangan i-add sa group chat natin?” pangungutya ni Luna kay Jerry.

Biglang napatayo si Jerry sa kaniyang upuan na nanlalaki ang mga mata sa gulat.

“Ang tagal mo rin akong naloko. May kasabayan pala ako at ginawa mo pa akong pangalawang babae!” galit na pagkakasabi ni Luna bago sinampal si Jerry.

“Akala mo ba kina-guwapo mo ‘yung pagkakaroon ng maraming babae? Kami pang magpinsan ‘yung niloko mo,” sigaw naman ni Tricia na ikinagulat ni Jerry.

“Oo! Magpinsan kami!” hiyaw ni Tricia bago tuhuran si Jerry sa maselang bahagi.

Advertisement

Napasigaw sa sakit si Jerry habang sina Tricia at Luna ay iniwan siya sa kahihiyan sa maraming taong nakasaksi ng pangyayari.

Pagkalayo nina Tricia at Luna ay labis ang kanilang kaligayahan na mabawian ang lalaking nanloko sa kanila.

“Sorry talaga sa mga binalak ko sa’yo noon, ‘insan,” paghingi ng tawad ni Tricia kay Luna.

“Sorry din. Hindi ko naman talaga alam na meron na pala siyang girlfriend. Parehas lang tayong biktima,” sagot naman ni Luna.

“Oo nga, kaya sana mula ngayon ay maging okay na tayo at hindi na masira ang pagiging magpinsan at magkaibigan natin,” sambit ni Tricia.

Mula noon ay naging matalik na magkaibigan ang magpinsan na sina Tricia at Luna. Nanatili ang kanilang pagiging matalik na magkaibigan kahit na sila ay ikinasal na sa mga lalaking tunay na nagmamahal sa kanila. Patuloy nilang dinamayan at tinulungan ang isa’t-isa hanggang sa kanilang pagtanda.