Hindi Paborito ng Lola ang Isa Niyang Apo, Ito Pa Pala ang Makakasama Niya sa Kanyang Pag-iisa

Bata pa lamang si Daisy, alam na niya na ang kapatid na si Rose ang paboritong apo ng kanilang Lola Marcela.

“Rose, apo! May binili akong bestida sa iyo, o,” sabi ng matanda.

“Ay ang ganda-ganda naman po, lola!”

“Lola, mano po! “wika naman ni Daisy.

“O, narito ka pala? Dun ka sa kusina at magsaing!” anito.

Malungkot na pumasok si Daisy sa kusina ng bahay at sinimulan ang iniutos ng matanda. Sa isip niya ay si Rose na naman ang binili nito ng damit, samantalang siya ay kahit minsan ay hindi nakatikim ng regalo galing sa kanilang lola.

“Si Rose na naman ang binilhan ni lola ng bestida. Kailan niya kaya ako bibigyan ng regalo?” bulong niya sa sarili.

Ulila na sa ama ang magkapatid at ang kanilang ina naman ay nagtatrabaho sa Saudi. Ang kanilang Lola Marcela lamang ang kasama nila sa bahay.

Advertisement

Habang nasa hapag-kainan ay todo asikaso si Lola Marcela kay Rose. Niluto ng matanda ang paboritong ulam ng kapatid.

“Kain nang kain, apo! Masarap iyang niluto kong tinola. Kumain ka ng marami, ha?”

“Lola, luto na po ang sinaing!” sabi ni Daisy.

“E, ano pang hinihintay mo, e di magsandok ka na sa pinggan at kakain na tayo,” inis na wika nito.

Nang makaupo ay tinangka ni Daisy na kumuha ng sabaw sa mangkok ng tinola ngunit hinampas ni Lola Marcela ang kamay niya.

“Oops, kay Rose lang iyan! May sarili kang ulam ‘di ba?” anito.

Ang tinutukoy ay ang pritong isdang galunggong na inulam pa nung nakaraang gabi. Walang nagawa si Daisy kundi sundin ito. Pinagtiyagaan niyang kainin ang tira-tirang isda.

Nang sumapit na sila sa edad na disinuwebe, akala ni Daisy ay magbabago ang pagtingin sa kanya ni Lola Marcela, ngunit mas lalong tumindi ang mga pangyayari.

Advertisement

“Daisy, kailangan mo munang tumigil sa pag-aaral dahil maliit lang ang ipinadadala ng nanay niyo sa Saudi. Si Rose na lang muna ang magpapatuloy ng pag-aaral,” wika nito.

“Pero, lola… isang taon na lang po at makaka-graduate na po ako. At saka sayang naman po kung mahihinto ako dahil running for honor po ako!” paliwanag niya sa matanda.

“Nakapagdesisyon na ako. Si Rose ang magpapatuloy na pumasok sa kolehiyo at ikaw muna ang hihinto.”

Sa sobrang sama ng loob ay nagkulong sa kanyang kuwarto si Daisy. Halos madurog ang puso ng dalaga sa balak ng kanyang lola. Ayaw niyang tumigil sa pag-aaral dahil marami pa siyang plano sa oras na makatapos siya ng pag-aaral.

“Sorry, Daisy… kung ako lang sana ang masusunod, mas gusto kong ikaw ang magpatuloy sa kolehiyo dahil matalino ka, sayang ang pagkakataon kung mahihinto ka,” wika ng kapatid.

“Wala kang kasalanan, Rose. Siguro nga ay may dahilan si lola kung bakit ako pa ang pinahinto niya, pero hindi ko hahayaang tuluyan akong tumigil sa pag-aaral. Kung kinakailangan na magtrabaho ako ay gagawin ko, huwag lang akong mahinto.”

Naisipan ni Daisy na mag-part time job para may pagkukunan siya ng perang panggastos sa huling taon niya sa kolehiyo. Mabilis naman siyang nakapasok bilang crew sa isang fastfood chain. Pumapasok siya sa trabaho sa gabi at nag-aaral naman sa umaga. Pinagsasabay niya ang dalawa kahit alam niyang mahirap.

Akala ni Daisy ay hindi iyon malalaman ni Lola Marcela ngunit mali pala ang kanyang akala.

Advertisement

“Anong ginagawa mo at pumapasok ka pa rin sa eskwela? ‘Di ba nga sabi ko huminto ka muna at pumirmi dito sa bahay?”

“Sorry po, pero hindi ko po kayang ihinto ang pag-aaral ko, kaya nga po nagtatrabaho ako sa gabi para hindi kayo gumastos sa akin,” aniya.

“At sinong may sabi sa iyo na pinapayagan kitang magtrabaho? Itigil mo ang kalokohan mong iyan! Dito ka lang sa akin at gumawa ka ng mga gawaing bahay!”

Hindi nakatiis si Daisy at tinapat na ang kanyang lola.

