Sobrang Taas ang Tingin ng Lalaki sa Sarili Kaya nang Dumaan ang Sunud-sunod na mga Problema ay Nalubog Siya sa Putikan

Kinaiingitan ng mga kalalakihan si Maximo dahil sa kaniyang kayamanan at angking kagwapuhan. Maliban pa doon ay habulin din siya ng mga babae. Pero kung ang mga empleyado niya ang iyong tatanungin, kulang na lang ay ipakulam na nila ang kanilang amo dahil sa sobrang sama ng ugali niya.

Tinabig ni Maximo ang lahat ng pagkaing niluto ng kusinerang si Gigi para sa kaniya.

“Pagkain bang matatawag iyan? Akala ko ba nagtrabaho ka sa isang five stars na hotel bilang chef?! Bakit mo ko hahainan ng mga putaheng itinitinda sa mga karinderya? Malaking badyet ang ibinigay ko sa’yo para sa grocery tapos iyan lang ang ipapakain mo sa akin!?”

Dumagundong ang malakas na boses ni Maximo sa buong kabahayan.

”Lumayas ka na sa harapan ko! Tanggal ka na sa trabaho!” Sigaw niya sa kaniyang kusinera.

Nang kinuha niya ang kaniyang mga papeles at bag sa ibabaw ng lamesita sa salas ay nadampian ng konting alikabok ang kaniyang mga daliri.

“Nene, anong klaseng paglilinis ba ang ginagawa mo sa bahay ko? Baka imbes na trabaho mo ang inaatupag mo, eh, pakikipaglampungan sa hardinero ng kapitbahay ko ang ginagawa mo buong araw!” sermon ng lalaki sa kaniyang katulong.

“Eh, sir, inuna ko po kasing linisin yung kwarto niyo. Sabi niyo kasi nangangamoy daga na at marami ring ipis sa loob,” pagtatanggol ni Nene sa sarili.

Advertisement

“Huwag ka nang magdahilan pa. Gawin mo na lang ang trabaho mo kung ayaw mong sisantehin kita,” panakot ni Maximo sa pobreng babae.

Mahuhuli na si Maximo sa kaniyang miting kaya inutusan niya ang kaniyang drayber na bilisan ang pagmamaneho. Tumanggi ito dahil lalagpas na sila sa speed limit pero nagpumilit pa rin si Maximo kaya walang nagawa ang drayber kung hindi sundin ang kanyang amo ngunit gaya ng inaasahan ay nahuli sila ng traffic enforcer.

“Wala kang sweldo ngayong buwan. Mabagal ka kasing magmaneho. Hindi na nga ako nakaabot sa miting ko, nahuli pa tayo ng traffic enforcer. Napilitan tuloy akong manuhol, makaalis lang tayo agad,” pahayag ni Maximo sa drayber niyang si Pepe.

Pagdating sa opisina ay masamang balita agad ang ibinungad kay Maximo ng kaniyang sekretarya.

“Sir, kanina pa po tawag ng tawag ang mga investors. Nagrereklamo sila dahil maliit lang ang kinita nila ngayong buwan. Ipinaliwanag ko na po sa kanila ang ginawang kwentahan ng mga accountant ng kompanya pero hindi daw nila matatanggap ang ginawang kwentahan dahil triple daw ang kinita ng kompanya ngayong buwan pero mas maliit pa sa nakuha nila noong isang buwan ang natanggap nila,” paliwanag ng sekretarya sa kaniyang boss.

“Hindi sila ang nagpapakapagod para kumita ng malaki ang kompanya! Ako ang gumagawa ng lahat ng trabaho. Ngayon kung ayaw nilang tanggapin ang parte nila sa kita ay umalis na lang kamo sila sa kompanya ko. Hindi ko kailangan ang pera nila,” matigas na saad ni Maximo.

Sunud-sunod ang naging problema ni Maximo. Binawi ng mga investors ang lahat ng perang pinamuhunan nila sa kompanya. Kasabay noon ay ang pagre-resign ng karamihan ng kaniyang mga empleyado. Bagama’t malaki ang natatanggap nilang sahod ay hindi nila nagustuhan ang sistema ng pamamalakad ni Maximo. Di nagtagal ang kompanyang pinaghirapang itayo ng lalaki ay gumuho sa lupa.

Nabaon sa utang si Maximo kaya napilitan siyang ibenta ang lahat ng kaniyang ari-arian. Mula sa masagana at marangyang buhay ay bumagsak ang lalaki mula sa tagumpay na kaniyang tinatamasa.

Advertisement

Nawala ang kompanya, nawala ang malaking bahay at magarbong sasakyan, nawala ang mga tauhan na higit pa sa alipin kung kaniyang ituring. Ang tanging natira na lang sa kaniya ay ang apat na sulok ng nabubulok na bahay na nakatirik sa iskwater kung saan siya naninirahan at ilang piraso ng kasuotan na maaari mong pagkamalang basahan.

Habang naghahanap ng trabaho si Maximo ay nagawi siya sa isang highclass na restawran. Namukaan niya ang ilan sa mga kostumer na kumakain sa loob. Sila ang mga dating namuhunan sa kaniyang kompanya noon.

Nabitawan ni Maximo ang hawak niyang sobre kung saan nakalagay ang kaniyang resume. Nagliparan ang mga papel at dumapo ang isa sa babaeng kalalabas lang ng restawran. Ang babae ay walang iba kung hindi ang dati niyang kasambahay na si Nene. Siya ang namamahala ng opersyon ng restawran.

“Naghahanap ka ng trabaho? Hindi na kita tatawaging sir, ah. Hindi mo na ko katulong at hindi ka karespe-respeto,” tanong ng babae nang inabot nito sa kaniya ang lumipad niyang resume.

“May bakante pa kaming posisyon. Kausapin mo na lang ang mga may-ari ng restawran sa loob,” sabi ni Nene.

Ang may-ari pala ng restawran ay ang dati niyang kusinera at ang dati niyang drayber. Mag-asawa na ang dalawa.

“Ang tanging bakanteng posisyon na maiaalok namin sa iyo ay ang pagiging dyanitor. Okay lang ba sa iyo ang posisyon na iyon?” tanong ni Pepe.

Imbes na sagutin ang lalaki ay tinanong niya ang mag-asawa kung paano sila naging may-ari ng isang high-class na restawran.

Advertisement

“Nagustuhan ng mga dati mong investors ang pangkarinderya na niluto ko noong minsang nagkaroon ng party sa bahay mo. Inalok nila akong magtayo ng restawran at sila na daw ang bahala sa puhunan. Hindi ko akalain na yung nilait mong pagkain na niluto ko sa’yo noon ay tatangkilikin ng mga sikat na artista at pulitiko. Nakilala ang tinayo naming restawran at patuloy itong lumago,” paliwanag ni Gigi.

Hindi tinaggap ni Maximo ang alok na trabaho ng mag-asawa. Okay lang naman sa kaniya na maging dyanitor. Kahit anong uri ng trabaho ay tatanggapin niya basta hindi ang mga dati niyang alipin ang kaniyang magiging amo. Mababa ang tingin niya sa kanila noong sa kaniya sila nagtatrabaho pero ngayon ay nakakaangat na ang mga ito habang mas mababa naman ang kinalalagyan niya ngayon kumpara sa pinanggalingan nila noon.

Talaga ngang bilog ang mundo. Kung sana ay naging magpakumbaba siya noong, siya pa rin ang nasa itaas ngayon at hindi sana siya tila lalamunin ng lupa sa sobrang kahihiyan.