Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Akala ng Babae Kapag Mayaman Siya ay Masaya na Siya, Pero Ang Batang Anak Niya ang Magtuturo sa Kanya ng Totoong Kaligayahan - Inday Trending

Akala ng Babae Kapag Mayaman Siya ay Masaya na Siya, Pero Ang Batang Anak Niya ang Magtuturo sa Kanya ng Totoong Kaligayahan

Katatapos lamang ng taon sa eskwela at bakasyon noon nang makiusap si Micha sa kanyang inang si Lorena na magbakasyon sa probinsya ng dati nilang kasambahay na si Yaya Sita.

Kasa-kasama ni Lorena lagi si Yaya Sita hanggang sa makatapos siya ng kolehiyo at magkaroon ng sariling pamilya. Naalagaan din ni Yaya Sita ang kanyang anak na si Micha hanggang sa maging pitong taon na ito.

Dahil nagkakaroon na ng edad si Yaya Sita, napagpasyahan na nila Lorena na pagpahingahin ang matanda sa kanilang probinsya, ngunit ipinalit naman ni Yaya Sita ang kanyang bunsong anak na si Carol, upang maging katiwala ng pamilya.

“Mommy, pwede po bang sa probinsiya ni Yaya Sita ako magbakasyon ng ilang araw?” tanong ni Micha sa ina.

“Bakit doon, anak? Ayaw mo ba sa Japan o HongKong magbakasyon? Puwede tayong pumunta sa Disneyland, o kaya naman ay sa Maldives.” alok naman ni Lorena.

“Okay na po ako kina Yaya Sita, at saka kasama ko naman po si Yaya Carol doon, kaya wag po kayong mag-alala, di naman nila ako papabayaan,” pagpupumilit pa ng anak.

“Sigurado ka na ba d’yan anak?” tanong ng ina.

“Opo mommy, saka matagal na din po simula nang huli kong makita si Yaya Sita eh.”

Pumayag naman si Lorena na pagbakasyunin ang anak sa probinsya ng dating katiwala. Tiwala naman din siya kay Carol. Pinagbigyan niyang manatili ng ilang araw doon ang anak.

Alam naman niyang mag-aaya din agad ang bata pauwi dahil hindi ito sanay sa buhay sa probinsya, kaya hindi na siya kumontra pa.

Kinabukasan ay ipinahatid ni Lorena ang anak at katiwala sa kanilang family driver.

“Busy kasi si mommy ngayon sa work, kaya hindi muna ako makakasama sa paghahatid sa inyo anak ha? Pero promise ni mommy, na ako mismo ang susundo sa inyo doon sa isang Linggo,” wika ni Lorena sa anak.

“Okay lang po, I love you mommy!” nagpaalam na ang anak at saka umalis.

Palagi naman tumatawag ang ina upang kumustahin si Micha.

“Nakarating na po kami mommy, don’t worry po safe naman po kami dito, tuwang-tuwa nga po si Yaya Sita nung nakita ako eh,” masayang pagbabahagi ng anak.

“That’s good, anak. Sige, work lang muna ulit si mommy ha?” pagpapaalam ni Lorena.

Bukod sa anak at asawa ay naging isang malaking prayoridad ni Lorena ang trabaho. Kailangan niyang kumayod at gustong-gusto niyang kumita ng malaki. Para kasi sa kanya, pag mayaman ka, magiging maligaya ka.

Kinabukasan ay tinawagan muli ni Lorena ang anak upang kumustahin.

“Micha, anak, kumusta ka na diyan? Hindi mo pa ba naiisipang umuwi?” tanong ng ina sa pag-aakalang hindi kakayanin ng anak ang buhay sa probinsya.

“Hindi pa mommy, ang saya nga po eh, naranasan kong maglaba sa ilog, tapos magluto gamit ang uling at saka magkaroon ng maraming kalaro, mababait po ang apo ni Yaya Sita, mommy,” pagmamalaki pa ng bata.

“Talaga anak? Sige, sabihan mo lang si mommy kung kailan mo gustong magpasundo ha? Work lang muna ulit si mommy,” ibinaba niya ang telepono at saka muling nagtrabaho.

Mayaman naman na sila Lorena dahil nasa ibang bansa ang kanyang asawa at sobra-sobra pa ang kinikita nito, ngunit gusto talaga niyang makaipon ng mas malaki pa, kaya minsan ay wala na siyang oras para sa anak.

