Si Lola Auring

Pauwi na ng probinsya si Christy dahil bakasyon na sa kanilang eskwelahan at nais na ulit niyang makita ang kanyang Lola Auring. Lumaki kasing hiwalay ang mga magulang ni Christy kaya ito ang nag-alaga sa kanya. Simula pa noong dalawang taong gulang siya’y sa yakap ni Lola Auring siya nakakatulog. Ilang taon na rin ang lumipas noong huling nakabalik si Christy sa probinsya.

Sumakay sila ng tita niya sa pampasaherong bus. Doon na rin nagpahinga si Christy at nakinig ng paborito niyang mga kanta. Huling beses nagkita si Christy at lola Auring ay noong kakatapos pa lang sa elementarya si Christy.Natatandaan pa niya noon na niregaluhan siya ng kanyang lola ng isang bestida. Sabi pa ng Lola Auring na sinuot pa niya ito noong siya’y sumama sa seremonya ng kanyang pagtatapos ng pag-aaral. Ito’y labis na pinag-iingat-ingatan ni Christy.

“Christy, gising na, malapit na tayo sa terminal.” habang ginigising ni Tita Conching si Christy.

“.Oh opo Tita, gising na po ako,” sagot ni Christy.

Nakatira malayo sa bayan si Lola Auring, sa isang barangay na mas sagana ang puno’t halaman kaysa kabahayan. Maraming namumungang puno ng niyog sa lugar ni Lola Auring. Magkakakilala rin ang mga taong nakatira sa barangay. May bukid din malapit sa barangay na pagmamay-ari ng tito ni Christy at asawa ni Tita Conching.

Agad nakasakay ng traysikel ang mag-tita. Sabik na sabik nang makita ulit ni Christy ang kanyang lola. Nang makarating na sa bahay ng matanda ay hindi nila natagpuan si Lola Auring. Agad namang sinabi ni Tita Conching na baka lumabas ang lola at may binili sa palengke. Nag-ayos na ng gamit si Christy at agad niyang nilinis ang bahay ng kanyang lola.

Hindi nagtagal ay nakabalik din ang matanda. Bakas pa ang dumi ng lupa sa mga kamay ni Lola Auring, pati na rin sa damit. Nagulat ang dalawa at agad nilang inalalayan ang matanda. Nagulat at natuwa naman si Lola Auring dahil nandito na ang kanyang anak at apo.

“Lola! Bakit ang dumi niyo po? Ano po bang ginawa ninyo?” nag-aalalang tanong ni Christy.

Advertisement

“Oh hija nandito na pala kayo? Wala, marumi sa labas eh,” sagot ng matanda sa magtita.

“Lola naman mag-iingat po kayo sa susunod…” nag-aalala si Christy.

“Oo nga Ma, huwag ka na lalabas kapag ganitong oras,” sabi naman ni Tita Conching.

Kumain na agad ang pamilya pagkatapos mag-ayos ng sarili si Lola Auring. Nagluto si Tita Conching ng nilagang baboy, na paborito ni Lola Auring at ni Christy. Masayang nagkwentuhan ang pamilya tungkol sa kani-kanilang buhay. Kakatapos lang ng pag-aaral ni Christy sa mataas na paaralan at nagtapos siya bilang Salutatorian ng batch nila. Nakakatulong naman si Lola Auring sa ka-barangay niya sa pamamaraan ng paghihilot. Masipag naman sa trabaho si Tita Conching bilang manager ng isang fast food franchise. Naging masaya ang gabi ng pamilya ni Christy.

Matapos kumain ay nagsipilyo na si Christy at naghanda na sa kanyang pagtulog. Sinara na rin niya ang kanyang phone. Habang nasa kalagitnaan na ng kanyang tulog ay may narinig siyang sumisigaw sa malayo. Tila may hinahanap silang tao o bagay sa gitna ng dilim. Tumayo si Christy at dumungaw sa bintana.

“Matulog ka muna anak…” mahinang sinabi ni Lola Auring sa apo.

‘Lola! Huwag ka namang manggulat…ano po meron ngayong gabi?”

“May nawawala na naman siguro, madalas kasing may nawawala sa lugar na ito at hindi na natatagpuan,” mahinang sagot ni Lola Auring.

Advertisement

Natakot si Christy sa sinabi ng kanyang lola at bumalik na lang siya sa kanyang kwarto. Kinabukasan ay nagising nang maaga si Christy. Siya ang naghanda sa kanilang agahan. Nasarapan si Lola Auring sa handa ng kanyang apo. Buong araw ay nasa bahay lang ang tatlo; namamalantsa si Tita Conching, naghihilot si Lola Auring, at nanonood ng telebisyon si Christy.

Madalas ding pumasyal ang pamilya sa bayan. Bumili ng bagong pamaypay si Lola Auring. Bumili ng bagong sombrero si Tita Conching at bumili naman ng bracelet si Christy. Ilang linggo silang pabalik-balik sa bayan.

