Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Ninakaw na Kumusmusan - Inday Trending

Ninakaw na Kumusmusan

Matapos takbuhan ng mga magulang ni Gido ang kanilang responsibilidad nung sanggol pa lamang siya ay si Lola Ising na ang tumayong nanay at tatay niya. Tindera lang ng mga kakanin sa Quiapo ang matanda at dahil sa hirap ng buhay ay Grade 3 lang ang narating ng bata.

Lalong humirap ang pamumuhay ng dalawa nung inatake sa puso ang matanda. Sa murang edad na sampung taon ay natuto ng magbanat ng buto si Gido may makain lang silang mag-lola at para may ipambili siya ng gamot para sa lola niyang may sakit.

“Maghanap ka na lang ng ibang mapagkakakitaan, apo. Ako ang natatakot para sa iyo, eh. Oo nga at magaling kang lumangoy pero delikado pa rin ang ginagawa mo,” nag-aalalang wika ni Lola Ising.

“Huwag po kayong mag-alala. Nag-iingat pa ako palagi. Ang importante ay siguradong pong may laman tiyan tayo araw-araw,” tugon ni Gido sa kaniyang lola.

Bago pa sumikat ang araw ay pumapalaot na si Gido sakay ng isang balsa na gawa sa styrofoam at ilang pirasong kahoy na pinagdugtung-dugtong ng mahabang lubid. Gamit ang kaniyang mga kamay bilang sagwan ay sinusuong niya ang dagat papunta sa pinagdadaungan ng mga bangka ng mga mangingisda.

Pagdating niya doon ay matiyaga niyang lilinisin ang mga lambat ng mga mangingisda ng ilang oras kapalit ng mga isdang inayawan ng mga ito. Pagkatapos ng trabaho ay muli siyang lalaot pauwi sa kanilang dampa.

“Lola, ito na po ‘yung mga isda na uulamin natin ngayon. ‘Yung kalahati po susubukan kong ibenta sa mga kapitbahay natin para may pambili tayo ng bigas at gamot niyo. Babalik po ako agad pagkatapos kong magbenta,” paalam ni Gido.

“Apo, huwag ka ng bumili ng gamot ko. Hintayin na lang natin ‘yung ibibigay ni Dra. Samaniego sa susunod na linggo,” sambit ni Lola Ising. “Hindi pwede, lola, dapat tuluy-tuloy ang inom niyo ng gamot kung hindi ay lalala po ang sakit niyo.”

Lingguhan ko dumayo si Dra. Samaniego sa kanilang lugar para magkawanggawa sa mga tulad ni Lola Ising na kapuspalad. Nagbibigay siya ng libreng checkup at kapag sinuswerte ay nagpapamahagi din siya ng libreng gamot.

“Lola Ising, pasensya na po at wala akong dalang libreng gamot para sa inyo. Hindi po kasi ako nakakalap ng sapat na pondo para sa pagpapamahagi ng libreng gamot ngayong linggo. Pasensya na po talaga.”

Bagama’t nalulungkot ay wala namang magawa ang matanda. “Okay lang po doktora pero may iba po sana akong hihilingin sa inyo. Sana po ay mapagbigyan niyo ko,” pakiusap ng matanda. “

Wala pong problema, lola, basta makakaya ko.”

Tatlong araw ng walang kita si Gido dahil sa malakas na bagyo kaya tatlong araw ding nagtitiis ang mag-lola sa pag-inom ng mainit na tubig magkalaman lang ang kanilang tiyan.

Ilang araw na ring hindi nakakainom ng gamot si Lola Ising kaya lubhang nag-aalala ang kaniyang apo sa kaniyang kalagayan. Batid niya na nahihirapan na ang kaniyang lola dahil sa matinding pananakit ng dibdib nito kaya nung humupa na ang sama ng panahon ay agad na pumalaot si Gido para magtrabaho.

Masayang umuwi si Gido matapos niyang ibenta ang kalahati sa mga kinita niyang isda. Malaki-laki ang kinita niya ngayon kaya bumili siya agad ng gamot para sa kaniyang lola. Pagdating niya sa kanilang dampa ay hindi niya inaasahan ang kaniyang madadatnan. Hindi na niya magising ang kaniyang lola.

“Lola, gising ka na! Kailangan mo ng uminom ng gamot! Sige na naman, lola! Hindi mawawala ang sakit ng dibdib mo kung hindi ka iinom ng gamot! Lola, naman, eh, huwag ka naman magtulug-tulugan! Hindi ka na nakakatuwa!”

Walang tigil si Gido sa kakagising sa kaniyang lola habang humahagulgol ng iyak. Batid niyang hindi na ito humihinga. Umaasa na hindi totoo ang mga pangyayari, na buhay pa ang pinakamamahal niyang lola. “Lola, paano na ko ngayon? Ano nang gagawin ko? Ano na ang mangyayari sa’kin?”

Nang mabalitaan ni Dra. Samaniego ang nangyari kay Lola Ising ay agad niyang dinamayan si Gido. Siya na ang nag-asikaso sa burol at pagpapalibing ng matanda. Isinabay na din niyang asikasuhin ang pinakiusap sa kaniya ni Lola Ising ilang buwan na ang nakakaraan. Dahil wala ng ibang kamag-anak si Gido at hindi mawari kung saan na napadpad ang mga magulang niya kaya kinuha si Gido ng mga taga-DSWD.

Pagkalipas ng ilang buwan ay dinalaw ni Dra. Samaniego si Gido. Kasama nito ang kaniyang asawa para maghatid ng magandang balita sa ulilang musmos. “Gido, pasensya na at ngayon lang ako nakadalaw. Inasikaso ko pa kasi ‘yung pakiusap na lola mo sa akin, eh,” bungad ng doktora.

“Ano po ‘yung pinakiusap sa inyo ni lola?” Ngumiti muna ng matamis ang doktora bago niya sinagot ang bata.

“Hiniling kasi sa’kin ng lola mo na kung may mangyaring masama sa kaniya ay ihanap kita ng mabuting pamilya na mag-aampon sa’yo. Ngayon dahil wala naman kaming anak ng asawa ko napagdesisyunan naming kami na lang ang aampon sa iyo. Okay lang ba sa’yo kung kami na lang ang maging mommy at daddy mo?”

Mula sa pagkakaroon ng iisang kamag-anak, sa isang iglap ay biglang lumaki ang pamilya ni Gido. Maliban sa mga lolo, lola, tiyuhin, tiyahin at mga pinsan sa wakas ay mararamdaman na niya ang pakiramdam ng magkaroon ng mga magulang.

Tapos na ang panahon ng pagpasan ng mga problema ng mag-isa dahil mayroon na siyang mga magulang na aakay sa kaniya. Tapos na ang panahon ng pagbabanat ng buto dahil ibibigay ng mga umampon sa kaniya ang lahat ng kaniyang pangangailangan. Panahon na para ituloy niya ang kaniyang pag-aaral at tuparin ang kaniyang mga pangarap. Panahon na para maranasan niya kung paano maging isang bata.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.