Kung Anu-Anong Chismis ang Sinasabi ng Kumare ng Babaeng Ito, Sumumpa pa Ito na Kapag Mali Siya ay Ipapuputol Niya ang Isang Daliri Niya

Simula pagkabata ay dito na sa barangay nila lumaki si Aling Linda, dito na rin siya nag asawa at nagtaguyod ng pamilya. Ngayon ay 62 taong gulang na siya at may kani-kaniya nang trabaho ang kanyang mga anak na pawang dalaga at binata na. Sila ng kanyang mister ay sa bahay na lang dahil mababait ang mga anak niya at ang mga ito na ang bumubuhay sa kanila. Babae ang kanyang panganay. sinundad ng isang lalaki, tapos ay kambal, tapos ay lalaki ulit.

Isang araw, masayang nagsasampay ng mga damit si Aling Linda sa tapat ng kanilang bahay nang bigla siyang kausapin ng kumareng si Aling Celia.

“Mare! naku mare, wag kang mabibigla sa sasabihin ko sayo.” humahangos na sabi nito.

“Ha? Teka muna Celia, kumalma ka nga. Ano ba yun?” nagsisimula na rin siyang kabahan.

“Nako, eh ang anak mong si Carly, nakita ko noong Sabado, nagtitingin tingin ng bahay sa subdivision, may kasamang lalaki! Nako ibabahay na yata ang anak mo,” malisyosang sabi nito.

“Ano? Teka muna,imposible yan. Wala pang nobyo si Carly ko.” nagulat na sabi ni Aling Linda.

“Yun na nga. Baka nga nililihim sayo na ibabahay na siya. Nako mare mag iingat ka ha, baka mamaya uuwi na lang yan dito ay buntis na.”nagbabantang sabi pa ng babae.

“S-sigurado ka ba dyan Celia?” tanong uli ni Aling Linda, sa totoo lang ay nasa tamang edad na naman si Carly, nakakaramdam lang siya ng tampo na sa ibang tao niya pa nalaman na may nobyo na ito, at naghahanap na ng bahay.

Advertisement

“Oo naman! Sinusumpa ko, ipapuputol ko ang daliri ko kapag nagsisinungaling ako!” sabi nito na may pagsigaw pa.

Lumipas ang araw na iyon na hindi naalis sa dibdib ni Aling Linda ang tampo, bakit naman kailangan pang maglihim ang anak? Hindi naman nila hihigpitan ito, sa katunayan ay mainit naman ang pagtanggap nila ng mister tuwing may mga manliligaw ang mga dalaga nila.

Kinabukasan ay birthday ng panganay nilang si Catherine kaya nagkaroon ng konting salu salo, imbitado ang ilang kaibigan ng kanilang mga anak, pati na ang kumareng Celia ni Aling Linda. Kasisimula pa lang ng handaan nang palihim na kausapin ni Celia si Aling Linda.

“Ano mare, nakausap mo na ba si Carly? Sabi sa iyo ay may lalaki yang anak mong yan!” sabi nito.

Hindi pa man nakakasagot si Aling Linda nang dumating si Carly, kasunod nito ang kakambal na si Connie.

“Aling Celia, kumusta na ho? Kakikita lang natin sa subdivision noong isang araw ah,” nakangiting sabi ni Connie. Sa likod nito ay ang lalaking nakita niya sa subdivision.

“Nalimutan mo na yata kumare, kambal sina Carly at Connie. Kakakasal lamang ni Connie noong isang buwan at naghahanap sila ng bahay ng kanyang mister.” nakangiting sabi ni Aling Linda.

Napahiya naman si Celia, mali pala ang balitang pinakakalat niya. Bale ba ay pinagsabi niya na rin iyon sa iba pa nilang kumare. Kung nagkatotoo ang sumpang sinabi niya, putol na sana ang daliri niya ngayon.

Advertisement Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba.Para mas mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.