Nalaglag ang Panga ng Ginang nang Malaman na Isang Mayamang Tagapagmana Pala ang Manugang na Inapi-api Niya

May magarang kotse na namang nakaparada sa harap ng bahay nina Anna. Walang kaide-ideya si Anna kung saang lupalop ng Pilipinas nahahanap ng nanay niya ang mga ipinakikilala nito sa kaniya. Halos linggo-linggo ay may mayamang bumibisita sa kanila. Alam naman nito na nagplaplano na silang magpakasal ng kaniyang nobyo ngunit hindi pa rin ito tumitigil sa pagdadala ng mga lalaki sa bahay nila para ligawan siya. Ang malala pa dito ay puro matatanda ang mga ito. Hindi na sigurado si Anna kung nanay pa rin ang maitatawag niya rito o bugaw na niya.

“Hindi pa rin ba pasado sa iyo? Mas bata na nga iyon kaysa dun sa dumalaw sa iyo noong isang linggo.” Tanong ng nanay ni Anna pagkaalis ng bisita.

Hindi boto ang nanay ni Anna sa nobyo nito dahil mahirap lamang ito. Wala din itong pagkakakilanlan dahil lumaki ito sa bahay ampunan. Mas gugustuhin pa niyang mapunta ang anak sa gurang na mayaman kaysa sa batang hampaslupa. Tuwing dadalaw ang lalaki ay binabastos niya ito.

“Wala ka bang makain sa inyo, Mario, kaya dito ka nakikikain?”

Si Mario ang nobyo ni Anna. Mabait at may respeto siya sa nakakatanda. Walang sawa siyang nagbibigay galang sa ina ni Anna. Kahit kailan ay hindi siya nagtaas ng boses dito. Ni minsan ay hindi rin niya ito sinagot ng pabalang. Tanging matamis na ngiti lang ang tinutugon niya sa mga patutsadang ibinabato sa kaniya.

Ilang linggo na lang bago ang kasal ng magkasintahan pero hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang nanay ni Anna na kumbinsihin siyang magbago ng isip. Sa katunayan ay may ipapakilala na naman siyang bagong lalaki na nagngangalang Martin. Sa pagkakataong ito ay kasing edad na ito ni Anna. Yun nga lang ay mukhang kuripot dahil wala itong dalang tsokolate o bulaklak man lang. Ang pinagtataka niya lang ay kung bakit nagsama pa ito ng matandang baldado.

Tulad ng inaasahan ay kasama ni Anna si Mario sa kaniyang pagdating. Magandang pagkakataon ito para ipahiya ng ina ang binata sa harap ng mga bisita.

“Naputulan ba kayo ulit ng kuryente kaya dito ka tatambay? May bisita kami ngayon kaya bumalik ka na lang sa ibang araw.”

Advertisement

Palabas na si Mario ng pintuan nang pigilan siya ni Anna at ipinakilala sa mga bisita bilang kaniyang mapapangasawa. Sa ginawa ng dalaga ay mas napahiya ang ina nito kaysa kay Mario.

Masayang nakipagkwentuhan ang magkasintahan sa mga bisita habang ang nanay ni Anna ay walang tigil sa kakasilbi sa kanila. Hindi nito nagawang tumanggi dahil si Martin ang nakikiusap sa kaniya. Tila naging tagasilbi siya sa sarili niyang pamamahay.

Tumagal pa ng ilang oras ang kwentuhan at napansin ng ina ni Anna na umiikot lang ang kanilang pag-uusap sa iisang tao, kay Mario. Sa pagkakaalam niya ay si Anna ang binibisita kaya hindi na niya napigilang magtanong.

“Bakit puro tungkol kay Mario ang tanong niyo? Si Anna ang binibisita niyo, hindi ba?”

Hindi pala si Martin ang may sadya kay Anna kung hindi ang matandang baldado. Ang dahilan naman kung bakit nais nitong makausap ang dalaga ay upang matunton ang nawawala niyang apo na walang iba kung hindi si Mario. Kinidnap si Mario  noong sanggol pa lamang siya. Nang mamatay ang mga magulang niya sa isang aksidente ay ang lolo niya ang nagpatuloy sa paghahanap sa kaniya. Humingi ito ng tulong kay Martin na isang imbestigador.

Masaya si Mario na makilala ang kaniyang lolo samantalang nanlumo naman ang ina ni Anna sa kaniyang nalaman. Hindi na nga niya napaghiwalay ang magkasintahan, kumuha pa siya ng alagain.

Natapos ang masayang kwentuhan sa pangako ng matanda na siya na ang bahala sa kasal ng magkasintahan.

Dumating ang araw ng kasal nina Anna at Mario.

Advertisement

Ang inaasahan ng ina ni Anna ay magiging simpleng seremonya lang ito kaya hindi na siya nag-abala pa sa kaniyang kasuotan ngunit nagmukha lang siyang katulong pagdating niya sa pagdarausan ng kasal. Isa pa lang mayamang negosyante ang lolo ni Mario. At para punan ang mga panahong hindi niya nakapiling ang apo ay isang engrandeng kasal ang iniregalo niya dito.

Para makaiwas na maging sentro ng tsismis ay hindi na tumuloy ang ina ni Anna sa kasal. Hindi na rin siya muling nagpakita pa sa mga ito maging sa kaniyang anak dahil sa labis na kahihiyan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.