Isang araw, gumising si Christy at wala ang kanyang Lola. Tinanong niya si Tita Conching kung saan nagpunta si Lola Auring, ngunit hindi rin alam nito. Inisip na lang nilang baka bumisita sa mga kaibigan si Lola. Umabot na ng alas-diyes ng gabi noong kakabalik ni Lola Auring. Marumi ulit ang mga kamay niya, na parang naghukay siya sa lupa. Tinanong ni Christy bakit marumi na naman ang kanyang lola at gabi na naman nakauwi, ngunit sinabi lang ng matanda na pumasyal lang siya sa gubat.

Nagdaan ang mga araw, at naulit muli ang ginawa ni Lola Auring, at sa bawat pangyayaring ito ay may nawawalang kababayan sa kanilang lugar. Dito na naisip ni Christy na baka may kagagawan dito ang lola. Sinabi rin niya ito kay Tita Conching. Napagdesisyunan ng dalawa na tanungin na si Lola Auring kung saan ito pumupunta at anong ginagawa nito.

“Wala lang, lumalaboy lang ako sa kagubatan,” sagot ni Lola Auring sa dalawa.

“Lumalaboy? Bakit ka naman lumalaboy?” mariing tanong ni Tita Conching.

“Bawal ba akong lumaboy anak?” naiinis na tanong ni Lola Auring.

“Sa katunayan Lola, natatakot kami kasi kung saan ka pumupunta,” tugon ni Christy sa kanyang lola.

Advertisement

“Sige, bukas, maaga tayong aalis. Samahan niyo ako,” wika ng matanda.

Kinabukasan ay ginising na sila ni Lola Auring. Hindi pa sumisikat ang araw noong gumising ang pamilya. Binitbit ni Lola ang isang kagamitang panghukay, isang tumutubong halaman, at pumanik na sila sa kabundukan malapit sa barangay nila. Dito nasaksihan ng dalawa ang ginagawa ng matanda. Naghukay ito sa lupa na dalawang talampakan ng lalim, at doon nilagay ang tumutubong halaman. Binalik niya ang lupa at bumaba naman sila papuntang baybayin.

Pagdating sa baybayin, doon na sinabi ni Lola Auring ang kanyang gawain na minsan sa umaga’y magtatanim siya ng bagong puno sa gubat at pagkatapos ay matutulog sa baybayin. Simple lang naman ang nagpapasaya raw kay Lola Auring. Kapag lulubog na ang araw, lalakarin na lang niya pauwi, at minsan natatagalan siya ng lakad.

Noong nalaman nila gawain ng lola, ay humingi ng paumanhin si Tita Conching sa kanyang ina. Medyo nagdududa pa rin si Christy sa galaw ng kanyang lola. Habang pauwi, kumain muna ang pamilya sa lugawan. Umorder ng lugaw espesyal si Christy at lugaw na may kasamang itlog si Lola Auring at Tita Conching. Humingi rin ng paumanhin si Christy sa kanyang pagdududa.

“Lola, buti na lang hindi ikaw ‘yung gumagawa nun,” sabi ni Christy.

“Hindi ako ‘yung rason kung bakit nawawala ang mga tao dito,” biglang sinagot ni Lola Auring.

Dito na kinutuban si Christy. Hindi niya sinabi mula kahapon hanggang ngayon ang kahit ano patungkol sa mga nawawalang tao. Bakit ito ang sinagot ni Lola eh wala naman akong sinabi,” tanong ni Christy sa sarili.

“Lola, anong ginawa mo?” bulong ni Christy sa sarili. Kung anu-ano na ang lumibot sa isipan ni Christy dahil sa sinabi ng Lola.

Advertisement

“Lola, kayo po ba ‘yung rason kung kaya nawawala ‘yung mga tao sa barangay ninyo po?” nilakasan na ni Christy ‘yung loob niya sa pagtanong kay Lola Auring.

“Ha? Bakit mo naman nasabi ‘yan? Hindi ako ang rason hija. Magtiwala ka sa akin kapag sinabi kong hindi ako ang gumawa,” biglang nalungkot ang matanda dahil sa hinala ng kanyang apo.

“Ipagdadasal ko na lang ang mga nawawala…pati ako nag-aalala baka ako naman ang susunod na mabiktima,” wika ni Lola Auring sa apo.

“Hay nakaka-nerbiyos po kasi Lola, kakaiba rin kasi kinikilos niyo po. Paumanhin po Lola,” humingi ng kapatawaran si Christy.

“‘Di bale anak basta ligtas tayo. Halika, baka lumamig na pagkain natin.” biglang nanumbalik ang ngiti ng matanda.

Kumain na ng hapunan ang pamilya. Naalis na ang duda ni Christy sa kanyang Lola at nagdoble-ingat ang pamilya noong sila’y umuwi. Muling tumatag ang pagmamahal ng tatlo sapagkat sila na lang ang nagsasama sa kanilang pamilya. Ngunit, ang misteryo ng mga nawawalang tao sa lugar na iyon ay kahit kailan hindi na nalaman ang sanhi.

I-like and i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.