Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Pinagbiyak na Puso - Inday Trending

Pinagbiyak na Puso

Isa ang pamilya nila Samantha noon sa mga iskuwater na nakatira malapit sa may tabing-ilog. Salat man sa pera at materyal na bagay, mayaman naman ang kanilang pamilya sa pagmamahal.

Konstraksyon worker ang kanyang ama at nagbebenta naman ng mga kakanin ang kanyang ina. Isang kahig, isang tuka kung ating ipaliliwanag ang estado ng kanilang pamumuhay.

Sa kanyang ika-12 na kaarawan noon ay niregaluhan siya ng kanyang ina ng kwintas na hugis puso. Ang palawit nito ay nahahati sa gitna, kaya’t kinuha ng kanyang ina ang kapiraso at isinabit sa mumurahing kwintas na kanya ring suot.

“Tig-kalahati tayo anak. Para laging mayroong parte ng puso ko na nasa’yo. Mabubuo lamang ito tuwing tayo ay magkasama. Maligayang kaarawan anak ko,” masayang saad ng ginang.

“Salamat po inay. Ito na po ata ang pinakamagandang regalo na natanggap ko,” maligayang tugon naman ng bata.

Buong pusong iningatan ni Samantha ang kabiyak ng pusong palawit na iniregalo sa kanya ng kanyang ina. Para sa kanya, simbolo ito ng wagas na pagmamahal ng kanyang magulang.

Ang payak at payapa nilang buhay ay hahagupitin pala ng isang malakas na bagyo. Gabi noon at masama na ang panahon. Tuloy-tuloy lamang ang pag-ulan na nagdulot ng matinding pagbaha.

Habang mahimbing na natutulog ay nakarinig sila ng malakas na tunog ng sirena. Isang babala na tumataas na ang lebel ng tubig malapit sa ilog. Nagising ang kanilang buong pamilya subalit nang lilisan na sana ay bigla na lamang pumasok ang tubig sa bahay nilang gawa sa tagpi-tagping kahoy.

Wala silang ibang nagawa kundi magkapit-bisig upang hindi matangay ng anod, subalit malakas na rumagasa ang tubig, dahilan upang tangayin sila. Lumalakas na noon ang hangin at patuloy pa rin sa pagbuhos ang ulan, tanging milagro na lamang ang makasasagip sa kanila.

“Kumapit kang mabuti sa kahoy na ito, huwag na huwag kang bibitaw anak,” sigaw ng ina ni Samantha.

“Nay, natatakot na po ako,” sigaw ng bata.

Sa pagpapakawala ng tubig sa isang dam, lalong tumindi ang lakas ng agos ng tubig. Sa kasamaang palad ay inanod ang kanyang ama habang akay-akay sila ng kanyang ina.

“Tay!” sigaw ng bata habang mabilis na nilamon ng tubig palayo ang kanyang ama.

“Samantha, anak, tandaan mo na mahal na mahal ka ni nanay. Kumapit ka lamang sa kahoy na ito at huwag na huwag kang bibitaw. Magdasal ka lamang at humingi ng tulong sa Diyos,” saad ng ginang habang inaayos ang bata sa isang ligtas na lugar.

Nang humangin muli ng malakas at bumuhos pa ang ulan, natangay din ang ina ni Samantha. Naiwanan lamang siyang umiiyak habang nakakapit sa isang malaking kahoy. Napadasal na lamang ang bata sa sobrang takot na nadarama.

Ilang saglit pa ay dumating naman ang mga rescuers at agad siyang natulungan.

“Ang nanay at tatay ko po, baka sakaling makita niyo pa sila. Tinangay po sila ng tubig. Parang awa niyo na po, hanapin niyo po sila,” pagmamakaawa ng bata sa mga rescuers.

“Oo, ineng. Pero sa ngayon ang mahalaga ay makaligtas ka. Susunod namin na hahanapin ang mga magulang mo,” tugon naman ng lalaking nagligtas sa kanya.

Isinakay siya sa isang bangka subalit sa sobrang pagod at hirap na pinagdaanan ay nawalan ng malay ang bata. Lumipas ang buong gabi na humahagupit ang malakas na bagyo. Nang magkamalay, natagpuan na lamang ng bata ang kanyang sarili sa loob ng ospital.

Nang maialabas sa ospital ay sa evacuation center agad dumeretso si Samantha. Mataas pa rin ang lebel ng tubig sa kanilang lugar at maraming nasirang establisimento ang nasira.

Doon, agad niyang hinanap ang kanyang mga magulang. Halos isa-isahin niya ang bawat kwarto mahanap lamang ang kanyang ama’t ina, pero walang bakas na nandoon nga ang mga ito.

Isang kwarto na lamang ang kanyang di pa napapasok, at iyon ay ang kwarto kung saan nakaburol ang mga natagpuang katawan na nasawi mula sa sakuna. Nanginginig pa siyang pumasok doon at isa-isang tinignan ang mga nakahimlay na katawan.

Napaluha siya nang makita ang katawan ng kanyang ama na walang buhay, pero walang bakas ng kanyang ina sa kahit saan doon. Maaring wala na ito at maari din namang nakaligtas ito, kung sinong nakakalaam? Diyos lamang.

Naging mabuti naman ang Diyos kay Samantha dahil may isang matandang dalaga ang kumupkop sa kanya. Inampon siya nito, pinag-aral, binihisan at tinuring na parang isang tunay na anak.

Lumipas pa ang mga taon, nakapagtapos si Samantha ng kolehiyo hanggang sa nakapangasawa ng isang mabuting lalaki. Pumanaw naman ang kanyang kinalakihang ina, dalawang taon matapos niyang mag-asawa.

