Inday Trending

Hindi Maintindihan ng Binatilyo Kung Bakit Palaging Nag-uuwi ng Basura ang Kanyang Lolo, May Kahanga-Hangang Dahilan Pala Ito

Nasa ikaapat na taon na ng high school ang binatilyong si Emman, hiwalay ang kanyang mga magulang. Ang tatay niya ay mayroon nang sariling anak sa bago nitong kinakasama samantalang ang nanay niya naman ay tatlong taon na ang nakalilipas mula nang huli siyang dalawin. Salamat sa kanyang lolo na nagtitiyagang mabuhay siya, sa edad na 78 ay namamasada pa ng jeep ang matanda para lamang may pang matrikula siya at pangbaon sa eskwela.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Hindi naman niya binibigo ang kanyang lolo, pinagbubutihan niya sa pag-aaral at alam niyang sobrang saya nito tuwing aakyat ng stage upang sabitan siya ng medalya. Nakatayo pa ang matanda at pumapalakpak kapag nananalo siya sa mga quiz bee at contest na sinasalihan. Minsan nga ay sumisigaw pa ito ng, “apo ko yan!”

“Tingin nga iyang ipinapakita mong report card apo, madumi ang kamay ko kanina eh,” sabi ng matanda habang pinapagpag ang kamay na kahuhugas lang, napansin ni Emman na nag uwi nanaman ito ng isang plastic bag ng mga basura kanina.

“Ito ho Lo, tumaas po ang Math at English ko,” may pagmamalaki sa boses na sabi ng binatilyo.

Napangiti naman ang matanda, ang galing talaga ng apo niya!

“Aba, ayos ah.. tapos ay puro A.. o Honesty, A, Diligence, A, ang galing ha, saan ba ako pipirma rito?” tanong ng matanda at inayos pa ang pagkakasuot ng lumang salamin, malabo na kasi ang mata niya at medyo nanginginig pa ang kamay dahil sa pagod sa maghapong pamamasada.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Dito po,” itinuro ni Emman sa matanda ang guhit kung saan dapat itong pumirma dahil ito ang tumatayong guardian niya.

“Bukas pala apo, magdala ka ng payong, narinig ko sa balita sa radyo, may paparating daw na bagyo. Hindi naman sa atin tatama pero apektado pa rin.” bilin ng kanyang lolo.

Tumango si Emman at napangiti, namasdan niya ang matanda na noo’y tumayo na upang magpainit ng tubig, ilalagay nito iyon sa thermos para bukas ay may mainit na tubig na silang magagamit pang-kape. Gigising rin ito ng maaga dahil bukod sa mamamasada, pinipilit nitong bumangon para ihanda ang almusal nilang dalawa, lalabas na ito para bumili ng pandesal sa madaling araw at paggising niya ay nakahanda na ang lahat.

Tutol siya roon at sinasabihan itong siya na dapat ang nagsisilbi dito pero ayaw nito. Kaligayahan na raw para rito ang mapagsilbihan siya. Gayunpaman, sinusubukan pa rin ni Emman na unahang magising ang matanda para wala na itong gagawin pero sadyang lagi itong nauuna sa kanya. Napakaswerte ni Emman sa kanyang lolo, kung hindi dahil dito ay hindi siya makakakain at makakapag aral. Baka wala siyang matirhan dahil halata namang ang mga magulang niya ay masyado nang okupadong ayusin ang kani-kanilang buhay- nakalimutan na may isa pa silang buhay na dinala sa mundong ito. Tanging lolo niya lamang ang hindi siya iniiwan, kaya mahal na mahal niya ang matanda.

Kinabukasan ay napansin nanaman ni Emman na may uwing plastic bag na puno ng basura ang matanda, pagkauwing-pagkauwi ay agad nitong itinapon iyon sa kanilang basurahan.

Ano kayang trip ni Lolo? Bakit dito nya itinatapon? Natanong ni Emman sa sarili pero di na siya nagtangka pang alamin iyon sa kanyang lolo. Saka na lang, abala rin kasi siya sa pagre-review dahil may test sila kinabukasan. Tama ang matanda, umulan nga kanina. Hanggang ngayon ay walang tigil ang pagpatak ng tubig sa kanilang bubong at mukhang magiging ganito ang siste hanggang bukas.

“Apo kain na, ” sabi ng matanda matapos maghain ng pagkain.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Ako na ang maghuhugas ng pinggan mamaya ho?” sabi niya rito.

“O eh hindi ba’t nagrereview ka kamo? Iyan ang unahin mo,” pangungulit naman nito. Hindi na sumagot pa si Emman. Basta mamaya, uunahan niya ito sa pagkilos.

Sa kalagitnaan ng pagkain ay biglang naisipang itanong ng binatilyo ang matagal na niyang napapansin sa lolo niya.

“Aanhin nyo po pala ‘yan?” tanong niya rito, inginuso ang isang plastic ng basura na itinapon nito kani kanina lang.

“Wala. Aanhin ko nga ba yan, eh basura na yan!” natatawa pang sabi nito.

“Yun nga po, eh bakit ninyo inuuwi? Lagi kayong nag uuwi ng mga basura dito sa bahay.” puna niya.

“Wala kasi akong nakitang matinong basurahan sa kalyeng nadadaanan ko eh, pinupulot ko ang mga yan.” simpleng paliwanag nito.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

“Bakit di nyo nalang po hayaan? Nahirapan kayo sa pagpulot dyan tapos nahirapan rin kayo sa pag-uwi pa ng mga iyan dito sa bahay.” komento niya.

“Apo, mas mahirap maglimas ng tubig baha kapag binaha na tayo dahil sa tambak na basura, kaysa sa mag-uwi ng paisa-isa at ilagay sa tamang tapunan. Nasa sarili nagsisimula ang disiplina.. hindi pwedeng puro talino, dapat ay may malasakit ka sa paligid mo,” nakangiting sabi nito.

Image courtesy of www.google.com(Photo for illustration purposes only.)

Napaisip si Emman, nang gabing iyon ay napakalaki ng kanyang natutunan. Dinala niya ang aral na iyon mula sa kanyang lolo hanggang ngayong binata na siya at malapit nang ikasal. At kahit pumanaw na ang matanda, di niya malilimutan ang mabubuting asal at marka na naiwan nito sa kanyang buhay.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Tags: , , , , , , , ,