Iba ang Malasakit ng Mayamang Matanda sa Binata, Ito Pala ang Matagal na Niyang Hinahanap na Apo

Maraming taon na ang nakalipas nang umalis ang anak ni Aling Erlinda sa kanyang piling. Nabuntis kasi ito ng maaga at napagsalitaan niya ito ng masakit at pinili ng dalaga na magpakalayu-layo na. Binalot ng galit ang puso ng ginang sa ginawa ng anak.

Kung maghihirap siya sa buhay, kasalanan niya yan. Hindi ko siya hahanapin, siya ang umalis, siya ang bumalik.Sa isip isip niya. Siguro ay malaki na ang apo niya rito, ewan niya, di siya interesado.

“Puto! Kutsinta!” sigaw ng tindero ng puto na siyang pumukaw sa kanyang atensyon, sinabayan pa iyon ng pag-potpot nito.

Bumagal ang pagpadyak ng binatilyo sa kanyang bisikleta nang mapatapat ito sa bahay ni Aling Erlinda, suki kasi nito ang matanda. Maya-maya pa, lumabas na sa gate ng malaking bahay ang nakangiting ginang, may dala itong pinggan.

“Ayan, tulad ng dati. Singkwenta pesos na kutsinta dito mo sa pinggan ilagay, dagdagan mo akong yema ha.” sabi ni Aling Erlinda. Tumango naman ang binatilyo at pinagbilhan na ang suki.

“Totoy, ikaw ba’y nag-meryenda na? Baka naman bisikleta nang bisikleta eh walang laman ang sikmura, ha.” sabi niya rito. Hindi naman nakaimik ang tindero dahil totoo ang sinasabi ng kanyang suki, wala pa talaga siyang kinakain simula kanina. Nanghihinayang naman kasi siyang bawasan pa ang tinitinda dahil pandagdag din sana iyon sa pambili ng gamot ng kanyang inang may sakit.

“Hay nako, alam ko iyang pagtahimik mo. Hindi ka pa nga kumakain. Wag ka na ngang mahihiya sa akin, para ka namang ibang tao.” sabi ni Aling Erlinda, iginiya niya papasok ng kanyang bahay ang binatilyo na nahihiya pa rin sa kanya. Kahit na ilang ulit niya na itong pina-meryenda sa kanila.

Habang kumakain ito ay minasdan ni Aling Erlinda, di niya alam pero napakagaan ng kanyang loob sa batang ito. Siguro ay bilib lang talaga siya, kung mamasdan ay parang 13-anyos pa lamang pero napaka-responsable na. Nang masabi nito sa kanya ang dahilan kung bakit ito nagtatrabaho at hindi nag-aaral ay tila kinurot ang kanyang puso, lalo na nang mabanggit nito ang inang may sakit. Siguro ay naiinggit kasi siya sa pagmamahal na ibinibigay nito sa ina. Pagmamahal na di niya nakita kay Mabel, ang anak na naglayas.

Advertisement

“Melvin, Melvin ang pangalan mo diba?” tanong niya.

“Opo, Melvin po.” magalang na sagot ng binatilyo.

“Taga-saan ka? At ang nanay mo lang ba ang kasama mo sa buhay?” tanong niya sa binatilyo.

“Opo, kami lang ng nanay. Umalis daw ang tatay ko pagkapanganak sa akin ng nanay. Ang lola ko naman po, nasa malayo.” sabi ng bata. Nakaramdam siya ng awa sa binatilyo.

Nawili silang magkwentuhan at binili na lang ni Aling Erlinda ang mga natirang paninda nito. Ang problema nila ngayon ay kung paano ito uuwi. Napakalakas kasi ng ulan at tiyak na magkakasakit ito kapag pinilit nitong mag-bike. Bukod doon, malabo at madulas ang daan kaya malaki ang posibilidad ng aksidente.

“Lola Erlinda, kailangan ko po talagang umuwi. Wala pong kasama ang nanay ko.” pagpupumilit ng binatilyo.

“Sige na. Pero ihahatid kita, may kotse naman ako. Magpa-drive nalang tayo sa boy ko.” sabi niya rito. Itinali nila ang bisikleta nito sa likod ng sasakyan at binaybay na nila ang pauwi sa bahay ng binatilyo. Nakarating sila sa isang iskwater. Makipot ang daan pero pinilit ni Aling Erlinda na maipasok ang sasakyan doon dahil ayaw niyang paglakarin ang bata, bahala na kung paano sila lilikod mamaya.

Tumapat sila sa isang barung-barong.

Advertisement

“Ito na po ang bahay namin, salamat po.” sabi ng binatilyo. Bumaba na ito ng sasakyan pero sumunod si Aling Erlinda. Di niya alam pero parang may nagsasabi sa kanya na pumasok sa loob ng bahay. Gusto niyang kumustahin ang ina nito at batiin dahil naging mabuti ang pagpapalaki nito sa binata.

Magkasama silang naglakad papasok sa loob, dinatnan nila ang isang babaeng pahigang nakatalikod. Ang papag nito ay dalawang sira-sirang mesang kahoy na pinagdugtong.

“Magandang gabi sa iyo,” bati ni Aling Erlinda, di niya alam pero iba ang kabog ng dibdib niya. Lumingon ang babae at ganoon na lang ang panlalaki ng mata niya nang makilala ito.

“Mabel?” halos pabulong na wika niya.

Makalipas ang isang buwan.

“Parang walang pinagbago, ganito rin ito noong huli kong makita.” sabi ni Mabel, nakamasid siya ngayon sa kanyang silid sa bahay ni Aling Erlinda, kalalabas niya lang sa ospital.

“Hindi ko man aminin sa sarili ko anak ay hinihintay kitang umuwi. Malaki ang tampo ko sayo dahil iniwan mo ako at akala ko galit pa rin ako sayo pero nang makita kita, ang ina ay ina. Hindi ko kayang tiisin ka Mabel, kayo ng apo ko.” nakangiting sabi ni Aling Erlinda.

Ang binatilyong nagtitinda ng puto na malapit sa kanya at lagi niyang tinutulungan, ang binatilyo na kapag minasdan niya ang mata ay nakakapagpagaan ng kanyang kalooban, ay apo pala niya. Hindi pala normal na awa ang nararamdaman niya, kundi lukso ng dugo.