Ang Sikreto ng Aking Unang Karanasan

Masarap ang magmahal. Pero mas masarap kung mahal ka rin ng taong mahal mo. At dahil sa unang pagkakataon ay naramdaman ni Aiden ang tamis ng unang pag-ibig, ibibigay niya ang lahat para hanggang sa huli ay sila pa rin ang magkasama ng pinakamamahal niyang si Emily.

“Sa tingin mo ba magugustuhan ako ng pamilya mo?” kinakabahang tanong ni Aiden sa kaniyang nobya.

“Bakit naman hindi?” Paulit-ulit na pinahid ng lalaki ang pawisan niyang kamay sa kaniyang pantalon.

“Hindi ko alam. Kinakabahan ako na baka pilitin ka nilang hiwalayan ako pag may hindi sila nagustuhan sa akin,” tinawanan lang ni Emily ang kaniyang nobyo.

Kinakabahan si Aiden dahil ngayon siya ipapakilala ng nobya sa pamilya nito. Habang nasa biyahe ay inilibot ng lalaki ang kaniyang mga mata sa paligid. Pamilyar sa kaniya ang daang kanilang tinatahak. “Imposible naman sigurong doon din kami pupunta,” bulong niya sa sarili.

Nung huminto na ang sinasakyan nilang taxi sa tapat ng isang bahay ay nanigas ang buong katawan ng lalaki sa kaniyang kinauupuan. Hindi niya malilimutan ang bahay na ito. Kahit anong tago niya sa pinakasuluksulukan ng kaniyang utak at kahit ilang ulit pa niyang ihampas ang kaniyang ulo sa pader para makalimot ay di niya inaasahan na bubulagta pa rin sa kaniyang harapan ang nakaraang matagal na niyang binaon sa hukay.

“Uy! Okay ka lang? Huwag kang mag-alala. Hindi ka kakainin ng buhay ng pamilya ko. Si daddy strikto pero maunawain. Si mommy mukhang mataray pero ubod ng bait. Si ate konserbatibong manamit pero mas liberated pa kaysa sa’kin. At siyempre hindi natin pwedeng makalimutan ang gwapito kong kuya. Teka, huwag mo nga pa lang mababanggit sa kanila ang tungkol kay kuya, ah. Wala pa silang alam tungkol doon. Ayoko siyang pangunahan,” saad ni Emily.

Nanginginig ang mga tuhod ni Aiden nung pumasok siya sa bahay. Nakita niya ang mga litrato ng pamilya na naka-display sa sala. Isang mukha ang tinitigan niya ng matagal. Ang mukha na minsang nagdala sa kaniya sa langit at naging laman ng kaniyang mga bangungot noon.

Advertisement

Dalawang bagay ang naglalaro sa kaniyang isipan, ang maglihim sa kaniyang nobya o ipagtapat sa babae ang kaniyang nakaraan. Ano man ang kaniyang piliin malaking pagbabago pa rin ang idudulot nito sa kanilang relasyon. Kung sakaling magdesisyon siyang huwag magtapat ay hindi masasaktan ang kaniyang nobya pero hindi naman siya patatahimikin ng kaniyang konsensya. Kung sakaling sabihin niya ang kaniyang lihim, malaki ang posibilidad na magalit sa kaniya ang babae at hiwalayan siya nito.

Naging maayos ang unang pagkikita ni Aiden at ng pamilya ni Emily. Walang kahit anong aberya ang naganap. Ultimo ang kinakatakot niya na sumabog ang kaniyang lihim ay hindi nangyari dahil hindi siya naaalala ng taong naging bahagi ng kaniyang nakaraan. Bukas palad siyang tinanggap ng lahat kaya mas lalong hindi niya maatim na maglihim kay Emily.

Noong gabi ding iyon ay nagdesisyon si Aiden na ipagtapat kay Emily kung ano ang namagitan sa kanila ng kaniyang kapatid. Alam niyang sa pag-aming gagawin niya ay posibleng matuldukan ang kanilang relasyon at maaaring magkalamat ang relasyon ng dalawang magkapatid. Pero mas nanaisin niyang manggaling ang kwento mula sa sarili niyang bibig dahil alam niyang mas masasaktan si Emily kung sa iba niya ito maririnig.

Sila Aiden at Emily lang ang nasa hardin. Sinamantala ng lalaki ang pagkakataong ito para magtapat sa kaniyang nobya.

“Emily, ayokong magalit ka sa akin pero mas ayokong maglihim sa iyo dahil alam kong mas lalo lang kitang masasaktan kung gagawin ko iyon,” paunang salita ni Aiden.

Magsasalita sana si Emily pero bago pa nito maibuka ang bibig ay pinigilan na siya ng lalaki.