“Bakit po ba ayaw niyo akong mag-aral? Bakit po ba palaging si Rose ang pinagbibigyan niyo? Apo niyo rin naman po ako, ‘di ba?”

“Basta, sundin mo na lang ang gusto ko!” anito.

Muling kumawala ang masaganang luha sa kanyang mga mata. Iniisip niya na bakit ang kapatid lang niya ang mahal ng kanyang lola? Bakit sa lahat ng pagsisikap niya ay balewala lang dito?

Dahil sa kagustuhang makatapos ay muli niyang sinuway si Lola Marcela at ipinagpatuloy ang pagiging crew sa gabi at estudyante sa umaga. Nagbunga naman ang pagsisikap niya dahil nakapagtapos siya bilang Cum Laude sa kursong Nursing.

Advertisement

‘Di nagtagal ay nakahanap siya ng trabaho at na-destino sa isang pribadong ospital. Dahil galit ang kanyang lola sa ginawa niyang pagsuway ay pinalayas siya nito sa bahay at umupa na lang ng maliit na apartment. Wala na rin naman siyang babalikan sa bahay dahil ang kapatid na si Rose ay hindi na nakatapos ng pag-aral dahil sumama na sa boyfriend nito sa probinsiya. Hindi na rin nakakapagpadala ang kanilang ina ng pera. Pakiramdam nga niya ay kinalimutan na sila nito.

Isang araw, nabalitaan ni Daisy na isinugod sa ospital ang kanyang Lola Marcela na sa sobrang sama ng loob sa ginawa ng kanyang kapatid at hindi pagpapadala ng ina ng pera ay hindi na nito kinaya pa at tuluyang na-stroke.

Dinala ang matanda sa ospital kung saan nagtatrabaho si Daisy at siya pa ang nakatokang tumingin rito.

“L-lola Marcela? A-ano pong nangyari sa inyo?”

“Kahit hirap magsalita ay kinausap nito ang apo.

“D-daisy? Ikaw ba iyan? N-nurse ka na pala?” pautal-utal nitong sabi.

Hindi napigilan ni Daisy na mahabag sa kondisyon ng kanyang lola. Hindi ito makakilos at tanging tabinging bibig lang ang nakakayang igalaw.

“Itinuloy mo rin pala? Tinapos mo ang pag-aaral mo?”

Advertisement

“Opo, lola. Kung nagpasindak po ako sa inyo noon ay wala ako sa posisyon ko ngayon. Kayo po ang nagpalakas ng loob ko na magsumikap at makapagtapos.”

Huminga muna ng malalim ang matanda bago nagsalita.

“Patawarin mo ako, apo! Kasalanan ko ang lahat! Ikaw ang sinisi ko sa lahat ng pagkakamali ng iyong ama,” bunyag nito.

“Ano pong ibig niyong sabihin?” tanong niya rito.

“Anak ka ng iyong ama sa ibang babae. Niloko niya ang aking anak, hindi niya sinabi na mayroon siyang nabuntis na babae at ikaw nga ang bunga. Ang kaisa-isa lang na anak ng aking anak na si Rosalia ay si Rose. Kapatid mo siya sa ama at magkaiba kayo ng ina,” patuloy na bunyag ng matanda,

“K-kaya pala kahit nung mga bata pa kami ni Rose ay siya na ang paborito niyo, siya ang pinapaboran niyo at siya ang mahal niyo , dahil pala siya ang tunay niyong apo.”

“Mabait ang anak kong si Rosalia. Tinanggap ka niya at itinuring na parang tunay na anak kahit bunga ka ng pagtataksil ng kanyang asawa. Napilitan siyang mangibang bansa para sa kinabukasan niyong magkapatid ngunit nabalitaan kong sumama siya sa ibang lalaki at may iba na ring pamilya sa Saudi kaya hindi na siya nakakapagpadala ng pera dito. Si Rose ay nasakal na rin sa sobra kong pagmamahal sa kanya kaya ayun, pati siya iniwan din ako. Mag-isa na ako ngayon. Ito na ang kabayaran ng mga kasalanan ko sa iyo, Daisy!”

Umiling si Daisy at hinaplos ang pisngi ng kausap.

Advertisement

“Kalimutan na po natin iyon! May makakasama pa rin po kayo, may mag-aalaga sa inyo… Ako po, sasamahan ko kayo!”

Napaiyak si Lola Marcela sa sinabi ng dalaga. Hindi niya inakala na ang apong pinagkaitan niya ng pagmamahal at atensiyon ay siya ring makakasama niya at mag-aalaga sa kanya.

“Salamat, apo! Patawarin mo ako!”

“Tapos na po iyon! Matagal ko na po kayong napatawad!”

Kahit hindi siya tunay na apo ni Lola Marcela ay nakahanda pa rin si Daisy na samahan ang matanda sa dapithapon ng buhay nito. Ngayong kasama na niya muli ang kinagisnang lola ay wala na ang sakit ng kahapon, pagpapatawad at pagtanggap ang naging daan para buuin ang maayos nilang relasyon bilang pamilya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!