Nakipagkalas ang Babae sa Nobyo Nang Malamang Nakabuntis Ito ng Iba; Isang Katotohanan ang Lumutang Makalipas ang Ilang Taon

“Basta pangako natin sa isa’t isa na hindi tayo magpapatalo sa mga pagsubok. Tutuparin natin ang mga pangarap natin ng magkasama.” Bilin ni Anne sa kaniyang nobyo.

“Nandito lamang ako, hihintayin ko ang araw na magkakasama tayong muli.” Sagot ni Ralph.

May limang taon na ring magkasintahan si Anne at Ralph. Napagdesisyonan nilang subukan ang kanilang kapalaran sa ibang bansa. Ito ang kanilang gagawing paghahanda para sa kanilang planong pagpapakasal sa kanilang ika-sampung anibersaryo bilang magkasintahan.

Mas malakas ang loob ni Anne kaya siya muna ang mauunang pumunta sa Dubai. Mayroon din kasi siyang mga kamag-anak doon kaya doon nila naisipang makipagsapalaran. Napagkasunduan nila na kapag nakahanap ng trabaho si Anne ay aasikasuhin na niya ang mga kakailanganin ni Ralph upang makasunod agad ang nobyo sa kaniya.

Naging maganda ang takbo ng kanilang relasyon sa unang buwan ni Anne sa Dubai. Si Ralph ay nagtatrabaho sa Pilipinas habang hinihintay ang araw ng pagsunod sa kaniyang nobya.

Nang magkaroon na ng trabaho si Anne ay naging abala na ito ngunit palagi pa rin silang nagcha-chat ni Ralph. Nagpapadala siya ng pera sa kaniyang nobyo para sa kanilang ipon. Hindi rin nito nakakalimutan na magpaalala tungkol sa kalusugan ni Ralph.

Hanggang isang araw ay napansin na niya na parang may nagbago kay Ralph.

“Tinatawagan kita kagabi pero bakit hindi mo sinasagot? Hindi ka man lang nag-chat sa akin.” Paninita ng nobya.

Advertisement

“Eh madaming pinagawa si sir kahapon. Tapos ay nag-celebrate na rin dahil may naisarado kaming malaking kontrata. Napa-shot, alam mo na.” Sagot ni Ralph.

“Ah ganon ba, congrats pala sa inyo. Pakisabi na lang rin kay sir. Sana nagsabi ka pa rin para hindi ako nag-alala.” Wika ni Anne.

Dumalas pa ang mga ganitong pagkakataon. Minsan ay umaabot ng dalawa hanggang tatlong araw na walang chat sa kaniya ang nobyo. May mga araw din naman na bumabawi si Ralph at buong maghapon naman silang magka video call ni Anne.

Hindi na pinag-isipan pa ni Anne ng masama ang nobyo dahil malaki naman ang tiwala nito dito.

Dumating ang araw na pinakahihintay ni Anne, ito ay ang pagdating ng kaniyang nobyo sa Dubai. Sinulit nila ang mga unang araw ni Ralph sa pamamasyal. Sobrang saya ni Anne dahil sa wakas ay unti-unti na rin nilang matutupad ng magkasama ang kanilang mga pangarap.

Hindi pinapayagan na magsama sa isang bahay ang babae at lalake ng hindi pa kasal kaya upang hindi sila magkaroon ng problema ay naisipan ni Anne na magpakasal muna sila sa consulate. Nang sabihin niya ito kay Ralph ay pumayag naman ito ngunit parang hindi ito ganoon kasaya.

Napansin ni Anne na mula nang dumating ito ay tila laging may malalim na iniisip.

Isang gabi habang mahimbing na natutulog si Ralph ay napansin ni Anne na tunog ng tunog ang cellphone nito. Hindi nila ugali na magbasa ng mga mensahe sa telepono ng isa’t isa dahil malaki ang tiwala nila sa bawat isa ngunit nang gabing iyon ay parang may nagtulak sa kaniya na basahin ang mga mensaheng iyon. Ginamit niya ang daliri ni Ralph upang ma-unlock ang telepono nito. Doon na niya nabasa ang mensahe na galing sa isang babae.

Advertisement

Nagising na lamang si Ralph sa paghagulgol ni Anne.

“Kailan mo balak aminin sa akin ito? Kailan?”

“Patawarin mo ako, hindi ko sinasadya.” Garalgal na ang boses ni Ralph.

“Hindi sinasadya? Aksidente? Paano? Ilang beses?” Galit na sagot ni Anne.

“Nadala ako ng lungkot at pangungulila sa’yo. Sorry…” Ito na lamang ang nasabi ng lalake.

Ipinaliwanag ni Ralph kay Anne ang nangyari. Inamin nito na halos dalawang buwan silang naging magkarelasyon ng babaeng nabuntis nito. Hindi niya alam ang gagawin kaya’t hindi niya sinabi kay Anne at sumunod pa rin siya dito sa Dubai. Ilang araw siyang hindi kinausap ni Anne. Hindi na rin nila itinuloy ang planong pagpapakasal sa consulate.

“Hindi ko kayang magkaroon ng kahati, lalo na kung ito ay anak mo mismo! Alam mo ang nangyari sa akin. Hindi pinanagutan ng tatay ko ang nanay ko kaya lumaki akong walang ama. Ayoko nang maulit pa iyon sa ibang bata. Mabuti pa ay maghiwalay na muna tayo. Ayusin mo muna ang problemang iniwan mo sa Pinas. Ibinook na kita ng ticket. Tama na!”

