Wasak ang Puso ng Dalaga Dahil Hiniwalayan Siya ng Nobyo sa Araw ng Anibersaryo Nila; Isang Guwapong Lalaki ang Sasalba sa Kaniya

Mabilis na nagbihis si Kelly, sabik siya dahil nag-text ang boyfriend niya at sinabi nitong magkita raw sila sa parke. Bago siya lumabas ng bahay ay sinulyapan muna niya ang sarili sa salamin kung maganda ang pagkakaayos ng buhok niya at make up niya sa mukha. Kailangan na maganda siya dahil ikaapat na taong anibersaryo nila ng nobyo.

Habang nakasakay siya sa taxi ay hindi niya maiwasang kiligin. Malakas ang kutob niya na magpo-propose na sa kaniya ng kasal si Clark. Matagal na niyang crush ito mula pa noong hayskul sila kaya nga nang niligawan siya nito ay sinagot niya agad. Para sa kaniya, si Clark na ang gusto niyang makasama sa habang buhay.

Ilang minuto lang ay narating na nila ang parke. Bago siya bumaba ng taxi ay nagwisik muna siya ng pabango at naglagay pa ng kaunting lipstik sa labi niya.

Pagdating niya sa tagpuan nila ay naroon na si Clark. Pinamulahan na naman siya ng pisngi dahil napakaguwapo nito sa suot na polo shirt. Napansin niya na seryoso ang mukha nito na titig na titig sa kaniya.

“Hi, sweety,” malambing na bati niya.

“Hello, mabuti at dumating ka na, may pag-uusapan tayo,” seryosong sabi ng lalaki.

“T-Teka, masyado ka naman yatang nagmamadali, baka pwedeng…”

Hindi na siya pinatapos na magsalita ng nobyo. “Nagmamadali rin ako kaya kailangan na nating mag-usap.”

Advertisement

Kahit nagtataka sa inaasal ni Clark ay hinarap niya ito.

“Eh ano ba ang pag-uusapan natin?” tanong niya.

Bumuntung-hininga muna ang lalaki bago muling nagsalita.

“Pinapunta kita rito dahil…”

“Dahil ano?” ‘di makahintay na sabi ni Kelly. Diyos ko, eto na yata, magpo-propose na talaga si Clark sa kaniya! Nakapikit pa siya habang hinihintay ang susunod na sasabihin nito at handa na siyang sumagot ng matamis na oo.

“Dahil gusto ko nang makipaghiwaly sa iyo,” tugon ni Clark.

Biglang nanigas ang buo niyang katawan sa tinuran nito.

“A-Ano? Anong sinabi mo?” tanong niya.

Advertisement

“Gusto ko nang makipag-break sa iyo, Kelly. M-May ibang babae na akong nagugustuhan, hindi na kita mahal,” hayag pa nito.

Parang dinurog ng isang milyong beses ang puso niya sa mga oras na iyon. Namanhid din ang buo niyang katawan. Parang nabingi na siya sa iba pang sinabi sa kaniya ng lalaki. Ang huling salitang narinig niya sa mga labi nito ay ‘patawad’ bago ito tuluyang umalis.

Naiwan siyang nakatulala, maya maya ay hindi na niya napigilan ang sarili na maiyak. ‘Di rin niya namalayan na para na siyang t*nga na naglalakad sa parke habang umiiyak. Buti na lang at wala nang tao sa parteng iyon kundi ay mapagkakamalan siyang baliw.

Wala siyang kamalay-malay na may nakasunod sa kaniyang lalaki. Isa itong holdaper na may dalang patalim. Bago pa siya nito atakehin ay sinunggaban na ito ng isa pang lalaki saka pinagsusuntok.

“Hoy, anong ginagawa ninyo? Bakit kayo nag-aaway?” gulat na sabi niya. Saka lamang siya nahimasmasan sa pagkatulala nang makitang nagsasapakan na ang dalawang lalaki sa harap niya.

Naagaw ng lalaki ang patalim sa holdaper at dahil malakas at magaling itong makipaglaban ay kumaripas ng takbo ang masamang loob.

