Kilala ang Lalaki sa Pagiging Anghel Nito; Ngunit sa Mismong Burol Nito ay Umalingasaw ang Bahong Matagal Nitong Itinago

Kilala ang Lalaki sa Pagiging Anghel Nito; Ngunit sa Mismong Burol Nito ay Umalingasaw ang Bahong Matagal Nitong Itinago

FamilyInspiringStories

Sa huling misa para kay Adolfo, ang pinakahinahangaang tao sa buong siyudad ng San Isidro, tahimik na nakikinig ang mga bisita sa burol sa pagsasalita ng mga taong nahaplusan ng angkin niyang kabutihan. Abot langit ang kanilang pasasalamat sa mga tulong na kanilang natanggap mula sa magaling na negosyante. Labis ang kanilang panghihinayang dahil maaga itong pumanaw mula sa matinding karamdaman. Ang lahat ng taong nagsasalita sa entablado ay puno ng papuri para kay Adolfo.

Hanggang sa umakyat sa entablado ang huling tagapagsalita para magbigay ng kaniyang testimonial.

“Maraming mga alaalang iniwan sa akin si Papa mula sa pagkabata hanggang sa kasalukuyan. Mga alaalang kahit anong pilit kong kalimutan ay hindi na mabubura sa aking isipan. Mga alaalang patuloy na magiging bangungot habang ako ay nabubuhay,” panimula ni Sandro.

Ang sinabi ng panganay na anak ni Adolfo ay nagdulot ng kaguluhan sa isip ng mga taong nakarinig. Hindi nila maunawaan kung bakit tinawag ng lalaki na bangungot ang mga alaala ng kaniyang ama.

“Hinding-hindi ko malilimutan ang alaalang iniwan niya sa akin noong ako ay pitong taong gulang pa lamang. Noong mga panahong iyon ay nasa ospital ang lola ko at ilang linggo nang hindi nakakauwi si Mama dahil siya ang nagbabantay sa kaniya. Sa mura kong edad ay nasaksihan kong nag-uuwi ng mga babae si Papa sa bahay. Gabi-gabi ay iba-ibang babae ang kalampungan niya. Lahat ng parte ng bahay ay bininyagan nila. Pati ang sagradong kwarto nila ni Mama ay hindi nakaligtas.”

Nalaglag ang panga ng mga tao sa punerarya. Hindi nila inaasahan ang lumabas sa bibig ng binata. Ang pagkakakilala nila kasi kay Adolfo ay sinasamba nito si Milagros, ang butihin niyang maybahay. Sa tuwing nakikita nila ang mag-asawa, pati ang mga langgam ay naiinggit sa tindi ng kanilang paglalambingan.

Napagawi ang kanilang mga mata sa kinauupuan ni Milagros. Tahimik lang itong umiiyak habang yakap-yakap ang litrato ng kaniyang asawa. Pangungulila ang maaaninag sa maamo nitong mukha. Walang bahid ng galit o pagkagulat sa isinambulat ng kaniyang anak.

“Noong nagbibinata na ako ay marami itinuro si Papa sa akin. Tinuruan niya akong malunod sa alak. Ginabayan niya ako sa tamang pamamaraan ng paghithit ng dr*ga. Tinuro niya kung paano ko mararanasan ang kakaibang langit. Ang sarap na malulong sa masamang bisyo. At higit sa lahat ay ipinadama niya sa akin ang bagsik ng kaniyang kamao sa tuwing tumatanggi akong sundin ang mga utos niya,” pagsisiwalat ni Sandro.

Nagsimula ang mga bisita na lingunin ang kanilang mga katabi para magtanong. Nagulat sila sa kanilang narinig. Ibang imahe ni Adolfo ang inilantad ni Sandro sa kanila. Sa kabila ng kanilang mga pagdududa ay wala silang nagawa kundi hindi isantabi ang mga ito. Imposibleng nagsisinungaling ito. Mahirap mang tanggapin ang katotohan, kailangan nilang lunukin ang mga rebelasyong inihain sa kanila sa mismong huling misa ng pumanaw nilang idolo, na sa kabila ng ginintuang puso nito ay marami pala itong itinatagong baho.

“Noong dumating sa puntong mawawala na ang lahat sa iyo dahil sa uri na pamumuhay na nilalakaran mo, hindi ka nagdalawang isip na talikuran ang dati mong buhay sa kabila ng paghihirap na posible mong harapin laban sa mga taong labis mong nasaktan. Kung kaya’t hindi lamang pighati ang pinaranas mo sa akin. Pinamanahan mo ako ng maraming mahahalagang aral na aking dadalhin habang ako ay nabubuhay.” Hindi pinansin ni Sandro ang lumalakas na mga bulungan. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pagsasalita kaya’t muling tumahimik ang kapaligiran.