Biniyayaan naman ang kanilang pagsasama ng isang anak na lalaki. Pinangalanan nila itong Miguel, dahil ipinanganak ang bata sa kapistahan noon ni San Miguel.

Malamig na ang simoy ng hangin, papalapit na ang pasko. Naisipan ng mag-asawa na ikain sa labas ang unico hijo nila. Habang nasa kalagitnaan ng pagkain ang pamilya ay biglaan na lamang bumungisngis sa ng tawa ang bata na tila ba ay may kinatutuwaan. Tuwang-tuwa at tila ba kinikilig sa sobrang saya ang bata. Lumingon naman ang mag asawa para makita kung ano ang tinitignan ng bata.

Isang madungis na babae at mukhang pulubi ang nakita nilang nakangiti sa kanilang anak. Tuwang-tuwa at galak na galak ang matanda sa tumatawang bata. Mula sa salamin sa labas ng restawran ay patuloy na nililibang at inaaliw ng pulubing babae ang bata. Patuloy ito sa pagkaway na tila ba nakikipaglaro din.

“Anong gagawin natin sa matanda sa labas?” tanong ng asawa ni Samantha.

“Pabayaan mo na lamang. Aalis din yan mamaya,” tugon naman ng babae.

Habang patagal ng patagal ay palakas ng palakas ang tawa ng bata kaya naman napapatingin ang ibang tao na kumakain rin sa restawran. Bakas sa mukha ng ibang customers ang pag tataka dahil napansin rin nila ang matandang madungis na nakikipag laro sa bata.

Matapos kumain, nagmadali silang lumabas ng restawran. Pagkalabas nila ay bigla silang sinalubong ng matandang babae. Kinabahan si Samantha dahil sa pag aakalang sasaktan sila nito.

Pilit na iniwas ng mag-asawa ang kanilang tingin habang unti-unting lumalayo sa matanda. Naisipan nilang kargahin ang bata mula sa stroller, subalit nang bubuhatin na ito ay nilagpasan ng bata ang kanyang ina at doon nagpabuhat ang bata sa kalarong matanda kanina.

Hinawakan ng matanda ang bata at ngumiti rito. Pumikit ang matanda kasabay ng pagtulo ng mga luha sa kanyang mga mata.

“Labis ang gaan ng loob ko sa batang ito. Alagaan ninyo siyang mabuti ha? Ang mga ngiti niya ay nagpapaalala sa’kin ng ngiti ng aking anak noon,” sambit ng matandang babae sa mag asawa.

“S-salamat po,” sagot naman ni Samantha.

Nang matitigan ni Samantha ang mga mata ng babae, may tila ba karayom na tumusok sa kanyang puso. Kahit na natatakpan ng dumi ang buong mukha at katawan ay pamilyar sa kanya ang mga matang iyon, mga matang kay tagal niyang ninais na makita.

Bago tumalikod ang pulubi ay napansin ni Samantha ang suot nitong kwintas. Kalahating puso na kapareha ng regalo sa kanya ng ina niya noon.

“Sandali lamang po, yung kwintas na suot ninyo, saan ninyo nakuha ‘yan?” tanong ng babae.

“Kapareho ito ng palawit na niregalo ko sa aking anak, halos labing limang taon na din ang nakakalipas,” malungkot na tugon ng pulubi.

“Ang pangalan po ba ng anak ninyo ay Samantha?” naluluhang tanong ng babae

“P-paano mo nalaman? Kilala mo ba siya? May alam ka ba tungkol sa kanya?” naiiyak na tanong ng babaeng pulubi.

“A-ako po si Samantha, nay,” lumuluhang sinabi ng babae.

“Diyos ko. Samantha, ikaw ba talaga iyan? Hindi kita nakilala, anak ko. Salamat sa Diyos at muli kitang natagpuan,” di makapaniwalang tanong ng matandang pulubi.

“Opo nay. Napakatagal kong nangulila sa inyo. Akala ko ay wala na kayo. Dito lamang pala tayo pagtatapuin.

Kahit na madumi, lumapit si Samantha sa babae at saka ito niyakap ng mahigpit. Hindi niya aakalaing muli pang magtatagpo ang kanilang mga landas.

Isinama ni Samantha pauwi ang kanyang ina at saka doon pinaliguan at nilinis. Nang matanggal ang dumi sa katawan ay mas lalong nagliwanag ang mukha nito, siya nga talaga ang ina ni Samantha.

Ikinuwento ng kanyang ina ang lahat ng nangyari noon. Nang maanod siya ng malakas na pag ragasa ng tubig ay nagawa pala niyang makaligtas, subalit nang makaalis mula sa tubig ay hinimatay siya at di sinasadyang mabagok ang ulo.

Nawala pala pansamantala ang kanyang memorya, pero nang muling magbalik sa matinong isipan ay natagpuan na lamang niya ang sarili na pagala-gala lamang sa kalsada.

“Namuhay ako bilang isa pulubi at nanlilimos ng konting makakakain sa araw-araw, pero gabi-gabi kong hinihiling sa Diyos na muling pagtapuin ang ating mga landas,

Hindi nga Niya ako binigo. Nagkita tayong muli anak ko,” saad ng matanda habang naluluhang nakahawak sa kanyang anak.

Inabot ding ng lagpas isang dekada ang naging pangungulila ni Samantha sa tunay na magulang noon, pero labis na biyaya ang ibinuhos sa kanya ng Diyos nang kalingain siya ng matandang dalaga na tumayo bilang ina niya, pero pinto ng langit na ang bumukas nang muling pagtagpuin ang landas nilang mag-ina sa di inaasahang pagkakataon.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.