Matagal nang Nakalimutan ng Lola ang Dalagang Ito Dahil sa Sakit na Alzheimer’s, Natunaw ang Puso Niya nang Muli Siyang Maalala ng Matanda

Masakit man ay kailangang tanggapin ni Catherine na hindi na siya naaalala ng kanyang lola. Hindi lang simpleng pagka ulyanin ang mayroon ito ngayon kundi Alzheimer’s disease, kahit nga pagbukas at pagpatay ng electric fan ay hindi na nito natatandaan.

Sayang nga, dahil hindi nito nakita noong gumraduate siya ng college, kaka-graduate niya lang kasi ng high school noong huli siyang maalala nito. Ngayong mayroon na siyang trabaho ay lalong lumala ang lola niya, maya’t maya ay nakabantay sila rito sa takot na kung mapano ito dahil kung anu ano ang ginagawa. Nariyang magbasag ng pinggan, maglagay ng sabon sa ref at kung anu ano pa.

Palagi rin itong nakairap sa kanya at tatanungin siyang,”Sino ka ba? Umalis ka nga!”

Malapit na ang Pasko at syempre kailangang umattend si Catherine sa Christmas party sa trabaho nila. Nauuso ngayon ang mga costume sa Christmas party, at ang theme ng sa kanila ay Throwback, tipong kailangang pumorma ka ayon sa nauuso mga 5 years ago o pataas pa. Mas luma, mas cool.

“Ano kaya ang matatanggap kong regalo sa exchange gift.” tanong ni Catherine sa sarili habang nagsusuklay. Nanlaki ang mata niya nang makita ang repleksyon niya sa salamin.

“At grabe, highschool na highschool ang pormahan ko!” natatawang sabi niya, naalala ang mga damit niya noong highschool. Pati ayos ng buhok ay ganoon din, naisipan niya kasing magpalagay ng bangs para mas kamukha ang dati niyang itsura.

Palabas na siya ng bahay at naabutan ang lolang nakaupo lang sa sofa, gawain na nito iyon.

“Lola alis na ako..” kahit alam niyang tatarayan siya nito at sasabihan ng umalis ka rito, sino kaba? o kung malala ay sisigaw pa ito ng magnanakaw!, ay nagpapaalam pa rin siya dito.

Advertisement

Tumingin sa kanya ang matanda at nagulat siya sa reaksyon nito. Tumayo ito at kahit hirap na hirap ay naglakad papunta sa kanya. Titig na titig ito sa mukha niya.

“Cate-Cate ko! Ang ganda ganda talaga ng apo ko ah.. Saan naman pupunta ang apo ko na yan? Wag ka munang magparty party at high school ka palang! Nagmeryenda naba ang Cate Cate ko?” pinipisil pisil pa nito ang pisngi niya.

Grabe, hindi namalayan ni Catherine na tumutulo na ang luha niya, nakangiti naman ang lola niya na pinahid ang mga iyon. Hindi na tumuloy sa Christmas party ang dalaga, magdamag niyang tinabihan ang lola at kinwentuhan siya nito, kahit paulit ulit lang ay tuwang tuwa si Catherine, na-miss niyang maging si Cate Cate ng kanyang lola.

Aanhin niya naman ang exchange gift sa Christmas party, ang maalala siya ng kanyang lola ay ang pinakamagandang regalong pwede niyang matanggap sa Pasko.

Ano ang napulot mong aral sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.