Iniligtas ng Kuya ang mga Kapatid sa Kapahamakan, Isang Misteryo Pala ang Mabubunyag

Isang gabing malakas ang ulan ay tinahak pa rin ng magkapatid na sina Elaine at Ruby ang daan palabas sa gubat. Pumunta sila doon para manguha ng mga kahoy na panggatong ngunit hindi nila napaghandaan ang malakas na ulang sumalubong sa kanila.

“Ate, makakauwi pa kaya tayo? Sobrang lakas ng ulan at ayaw tumila,” sabi ni Ruby.

“Basta huwag kang titigil sa paglalakad para mahanap na natin ang daan palabas,” wika naman ni Elaine sa nakababatang kapatid.

Sa lakas ng buhos ng ulan at pag-ihip ng malakas na hangin ay halos hindi na nila matandaan kung saan sila dumaan kanina. Sumabay pa ang maputik na daraanan nila.

Habang naglalakad ang dalawa ay hindi nila naiwasang matakot at kabahan dahil sa malakas na tunog ng kulog na dumadagundong sa kalangitan.

“Ate, natatakot na ako!”

“Ano ka ba, Ruby! Walang masamang mangyayari sa atin, basta magtiwala ka lang! Bagyo lang iyan!” sigaw ni Elaine.

Habang nasa bahay ay nag-aalala na ang kanilang inang si Aling Bering.

Advertisement

“Tonyo! Lalong lumalakas ang ulan dahil sa bagyo, baka kung ano na ang nangyari sa mga anak mo!” wika ng babae.

“Huwag kang mag-alala inay at ako na ang susundo sa kanila!” sagot ng nakatatanda nilang kapatid na si Homer.

“Hindi! Dumito ka na lang at bantayan mo ang inay mo! Ako na ang pupunta sa gubat!” sabi ni Mang Tonyo.

“Itay ako na po ang bahala! Kayo na ang maiwan dito ni inay, kaya ko po ang sarili ko!”

“Basta mag-iingat ka, anak ha?” ani Mang Tonyo.

“Opo!”

Sinagupa ni Homer ang malakas na ulan para sunduin ang dalawa niyang kapatid.

Sa gubat ay patuloy na naglalakad sina Elaine at Ruby at hinahanap ang daan palabas sa gubat.

Advertisement

“Ate, pagod na ako. Puro putik na rin ang mga paa ko!” maktol ni Ruby.

“Makakalabas din tayo dito, konting tiis na lang. Kung bakit pa kasi napakalas ng ulan na ito at ayaw tumigil, e!”

“Basang-basa na ako ate, giniginaw na rin ako sa lamig!”

Sandaling tumigil sa paglalakad si Elaine at mahigpit na niyakap ang kapatid.

“Pasasaan ba at makakauwi rin tayo, Ruby!” aniya.

“Ate, baka hinahanap na tayo nina itay at inay, huhu!”

“Sigurado namang gagawa sila ng paraan para mahanap tayo, kaya huwag ka nang mag-alala!”

Nang muling dumagundong ang napakalakas na kulog na may kasamang kidlat at iyon ay tumama sa malaking puno na nasa tabi nila.

Advertisement

“Ate, sa likod mo!” sigaw ni Ruby.

Buti na lang at nakaiwas sila kundi ay nabagsakan na sila ng malaking puno na tumumba dahil sa tama ng kidlat.

“Dyuskupo! Muntik na tayo dun!” wika ni Elaine.

Dahil sa takot na baka muling may bumagsak na kung ano ay dali-dali silang umalis sa kinatatayuan at ipinagpatuloy ang paglalakad.

Maya-maya ay biglang napasigaw ng malakas si Ruby.

“Ate, tulooong!”

Hindi namalayan ng dalagita na bumigay ang tinatapakan niyang lupa at nadulas siya sa bangin na naroon. Buti na lang at nahawakan siya ni Elaine sa braso at nakakapit sa malaking sanga kundi ay nagtuluy-tuloy ang kanyang pagkahulog.

“Kumapit kang maigi, Ruby! Huwag kang bibitaw!” sigaw ni Elaine.

Advertisement

“Ate, ayoko pang mamaalam sa mundo, huhu!”

“Hindi ka babawian ng buhay basta kumapit ka lang sa kamay ko at sa sanga!”

Sinubukan niyang hilahin paitaas si Ruby ngunit hindi niya magawa dahil may kabigatan ang kanyang bunsong kapatid.

