Inday TrendingInday Trending
Akala ng Dalaga ay sa Bestfriend Niya May Gusto ang Kanyang Crush, May Lihim Palang Nakakakilig ang Dalawang Ito

Akala ng Dalaga ay sa Bestfriend Niya May Gusto ang Kanyang Crush, May Lihim Palang Nakakakilig ang Dalawang Ito

FunLoveStories

“Baka matunaw na si Zion sa kakatitig mo sa kaniya. Lapitan mo na lang kaya at magpakilala ka para ng sa ganun ay lumevel up na yung status mo sa kaniya,” bulong ni Katherine kay Shanice. Napatalon sa gulat si Shanice sa ginawa ng babae sa kaniya.

Matalik na kaibigan ni Shanice si Katherine at hindi kaila sa kaibigan na may lihim siyang pagtingin sa sikat ng varsity player ng kanilang paaralan. Buti nga at hindi niya ito naging kaklase. Kung nagkataon ay baka bumagsak siya sa klase dahil mapupunta ang buo niyang atensiyon sa lalaki.

“Alam mo namang isang dakilang dalagang Pilipina ang kaibigan mo, di ba? Isa pa, baka ipahiya ko lang ang sarili ko pag nilapitan ko siya,” malungkot na saad ni Shanice.

“Talagang ipapahiya mo lang ang sarili mo dahil maiistatwa ka sa kinalalagyan mo at napasukan na ng langaw ‘yang bibig mo sa laki ng pagkakabuka bago ka pa makapagsalita pag nginitian ka niya,” pang-aasar ni Katherine sa kaniya.

Kokomprontahin na sana ni Shanice ang kaibigan ng bigla siyang tamaan ng lumilipad na bola sa ulo.

“Sino-” Naputol ang kaniyang sasabihin nung lapitan sila ni Zion.

“Ayos ka lang ba? Saan ka tinamaan? May masakit ba sa’yo? Gusto mo bang buhatin na kita papuntang clinic?” Sunud-sunod na pagtatanong ng binata.

“Ayos lang siya. Medyo nakalog lang ang utak pero hindi naman nakamamatay. Ako nga pala si Katherine at itong istatwang katabi ko ay si Shanice. Hindi mo na kailangang magpakilala dahil alam namin na ang pangalan mo ay Zion. Pwede ka nang bumalik sa pinanggalingan mo,” walang kagatong-gatong na sagot ni Katherine. Natatawang umalis si Zion habang umiiling ang ulo.

“Aray!” Daing ni Shanice matapos siya batukan ng kaibigan.

“Umalis na crush mo. Pwede ka nang gumalaw. At pakipunasan naman yung tumutulo mong laway. Kadiri!”

Nauna nang naglakad palayo si Katherine bago ito muling nagsalita. “Oo, nga pala. Upgraded na ang status niyong dalawa dahil ako na mismo ang nagprisintang ipakilala ka sa kaniya. Yun nga lang, eh, hindi ko na kasalanan kung baliw ang tingin niya sa’yo.”  Nagtatakbo palayo si Katherine matapos muling asarin ang kaibigan.

Masayang kumakain ang dalawa sa canteen habang nagkwekwentuhan nang lapitan sila ni Zion.

“Pwedeng maki-share ng table?”

“No problem. Hindi naman ako ang may-ari ng silya at lamesa pero bakit dito ka sa amin nakikiupo? Hindi ba dapat ay doon ka sa kabilang mesa kasama ng mga galamay mo?” Kibit-balikat lang ang isinagot ni Zion kay Katherine.

Lumipas ang mga araw at napapadalas ang pagsabay ni Zion sa pag-kain ng magkaibigan at nasasanay na rin si Shanice sa presensya ng lalaki. Minsan ay sumasali siya sa kanilang pinag-uusapan pero mas madalas ay tahimik lang siyang nakikinig sa dalawa dahil nahihiya pa rin siya dito.

At least, hindi na siya isang mannequin na nakabuka palagi ang bibig pag kaharap ang kaniyang crush.