“Ano ka ba naman, miss? Muntik ka na ma-holdap nung lalaking iyon, a! Mabuti na lang nakita ko’t ipinagtanggol kita,” sabi ng lalaki. Nakakunot ang noo nito.

“Eh, ano ba kasi ang pakialam mo? Hindi ko naman sinabing ipagtanggol mo ako, a! At sino ka ba na nagpapaka-knight in shining armor ha?” inis na sabi ni Kelly sa lalaki.

Advertisement

Nang makita niya ang mukha ng lalaking tumulong sa kaniya ay parang gusto niyang bawiin ang lahat ng sinabi niya rito. Sh*t! Ang guwapo! Walang-wala si Clark sa kalingkingan ng mala-prinsipeng kaguwapuhan nito.

“Mama naman, eh! Ano ang pangalan nung prinsipeng nagligtas dun sa prinsesa?” sabi ng walong taong anak ni Kelly na si Krisha. Mahilig kasi itong magpakwento sa kaniya bago ito matulog.

“Henry, Henry ang pangalan nung prinsipe na nagligtas sa magandang prinsesa. Nagkatuluyan sila at naging happily ever after ang ending ng kwento,” sabad naman ng mister ni Kelly na kanina pa nakikinig sa kanilang mag-ina.

“Papa naman, pangalan mo ‘yon, eh! Niloloko mo naman ako,” sagot ng bata.

“Iyon naman talaga ang pangalan ng magiting na prinsipe, anak. Bakit ayaw mo ba na kapangalan ko siya?” natatawang sabi ng lalaki.

“Ikaw talaga hanggang ngayon feel na feel mo pa rin na maging prinsipe,” bulong ni Kelly sa mister saka kinurot ito sa tagiliran.

“Siyempre, para sa aking magandang prinsesa,” bulong nito sa kaniya sabay kindat.

Hayyy, totoo nga naman ang sinabi ng asawa niya. Ito ang prinsipeng tumulong sa kaniya noon, ang prinsipeng tumulong na humilom sa sugatan niyang puso.

Advertisement

Saka bumalik ulit sa alaala ni Kelly ang nangyari sa parke ilang taon na ang nakakalipas.

Matapos siyang tulungan noon ng lalaki sa holdaper ay sinungitan pa niya ito. Imbes na magalit sa katarayan niya ay nagmagandang loob pa ito na ihatid siya sa bahay niya. Mula noon ay naging magkaibigan na sila at naging malapit sa isa’t isa. Ewan ba niya, kapag kasama niya ang lalaki, pakiramdam niya ay palagi siyang ligtas. Dahil sa lalaking iyon ay mabilis niyang nakalimutan ang lahat ng hinanakit at sama ng loob niya, pati si Clark ay madaling nabura sa puso at isip niya. Bukod kasi sa napakaguwapo ng lalaki ay napakabait pa kaya mabilis ding nahulog ang loob niya rito hanggang sa nauwi sila sa pag-iibigan. Ang lalaking iyon ay walang iba kundi ang kaniyang asawa na si Henry.

Maya maya ay bumalik na ang gunita ni Kelly sa kasalukuyan. Muli niyang binalingan ang anak.

“Anak, maniwala ka sa papa mo, Henry talaga ang pangalan nung prinsipe dahil tulad ng papa mo ay napakabusilak ng puso ng prinsipe na nagawang tulungan at ibigin ang kawawang prinsesa,” aniya.

Ngumiti ang bata at namalayan na lang nilang mag-asawa na nakatulog na ito.

Binulungan siya ni Henry. “Tulog na ang panganay natin, honey…punta na tayo sa kwarto natin, sundan na natin si Krisha,” ngingiti-ngiting sabi nito.

“Diyan, diyan ka magaling!” bungisngis ni Kelly saka kinurot ulit sa tagiliran ang mister.

Ipinakita sa kwento na kung may nawala man sa buhay natin, may ipapalit ang Diyos na mas karapat-dapat kaya huwag mawawalan ng pag-asa at patuloy na maniwala sa kapangyarihan ng pag-ibig.