Hirap na hirap na sa pagkakakapit si Ruby. Halos gusto na niyang sumuko at magpatihulog na lang sa bangin nang biglang may sumigaw…

“Hoy, anong ginagawa niyo diyan?” sigaw ng parating na lalaki.

Nang lingunin ni Elaine kung kanino nanggaling ang boses ay nakaramdam siya ng pag-asa.

“Kuya Homer?” aniya.

Kitang-kita ng binata ang hitsura ng dalawang kapatid. Namimilipit na sa hirap si Elaine sa patuloy na paghawak sa braso ni Ruby na nakahawak naman ang isang kamay sa sanga.

Advertisement

Nagmamadaling kumuha ng halamang baging si Homer. Makapal ang nahagilap niyang baging na itinali sa katawan ng makapal na puno.

“Ruby, kumapit ka sa baging, bilis!” sigaw ng binata.

Sinunod naman ng dalagita ang utos ng kanilang kuya. Kumapit ito sa baging habang pinagtulungang hilahin nina Homer at Elaine.

“Kuya, ate!, huhu!” iyak ni Ruby.

“Ligtas ka na! Huwag ka nang umiyak!” mahinang sabi ni Homer.

Itinuloy nina Elaine at Ruby ang paglalakad nang mapansing tumila na ang malakas na ulan.

“Hindi na umuulan!” masayang wika ni Ruby.

“Salamat sa Diyos at huminto na ang ulan!” sambit naman ni Elaine.

Advertisement

Bigla silang nagtaka nang biglang mawala si Homer na kasunod nilang naglalakad.

“Ate, nasaan si Kuya?”

“Oo nga ‘no! Kasunod lang natin siya kanina, e!

Maya-maya ay nakalabas na rin sila sa gubat at nakauwi sa bahay.

“Inay, itay narito na po kami!” sigaw ng magkapatid.

Masaya silang sinalubong at niyakap ng mga magulang.

“Si Kuya Homer po, nakarating na?” tanong ni Elaine.

“Hindi pa siya bumabalik. Pinuntahan niya kayo kanina sa gubat,” sabi ni Aling Bering.

Advertisement

“Nagkita po kami, kaso bigla po siyang nawala! Ang akala ko nga po ay nauna na siya dito!”

Nang isang malakas na sigaw ang bumasag sa kanilang pag-uusap.

“Mang Tonyo, Aling Bering! Si Homer po… nasa gubat!” sigaw ng isa nilang kapitbahay.

“Bakit anong nangyari sa anak namin?” tanong ni Mang Tonyo.

Hindi kumibo ang lalaki. Malungkot ang mukha nito na halatang mayroong hindi magandang nangyari. Agad nitong pinasunod ang mag-anak sa gubat. Laking gulat nila nang matagpuan sa kakahuyan ang wala nang buhay na katawan ni Homer na nabagsakan ng nabuwal na malaking puno.

“Kuya! Bakit mo kami iniwan!, huhu!” hagulgol nina Elaine at Ruby.

“Homer, anaak! Huhu!” hagulgol naman nina Aling Bering at Mang Tonyo.

Lumabas sa pagsusuri na halos limang oras nang walang buhay si Homer na ikinagulat naman ng magkapatid.

Advertisement

“Hindi maaari! Dahil tinulungan kami ni kuya nang muntik na akong mahulog sa bangin. Tandang-tanda ko nang bumalik kami sa bahay ay wala pang dalawang oras ang nakararaan matapos niya kaming iligtas.”

Kinilabutan si Elaine nang malamang yumao na ang kanilang kapatid nang mangyari ang pagliligtas nito sa kanila sa gubat.

“Diyos ko! Multo ni Kuya Homer ang tumulong sa atin, Ruby!” aniya.

“Salamat, Kuya Homer! Sa kabila ng lahat ay hindi mo kami pinabayaan!” mangiyak-ngiyak na sabi ni Ruby.

Kahit nailibing na si Homer ay hindi pa rin nila matanggap ang pagkawala nito. Hindi pa rin makapaniwala ang magkapatid sa nangyari sa kanila sa gubat. Napagtanto nila kung gaano sila kamahal ng kanilang Kuya Homer, na nagawan pa nito ng paraang mailigtas sila sa tiyak na kapahamakan kahit isa na lamang itong kaluluwa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!