Sermon ni Lola

Maraming taon na ang nakalipas nang pumanaw ang anak ni Lola Esmeng, ang asawa naman nito ay hindi na rin nagpakita kaya naman siya nalang ay mag isang nagtaguyod sa kanyang apong si Randy. Labing pitong taong gulang na ang binatilyo.

Kahit na mahirap ang buhay ay pinipilit pa rin ng matanda na makaahon, nagtitinda tinda siya ng almusal at meryenda para may pang baon ang apo. Gumagawa rin siya ng mga basahan, para dagdag panggastos nila sa bahay.

Dala na rin siguro ng kunsumisyon ay madalas niyang mapagdiskitahan si Randy. Palaging mainit ang ulo niya rito.

“Kita mo na, baka mamaya pag ika’y nagkatrabaho na ay tumulad ka rin sa tatay mong naglaho nalang bigla. Wag kang gagaya roon! Mag aanak-anak ay hindi naman pala kayang buhayin,” sermon niya isang umaga habang naggagayat ng sayote. Maaga talaga siyang magluto ng tanghalian.

Tahimik lang naman ang binata at nagdo-drawing lang. Tuloy pa rin sa pagsesermon si Lola Esmeng, “Yan puro ganyan! Di man lang makatulong rito sa bahay. Kung ako’y may pagpipilian lang edi dinala na kita sa lola mo sa ama, tingnan ko lang kung ‘ari iyang ganyang tarasa mo,”

“Lola, may maitutulong po ba ako?” tanong naman ng binata, tumigil sandali sa pagguhit.

“Ay hindi! Wala! Nakakahiya naman kung aabalahin kita riyan. Wag na hijo, tuloy mo nalang yan,” sarcastic na sabi ng matanda, tapos ay bumulong pang muli, “De pukpok.”

Maghapon ay ganoon ang ganap sa bahay nila. Palagi niyang napapagalitan ang binata kahit na tumutulong naman ito sa gawain, sa bakanteng oras lamang ito gumuguhit. Ewan niya ba, kumukulo talaga ang dugo niya kapag nakikita niyang nagdo-drawing ito.

Advertisement

Naaalala niya kasi ang manugang, ang ama nitong mahilig rin mag-drawing. Doon nga nabingwit ang anak niya, kaka-drawing. Iiwan rin pala.

Isang umaga, nagulat si Lola Esmeng nang mauna pang magising sa kanya ang apo. Naabutan niya itong nagluluto ng sinangag.

“Aba himala, nilalagnat kaba Randy?”

“Si lola naman,” nakangiti lang na wika nito, tuloy tuloy sa paghalo sa sinangag.

Naghain na ito at nagsalo silang dalawa, ngumunguya ang matanda nang mapansin niyang nakatitig lang sa kanya si Randy. Tila may nais itong sabihin pero hindi maituloy-tuloy.

“Ano?” siya na ang nagtanong.

“L-La, pwede ninyo ho ba akong samahan?”

“Saan?” tanong agad ni Lola Esmeng. Hindi sumagot ang binata kaya siya na muli ang nagsalita, “Sinasabi ko na nga ba! Sa eskwela ano? Gumawa ka ng kalokohan ano?! Kaya mo ako nililigaw-ligawan sa ganito dahil ipinatatawag ako ng teacher! Walanghiya ka talagang Randy ka!”

Advertisement

Hindi naman ito kumibo, tinapos lang nila ang pagkain at nagbihis na siya.

Hanggang makasakay sila sa tricycle at bulungan ng binatilyo ang driver ay walang tigil sa pagtalak ang matanda. Galit na galit siya sa apo.

“Itong tanda kong ito’y bibigyan mo pa ako ng kahihiyan. Hindi kana nahiya na gumawa ng kalokohan, tapos lola mo ang ipo-pronta mo roon Randy. Sayang ang pampaaral ko sayo-”

Napatigil si Lola Esmeng nang huminto na ang tricycle. Pero hindi sa paaralan kundi..sa grocery?

Hindi pa siya nakakapag isip ay inakay na siya ni Randy papasok sa loob. Kumuha ito ng malaking cart, “La, kunin po ninyo lahat ng gusto ninyo. Lahat ng kulang natin sa bahay.”

“H-Ha?”

“Basta po,” nakangiti ito.

Sumunod naman si Lola Esmeng, hanggang mabayaran ang maraming pinamili niyang grocery ay di pa rin siya makapaniwala.

Advertisement

“Saan ka kumuha ng pera Randy?” wala naman kasing trabaho ang apo niya, estudyante palang ito.

“La pasensya kana ha, kung nagdo-drawing ako lagi at pakiramdam mo po ay di ako nakakatulong sa bahay. Sinusubukan ko po kasing kumita, pa-drawing po iyan ng mga classmates ko. Tapos babayaran nila ako. Ayan, nakaipon po ako ng pang grocery natin. May natira pa pong pera para sa cake.. Happy birthday lola!” wika nito, hinalikan pa siya sa noo.

Oo nga, birthday niya nga pala!

Buti pa ang apo niya, naalala iyon. Nayakap niya nang mahigpit si Randy habang nangingilid ang kanyang mga luha.

“Apo maraming salamat, tsaka patawarin mo ako kung sayo ko naibubuhos ang init ng ulo,” wika niya. Hinimas-himas ng binata ang kanyang likod.

Akala niya ay walang pakialam ito, iyon naman pala ay siya pa rin ang iniisip. Sa murang edad ay nais kumita para makatulong.

Doon napagtanto ni Lola Esmeng na hindi man siya swerte sa buhay, pinagkalooban naman siya ng napakabuti at napaka-mapagmahal na apo. At iyon ay ang pinakamalaking kayamanan niya.