Ayaw Kita Para sa Anak Ko

Tatlong taon na ang nakalipas nang mabiyuda si Olivia, pumanaw ang asawa niya sa sakit sa puso. Sila nalang dalawa ngayon ng nag iisa niyang anak na si Oliver, binata na ito at isa nang successful na engineer. Habang siya naman, sa bahay na lamang.

“Ma, this is Divine, the girl I’m telling you about. Baby, meet my mom,” nakangiting wika ni Oliver isang gabi.

“Hello po tita, kumusta?” masayang wika ng dalaga.

Alanganing napangiti naman si Olivia, ito ba ang girlfriend na sinasabi ng binata? Diyos ko po! Walang ka-class class. Sigurado siyang mumurahin ang suot nitong damit, saan ba ito napulot ng anak niya?

Bagamat tinanggap naman niya ang pagkamay nito, “Okay naman hija. Nice meeting you. Come on, dinner is ready.” aya niya sa mga ito.

Sayang lang ang iniluto niya, kung alam niya lang na ganitong klaseng babae ang dadalhin ni Oliver ay umorder nalang sana siya sa karinderya. Palihim niya itong minasdan sa hapag kainan, matapos na magdasal ay nagliwanag ang mata nito nang makitang bangus ang ulam.

Actually stuffed bangus iyon, pinaghirapan niya pang lagyan ng panimpla sa loob at tinahi niya pa, maingat na pinrito.

“Wow! Favorite ko po iyan! Ang galing naman, nagluluto rin niyan ang nanay ko noong nabubuhay pa. P-pwede bang magkamay?” tila nahiya pang tanong nito kay Oliver.

Advertisement

Natawa naman ang binata, “Sure baby. Magkakamay rin ako para pareho tayo.”

Lihim na napairap si Olivia, nahihibang na ang anak niya. Bale ba ay matagal na siyang may inirereto rito, si Celine na anak ng kumare niya. Sopistikada, maganda, edukada at nag uumapaw sa class. Ganoong babae ang nais niyang makatuluyan ng kanyang anak. Hindi ganitong asal kalye.

“Hija.. nasaan ang parents mo? At, anong trabaho nila?” usisa niya.

“Ay, ang nanay ko po madam ay pumanaw na dalawang taon ang nakalipas. May bukol ho kasi sa dibdib, sa kahirapan ay hindi po namin naipagamot. Ang tatay ko naman po, nasa palengke. May pwesto po kami doon,” masayang wika nito. Proud na proud sa kakapiranggot na pwestong pag aari nila sa pamilihan. “Gumagawa po kami ng mga longganisa, wala pong chemical kasi home made. Katulong po ako ng tatay ko,”

“Oh,” tanging naisagot ni Olivia. How cheap.

“Ang totoo po niyan, doon ko po nakilala si Oliver,” biglang namula ang pisngi nito, halatang kinilig nang mabanggit ang pangalan ng kanyang anak. “Nagde-deliver po kasi ako ng longganisa sa opisina niya noon,”

“Nag-aral ka naman hindi ba?”

Medyo nahiyang sumagot ang dalaga, tumingin muna ito sa kanyang anak, “Natigil po ako sa 3rd year college. Pero.. pero itutuloy ko po after-“

Advertisement

Biglang nagsalita si Oliver, “Iyon nga ang dahilan why we’re here Ma. May mahalaga kaming pakay. Balak ko na kasing pakasalan si Divine, tapos noon ay mag aaral siya.”

Biglang nasamid si Olivia, tuloy tuloy ang ubo niya at kinailangan pa siyang bigyan ng tubig ng kasambahay. Mabilis lumipas ang mga pangyayari, halos lutang si Olivia buong gabi. Akala niya ay naglalaro lang ang kanyang anak, pero kasal na ang binabanggit nito! Hindi maaari!

Hindi niya naman magawang tumanggi dahil ayaw niyang lumabas na kontrabida. Kaya gagawa nalang siya ng ibang paraan.

Sa isang buwan na raw balak na mag isang dibdib ng dalawa kaya minamadali na ang mga detalye. Napangiting aso pa si Olivia nang sabihin ni Oliver na ayaw raw ng girlfriend nito na kumuha ng mamahaling designer at organizer. Ito na raw mismo ang mamimili ng damit niyang pangkasal at gown ng mga abay sa Divisoria.

“Are you sure Ma?” tanong ni Oliver habang ibinababa sila sa kotse. Magpa-park ito at medyo malayo ang paradahan sa Divisoria mall kaya pinauna na silang bumaba.

“Oo naman, kahit nga hindi ka na sumama. Girls’ bonding ito, kahit nga kami nalang ng magiging manugang ko,” nagkunwari pa siyang inakbayan si Divine kahit naiirita siya rito.

Ngumiti naman ang kanyang anak at tumingin sa dalaga, “Susunod nalang ako kung nasaan kayo. Ipa-park ko lang ito, text me baby. I love you.”