“Hayaan mong sabihin ko sa’yo ang lahat. Ano man ang maging desisyon mo pagkatapos ng sasabihin ko ay maluwag kong tatanggapin ito. Pero bago ang lahat ay nais kong malaman mo na totoo ang nararamdaman ko sa’yo. Mahal na mahal kita Emily,” huminga muna ng malalim si Aiden bago niya ipinagpatuloy ang pagsasalita.

“Naikwento ko na sa’yo noon ang tungkol sa unang karanasan ko sa kama. Kung paano dahil sa matinding kalasingan ko ay nawala ang virginity ko nung kinse años pa lamang ako. Ang hindi mo alam ay naging isang bangungot sa’kin ang gabing iyon. Emily, ang kuya mo ang nakauna sa akin. Dito mismo sa bahay niyo nangyari iyon. Nung nagising ako masakit ang buong katawan ko. Wala na akong suot na damit. Sa sobrang takot ko nagmadali akong nagbihis at umalis ng walang paalam. Dahil sa nangyari ay nagsimula akong magduda sa pagkatao ko. Naging impyerno ang buhay ko. Buti na lang sa awa ng Diyos at sa tulong ng pamilya ko ay muli kong natagpuan ang sarili ko. Patawad, Emily, hindi ko alam na kuya mo siya.”

Advertisement

Tahimik na umiiyak si Emily habang pinakikinggan si Aiden. Masakit sa kaniya kung paano sila pinaglaruan ng tadhana. Nangyari na ang lahat at hindi na nila iyon mababago pa.

“Sa tingin ko ang gabing tinutukoy mo ay ‘yung panahong pumunta kami sa probinsya para bisitahin ang mga lolo at lola namin. Si kuya lang ang hindi nakasama dahil may summer classes siya,” pinahid ng babae ang luha mula sa kaniyang mga mata.

“Hindi na ako magtataka kung bakit hindi ka maalala ni kuya. Wala siyang naaalala sa mga pinaggagawa niya pag nalalasing siya. Pero siguro ay kailangan kong humingi ng paumanhin at magpasalamat na rin. Salamat dahil kung hindi dahil sa’yo ay hindi matatagpuan ng kuya ko ang kaniyang sarili. Tulad mo ay naguluhan din siya kung ano ba talaga ang kasarian niya. Naligaw siya ng landas. Pero pagkatapos ng nangyari sa inyo ay nakilala at natanggap niya ang kaniyang sarili, na lalaki ang tipo niya. Patawad dahil kabaligtaran ang nangyari sa’yo. Nagulo ng kuya ko ang tahimik mong buhay.”

Ilang minutong katahimikan ang lumipas sa pagitan ng magkasintahan. Parehong malalim ang iniisip tungkol sa kahihinatnan ng kanilang relasyon. Kung ano ang nararamdaman ng kanilang mga puso pagkatapos ng mga rebelasyon.

“Mahal na mahal kita, Aiden. Ayokong magtapos tayo ng ganito pero magsisinungaling ako sa’yo kung sasabihin kong kaya kong isantabi ang lahat ng sinabi mo para sa ating pagmamahalan. Patawad, Aiden. Kahit anong gawin ko ay hindi ko maialis sa utak ko ang imahe ninyong dalawa ni kuya habang magkasama sa iisang kama. Pakiramdam ko ay pinagtaksilan niyo ako kahit hindi pa naman natin kilala ang isa’t-isa noong panahong iyon. Masakit man sa loob ko pero sa tingin ko ay mas makakabuti sa ating dalawa kung maghihiwalay tayo.”

Sa kabila ng pagmamahalan nila Aiden at Emily sa isa’t-isa ay nagdesisyon ang dalawa na maghiwalay ng landas. Masakit man itong tanggapin pero alam nilang mas lalo lang nilang masasaktan ang isa’t-isa kung patuloy nilang ipaglalaban ang isang relasyong nagdudugo pa mula sa sariwang sugat dulot ng masakit na katotohanan ng nakaraan.

Hindi lang ang relasyon ng dalawang magkasintahan ang nasira. Nagkagalos din ang relasyon ng magkapatid. Pero sigurado si Emily na darating din ang araw na hihilom din ang sugat sa tamang panahon. Mas pinili ni Emily na itikom ang kaniyang bibig sa kaniyang mga nalalaman. Sa tingin niya ay mas magkakasira sila ng kuya niya pag nalaman nito kung ano ang naging dahilan ng paghihiwalay nila ni Aiden.

Kahit nauwi sa malungkot na katapusan ang relasyon nina Aiden at Emily dahil mas pinili ng lalaking magtapat sa kaniyang nobya, para sa kanilang dalawa ay mas gugustuhin pa rin nilang magkahiwalay at malayang mamuhay sa katotohanan kaysa sa manatiling magkasama sa isang relasyong nababalot ng kasinungalingan.