Ilang araw pa ang lumipas at napagdesisyunan na niyang sunduin si Micha. Nagtungo siya sa probinsya upang dalawin si Yaya Sita at iuwi ang anak. Nadatnan niyao itng kumakain ng manggang bagong pitas at bagoong. Sarap na sarap ito at ngiting-ngiti habang kinakain ang manggang manilaw-nilaw.

Nang pauwi na ay kinausap siya ni Yaya Sita.

“Maraming salamat at pinagbakasyon mo dito si Micha. O basta Lorena, wag na wag kang makakalimot ha?” pagpapaalala ng matanda.

“Oho, Yaya Sita” kinuha niya ang kamay ng matanda at saka umamin dito, kasunod ng yakap at halik sa noo.

Habang nasa sasakyan ay daldal nang daldal ang bata tungkol sa kanyang naging bakasyon.

“Alam mo ba mommy, sobrang sarap palang maligo sa sapa, malamig ang tubig at saka malinaw,” masayang sabi nito.

Nakatutok naman sa mga papel na binabasa si Lorena habang nagkukwento ang anak.

“Ah may swimming pool naman sa club house, sa subdivision natin di ba?” tugon ng babae.

“Alam mo mommy, kumain kami sa dahon ng saging habang nakakamay, kahit wala kaming kubyertos, pero punong-puno kami ng saya at sobrang nakakabusog po,” wika ulit ng bata.

“Di ba nakaka-enjoy din pag kumakain tayo sa buffet? Marami rin namang pagkain di ba?” sagot niya habang pumipirma sa papeles.

“At saka mommy, yung hangin kela Yaya Sita, sobrang lamig at saka sariwang-sariwa, lalo na pag madaling-araw, grabe yung lamig.”

“May aircon naman tayo sa bahay, anak di ba? Madami pa nga ehh,” malamig na tugon ni Lorena.

“At saka pala mommy, natutunan ko na kung paano humanap ng kapitulo at taludtod sa bibliya, nakakabili tayo ng maraming set ng books, pero wala akong nakita na bible sa bahay,” sambit pa ni Micha.

Tumigil na sa pagdaldal ang anak nang mapansin na masyadong abala ang kanyang ina sa trabaho, ngunit natigilan naman si Lorena sa huling sinabi ng bata. ‘Wala silang bibliya sa kanilang bahay.’

Tinignan ni Lorena ang anak na ngayo’y nakapikit at sinusubukang matulog. Nang makarating sa bahay ay dumeretso lamang sa kwarto ang bata at saka natulog. Umupo muna sa lamesa ang ina at saka binuksan ang kanyang cellphone.

Nakita niya sa facebook ng anak ang mga litratong kuha sa bakasyon nito. Nakita niyang ngiting-ngiti ang anak habang nakakamay at susubo ng pagkain, naandon din yung malaking tawa sa mukha nito habang naglalaro ng patintero kasama ang mga apo ni Yaya Sita.

Tumulo ang luha ni Lorena, dahil sa huling litrato ng anak, sobrang saya nito at may kapsyon na ‘Tunay na kasiyahan. Sana nandito din si mommy at si daddy’. Ibang kurot sa puso niya nang ito’y mabasa.

Naalala din niya kasi ang mga turo sa kanya ni Yaya Sita, tungkol sa pagbabasa ng bibliya, pagiging masaya sa mga simpleng bagay at mag-ubos ng oras para sa taong tunay na nagmamahal at nagpapasaya sayo.

Tumawag agad sa opisina at humingi ng pahintulot na makapagbakasyon ng ilang araw, na agad namang naaprubahan.

Bumalik sila Lorena kasama ang anak, pati ang yaya nitong si Carol patungo sa probinsiya ni Yaya Sita. Doon ay iniisang tabi muna niya ang trabaho upang magpakasaya kasama ang anak.

Doon ay naranasan ni Lorena na ang kumain ng nakakamay sa dahon ng saging, makaligo sa malamig na sapa at makipag-usap sa mga bagong taong nakilala. Kitang-kita din niya ang galak sa mga ngiti at tawa ng anak.

Napagtanto niya na hindi pala nasusukat ng yaman ang tunay na kaligayahan, at hindi kayang tumbasan ng pera ang saya sa pakiramdam sa tuwing tatawa kasama ang pamilya at mga mahal sa buhay.

Masyadong pinagtuunan ni Lorena ng atensyon ang kanyang trabaho, ngunit pinaalala sa kanya ng anak, kung ano talaga ang tunay na importante sa mundong ito, at iyon ay ang mabuhay ng masaya na hindi kinakailangan ng malaking salapi, dahil ang tunay na kaligayahan, hindi kayang tumbasan ng kahit anong halaga.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.