“I love you too,”

Advertisement

“Tama na yan love birds. Shall we, Divine?” wika niya.

Ang hindi alam ng mga ito, inimbita niya si Celine. Sa katunayan ay naghihintay na nga sa loob ng Divisoria mall ang dalaga. Nais niya lang pamukhaan si Divine, nais niyang isampal sa makapal nitong apog na hindi ang tulad nito ang bagay sa anak niya. Malayo ito sa kalingkingan ni Celine.

Nang mapansin niyang di na nakatingin si Oliver ay tinabig niya ang kamay ng dalaga at nauna nang maglakad.

“Tita! Oh my Gosh I missed you so much!” excited na wika ni Celine nang makita siya. Bineso-beso niya rin ito.

“My future daughter in law na-miss rin kita!” lambing niya. Nang matapos sila sa batian ay sinulyapan ng malditang dalaga si Divine.

“So she’s the girl?”

“Ay, oo nga pala. I am sorry, nakalimutan ko. Celine, ito si Divine, ang girlfriend ni Oliver sa ngayon. Divine, this is Celine, a fashion designer. Naninirahan na siya sa Paris but she visits Philippines every now and then. Tapos sa pag aaral, maganda kaya nga naisip kong bagay na bagay sila ni Oliver, kung wala ka lang.” mataray na wika niya.

“Hi!” plastic na sabi ni Celine.

Advertisement

“H-Hi.” nasaktang sabi ni Divine.

Naglakad-lakad na silang tatlo, sinasadya ni Olivia at Celine na iwan si Divine. Bahala itong ma-out of place. Basta sila ay nagkukwentuhan. Natatawa nga ang ginang dahil sa loob loob niya ay parang nagtatagumpay ang plano.

“Sobrang cheap ng mga bag rito tita, look. Parang basura. Sino namang tanga ang titingin ng wedding gown rito?”

“Sshh, honey. Ayan lang siya, ikaw talaga,” sagot niya at naghagikgikan sila.

Pero napatigil rin nang biglang magsigawan ang mga tao.

“Sunog!”

Natataranta ang lahat at tumatakbo papunta sa kanilang direksyon. Mabilis lumaki ang apoy, dahil hindi sanay at naka-heels pa ay nagkandatumba tumba si Celine at Olivia.

“Help me please,” sabi ni Olivia dahil naipit siya sa isang estanteng bumagsak. Hindi niya maigalaw ang kanyang mga paa.

Advertisement

“Let go!” sabi ng dalaga. Mahigpit ang kapit niya sa braso nito, nagmamakaawang wag siyang bitiwan.

Isang malakas na sampal ang dumapo sa kanyang mukha, halos mahilo siya kaya nakabitaw siya sa pagkakahawak sa braso ng dalaga.

“Dumb old woman! Mag isa kang masunog dyan!” sigaw nito bago nagtatakbo palayo.

Tinanggap na ni Olivia na iyon ang katapusan niya, pero bago pa man siya tuluyang mawalan ng malay ay may tumapik sa kanya.

“Gising po, gising ma’am. Wag kayong matutulog! Kailangan ko ng tulong ninyo, susubukan kong iangat ito at hugutin ninyo ang paa ninyo okay?”

“D-Divine?”

“Wala na po tayong oras! 1,2,3 go!” sabi nito, dahil nanghihina na rin ay medyo nahirapan. Pero hindi sumuko ang dalaga, hindi siya iniwan kahit hilingin niyang lumabas na ito dahil lumalaki na ang apoy.

Nagawa nitong ialis siya roon at inakay siya palabas. Namasdan niya si Divine, wala siyang ipinakitang mabuti rito pero iniligtas pa rin ang kanyang buhay. Nang makalabas sila ay sinalubong sila ng ibang bumbero at bumungad si Oliver na nagwawala sa labas at pinipigilan lang pumasok ng mga pulis.

Advertisement

“Oh my God! Ma, Divine!” yakap nito sa kanilang dalawa, mangiyak ngiyak. “Oh my God, Im sorry pinabayaan ko kayo!”

Nakangiting hinawakan ni Olivia ang kamay ng binata, “Anak, now I understand bakit si Divine.”

Litong napatingin sa kanya ang dalawa, hinawakan niya rin ang kamay ng dalaga.

“Dahil mabuti ang puso niya. I’m sorry for judging you,” wika niya rito.

Nagyakap silang tatlo.

Naging mabuting biyenan na si Olivia, masasabi niya ring si Divine ang the best manugang in the world. Hindi man ito mahinhin kung kumilos, busilak naman ang puso nito.

Lalong lumigaya ang ginang nang kalooban siya ng dalawa ng kambal na apo. Minsan talaga ay kailangang batukan tayo ng Diyos para matauhan na hindi na maganda ang ating ginagawa sa kapwa, para makita ang kabutihan na nagkukubli sa panlabas na anyo.

Images courtesy of www.google.com