Di nagtagal ay mas madalas nang nakikitang magkasama sina Zion at Katherine kaya hindi nakapagtataka na ang paniniwala ng karamihan ay nililigawan na ni Zion si Katherine.

“Friend, ang tagal nating walang bonding moment. Na-miss kita! May damit ka na ba para sa prom?” Iling lang ang tanging sagot ni Shanice kay Katherine.

“Ikaw nga ang palaging hindi mahagilap diyan,eh,” kunwaring nagtatampong wika ni Shanice. Bagama’t may lihim siyang pagtingin kay Zion ay wala siyang balak humadlang sa pagmamahalan ng dalawa.

Hindi rin siya galit kay Katherine dahil ito ang nagustuhan ng lalaki. Sa katunayan ay masaya siya para sa kanila at susuportahan niya ang mga ito kung sakaling sila ay magkatuluyan, kahit pa medyo masakit sa kanya.

“Baka hindi din naman ako pumunta tutal wala namang nagyaya sa’kin.”

“Sigurado akong bago matapos ang araw na ito ay may isang prinsipeng magyaya sa’yo na maging date niya sa prom,” buong pagmamalaki ni Katherine. “Aba, halos ibulgar ko na nga lahat ng sikreto mo sa kaniya. Ewan ko na lang kung hindi ka pa mapasagot nun,” pabulong pa nitong dagdag.

“Ha? Ano ulit?” Tanong ni Shanice kay Katherine.

“Ah, wala. Iniisip ko lang kung saan tayo bibili ng damit natin para sa prom.”

Nagdilang anghel si Katherine dahil bago matapos ang klase ay may nakita si Shanice na mga lobo ng imbitasyon sa prom na nakadikit sa pintuan ng kaniyang locker, yun nga lang ay walang pangalang nakalagay kung kanino ito galing maliban sa letrang S at Z na nakasulat sa laso na nakatali sa tangkay ng mga lobo.

“Sabi ko naman sa iyo, eh, may date ka sa prom.” Tipid na ngiti lang ang sinagot ni Shanice sa sinabing iyon ni Katherine.

Simula noon ay araw-araw nang nakakatanggap ng rasyon ng mga paborito niyang pagkain si Shanice mula kay SZ. May kalakip din ang mga ito na maikli ngunit matatamis na quotes. Nagtataka na nga siya kung paano nito nalaman na gusto niya ang mga iyon gayong isang tao lang naman ang nakakaalam nito.

Dumating ang araw ng prom at kinakabahan si Shanice sa paghihitay na sunduin siya ni SZ. Kahapon ay pinadalhan siya nito ng paborito niyang isaw at balut. Pero imbes na quotes ay isang mahabang love letter ang kaniyang natanggap at nakasaad din dito na susunduin siya nito sa kanilang bahay.

Pakatunog na pagkatunog ng doorbell ay kumalabog agad ang dibdib ni Shanice. Nanginginig ang kaniyang mga kamay nung buksan niya ang gate.

“I-Ikaw si SZ? Paano nangyari ‘yon, eh, nagsisimula sa Z ang pangalan mo hindi sa S?” Nagtatakang tanong ni Shanice nang abutin niya ang bulaklak mula sa mga kamay ni Zion.

“Alam kong corny pero gusto kong nakadikit ang pangalan ko sa pangalan mo. Dahil bata pa tayo para magpakasal hindi ko pa pwedeng ibigay ang apelyido ko sa iyo kaya SZ na lang, Shanice’s Zion. Ako na ang bahala sa supply mo ng isaw, kwek-kwek, betamax, chicharong balat ng manok, balut at kung anu-ano pa basta makuha ko lang ang matamis mong ‘oo’

Matagal na palang may pagtingin si Zion sa kaniya. Akala ni Shanice ay ang kaibigan niya ang nililigawan ni Zion. Iyon pala ay pinipiga nito ang kaibigan ng mga impormasyon tungkol sa kaniya upang magamit nito ang mga iyon sa panliligaw sa kaniya.

Laking pasasalamat ni Zion at Shanice kay Katherine dahil ito ang nagsilbing tulay para maging isa ang kanilang mga puso.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.