“Salamat, Papa, dahil noong mga panahong tinalikuran namin ang iyong pagiging haligi ng tahanan para takasan ang impyerno naming kulungan at makapagbagong buhay ay tuluyan ka nang nagising sa iyong kadem*nyohan matapos mong maranasan ang mag-isa, walang karamay sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay. Salamat, Papa, dahil noong nakulong ka sa piitan dahil sa iyong masamang bisyo ay muling bumalik ang iyong katinuan sa pag-iisip. Alam mo na ulit kung ano ang tama at mali. Salamat, Papa, dahil noong nag-agaw buhay ka bunga ng pangbubugb*g sa iyo ng mga kakosa mo ay tuluyan ka nang inusig ng iyong konsensya sa pasakit na idinulot mo sa mga taong sabi mo ay mahal na mahal mo.”

Hindi na napigil na Sandro ang kaniyang emosyon. Unti-unti nang tumulo ang kaniyang mga luha. Mayamaya ay humagulgol na rin siya ng iyak. Isang kamag-anak ang nag-abot sa kaniya ng baso ng tubig. Matapos niyang mahimasmasan ay agad niyang pinahid ang kaniyang mga luha. Huminga muna siya nang malalim bago muling ipinagpatuloy ang kaniyang paglalahad.

“Sa huling yugto na iyong buhay ay ipinadama mo sa amin kung gaano ka nagsisisi sa iyong mga nagawa. Hindi ka huminto sa paghingi na kapatawaran sa kabila na pagtataboy namin sa iyo. Hindi ka tumigil sa pagpapakita mo sa amin na nagbago ka na – na ibang Adolfo na ang aming kaharap. Ipinaalala mo kay Mama ang inyong pagmamahalan. Ibinalik mo siya sa panahong siya lamang ang nagmamay-ari ng iyong puso. Bagama’t huli man ay tinupad mo ang pangarap naming magkakapatid – ang maranasan ang tunay na pagmamahal ng isang ama. Habang lumilipas ang mga panahon, ang mga sugat na ibinigay mo sa amin ay unti-unti mong ginagamot kaya hindi na nakapagtataka na matapos ang maraming taon ay binuksan namin ang sarado naming mga puso para tanggapin kang muli sa aming buhay.”

Nilingon ni Sandro ang kabaong ng kaniyang ama. Nilapitan niya ito at naglagay siya ng isang puting rosas sa ibabaw nito.

“Maraming salamat, Papa. Maaga mo akong iminulat sa kung ano ang tama at mali. Ipinakita mo sa akin kung ano ang hindi ko dapat gawin para hindi mawala sa akin ang tiwala at pagmamahal ng aking asawa. Ipinaranas mo sa akin ang panandaliang saya na maidudulot ng masamang bisyo para maibahagi ko sa mga anak ko ang masamang epekto nito. Ipinadama mo sa akin ang sakit ng iyong kamao para matutunan ko na hindi dapat pagbuhatan ng kamay ang mga taong nasa paligid ko. Itinatak mo sa aking pagkatao kung paano maging matapang. Aminin ang aking mga pagkakamali at harapin nang walang takot ang kaparusahang igagawad sa akin. Buong pusong humingi ng kapatawaran sa mga taong aking nasaktan. At higit sa lahat ay ipinamana mo sa akin ang aral na hindi lang sa paghingi ng tawad natatapos ang lahat dahil kaakibat nito ay ang tuluyang pagbabago ng iyong katauhan. Alam kong hindi ko pa nasasabi ito sa iyo. Pero, Papa, matagal na kitang pinatawad. Mahal kita, Papa. Hanggang sa muli nating pagkikita,” pagtatapos ni Sandro sa kaniyang testimonial.

Matiwasay na naidaos ang libing ni Adolfo. Namulat ang mga tao sa tunay na katauhan ng lalaki – na si Adolfo ay hindi perpekto. Dumanas din ito ng kadiliman. Bagama’t kakaiba at puno ng matinding rebelasyon ang naging testimonial ni Sandro, isang magandang aral ang tumatak sa isipan ng mga bisita. Isang aral na natutunan niya sa kaniyang ama. Ang kahalagahan ng pagbabagong buhay. Gaano man kabigat ang nagawang mong kasalanan, hindi pa huli ang lahat para magsisi at muling tahakin ang tuwid na daan.

More Stories