“Please, wag mo akong sukuan ng ganito. Pwede namang sustentuhan ko na lang siya pero wag mo akong hiwalayan, Anne.” Pagmamakaawa ni Ralph.

Advertisement

“Buo na ang desisyon ko, ito ang nararapat nating gawin sa ngayon. Hindi mo alam kung gaano kasakit sa akin ito! Sana naisip mo muna ako at ang relasyon natin bago mo nagawang makipagtalik sa babaeng iyon! At Ralph, hindi lang isang beses! Dalawang buwan niyo akong niloko. Buong tiwala ko ang binigay ko sa iyo, hindi ko na kayang magtiwala pang muli sa’yo!” Pagmamatigas ni Anne.

Walang nagawa si Ralph kung hindi umuwi sa Pilipinas at harapin ang iniwang problema habang si Anne naman ay halos mawalan na ng ganang mabuhay dahil sa nangyari.

Ilang buwan ang lumipas at nakakatanggap ng tawag si Anne mula kay Ralph sa Pinas. Hindi niya ito sinasagot dahil gusto na niyang mag move-on mula sa dating nobyo.

“Ang lakas ng loob niya na tawagan pa ako. Nanganak na siguro ‘yong babae niya. Masaya na siguro sila bilang pamilya.” Sambit ni Anne sa sarili.

Lumipas ang tatlong taon at nagbakasyon si Anne sa Pilipinas. Nagkaroon ng reunion silang magkakaibigan at nakita niya doon ang dating nobyo ngunit hindi niya ito pinansin. Nang malasing si Ralph ay nagkaroon ito ng lakas ng loob lapitan si Anne.

“Kamusta ka na?” Tanong ni Ralph.

“Ah, ako ba? Ito, ayos naman. Nakarami ka na ata ah.” Sagot ni Anne.

“Nakarami ng ano? Inom? Hindi, ayos lang ako. Ikaw pa rin naman ang mahal ko eh.” Sagot ni Ralph.

Advertisement

“Pwede ba Ralph, tigilan mo ako ng ganyan mo. Mag-pokus ka sa mag-ina mo!” Wika ni Anne sabay tulak sa lasing na si Ralph.

Umiyak si Ralph sa ginawang ito ni Anne. Nagulat naman ang lahat ng magsimula itong magsisigaw.

“Ikaw ang mahal ko, ikaw lang ang minahal ko mula noon hanggang ngayon!!! Nagkasala man ako pero labis ko nang pinagsisihan ‘yon!!!” Hanggang sa naglakad na ito papalayo na tila wala sa sarili.

Habang pasuray-suray ang lakad nito ay may isang envelope na nahulog mula sa bulsa niya. Dinampot ito ni Anne at nagulat sa nabasa. Ito pala ay DNA result ni Ralph at ng bata.

Hindi si Ralph ang tatay ng bata. Inamin na rin ito kay Ralph ng babaeng naging karelasyon niya. Naisip kasi ng babae na si Ralph lamang ang may kakayahan na akuin ang responsibilidad ng bata. Nang malaman agad ito ni Ralph ay pilit niyang tinatawagan si Anne. Sinubukan na rin ni Ralph na kausapin ang pamilya ni Anne ngunit wala rin silang magawa dahil binilin ni Anne na kung tungkol kay Ralph ang ibabalita ay wag na lamang siyang kontakin pa.

“Hindi mo pa rin pala alam. Sinubukan ka naming kontakin at hanapin sa Facebook pero talagang mahirap hanapin ang ayaw magpahanap. Mabuti na nga lang ay nakita ka ni Tomas sa airport at naaya ka sa reunion. Ang tagal ka niyang hinintay at kitang-kita naman namin ang pagsisisi niya. Lagi niyang dala ‘yan kasi lagi niyang pinaghahandaan ang pagkikita niyo.” Wika ng isa sa kanilang mga kaibigan.

Araw na ng alis ni Anne pabalik ng Dubai pero mula noong reunion ay hindi na niya nakausap pa si Ralph. Pagsakay niya sa eroplano ay inayos na niya ang kaniyang bag. Mabigat ang kaniyang mga bitbit kaya’t nahirapan siyang itaas ito. Muntik na siyang bumagsak nang sinubukan niyang abutin ang compartment sa taas ng kinauupuan sa loob ng eroplano nang may isang taong biglang sumapo sa kaniya.

“Ralph?! Paano…?” Gulat na gulat na wika ni Anne.

Advertisement

“Hinding-hindi ko na papalampasin pa ang pagkakataon. Handa akong patunayan sa’yo ang pagsisisi ko. Dahil lang sa dalawang buwan na inakala kong kaligayahan ay habangbuhay na pagdurusa ang naging kapalit. Sana mabigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon, Anne! Please! Mahal na mahal kita!” Wika ni Ralph.

Ilang buwan na sinuyo ni Ralph si Anne. Ginawa lahat ni Ralph ang makakaya upang mapatunayan kay Anne na nagsisisi siya sa ginawa niya.

Hindi nagtagal ay ibinigay ulit ni Anne ang tiwala niya kay Ralph. Kahit pa may nagawa itong kasalanan sa kaniya ay hindi naman nawala ang pagmamahal nito para sa binata.

Sa kanilang pagsisikap ay natupad na rin nila ang kanilang dream wedding. Magkatuwang na sila sa hirap at ginhawa. Sa kasalukuyan ay apat na taon na silang kasal at masayang namumuhay sa Dubai.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!