Labis ang Pang-aalipusta ng Ama sa Kanyang Binabaeng Anak, Hindi Niya Inaasahang Ito ang Tutulong sa Kanya Sa Panahong Walang-Wala na Siya

Sa panahon ngayon, hindi pa rin ganap na tanggap ng ilan ang pagiging binabae ng ilang tao. Ganito ang ama ni Manolo na si Mang Ambrosio. Dalawampung tatlong taon na ngayon si Manolo, at ganoon na rin katagal na pinagmamalupitan siya ng ama dahil sa kaniyang kasarian.

“T*ng*na ka? Ilang paglulublob ba sa drum ang gagawin ko sa’yo hanggang matanggal ‘yang kabaklaan mo?!” Sigaw ng galit na galit na amang si Ambrosio habang nilulublob sa drum ang ulo ng anak na si Manolo.

“Papa! Tama na po!” Pagmamakaawa ni Manolo. Sa gabi, Mandy ang tawag sa kaniya ng mga kaibigan. Ngunit sa bahay, Manolo pa rin ang ginagamit niyang pangalan. Lalong nanggigigil si Ambrosio kapag naririnig ang pangalang Mandy.

Noon, madalas siyang ipagtanggol ng ina kapag inaalipusta ng kanyang ama. Ngunit magmula nang pumanaw ito noong siya ay katorse anyos pa lamang, lalo lamang tumindi ang pang-aapi ng matanda sa kanyang baklang anak.

“Tingnan mo ‘tong anak ko. Suklam na suklam ako ‘pag nakikita kong nakalipstick!” Madalas ginagawang katatawanan ni Ambrosio ang anak sa mga kainuman.

“Hoy, Manolo! Bakit hindi ka gumaya dito sa Kuya mong si Albert? Lalaking lalaki! Matigas! Ito lang dapat ang lahi na kumakalat sa atin. Nakakahiya ka!” Dagdag pa nito.

Palagi na lamang siyang kinukumpara sa kapatid niyang basagulero. Imbes na magalit, sa tuwing maririnig ni Mang Ambrosio na nanggugulpi ang anak sa kanto ay tuwang-tuwa pa ito. “Lalaking lalaki talaga! Anak ko ‘yan!” Pagmamalaki nito sa mga kainuman.

Isang araw, sumobra na ang pananakit ng ama ni Manolo. Nang makitang naka-wig, naka-lipstick, at naka-dress ang anak, agad nitong sinugod ang anak at iniuntog ang ulo sa mesa sa kanilang kusina.

Advertisement

“G*go! Kadiri ka!” Sambit ni Mang Ambrosio.

Tila hindi na nakapagpigil si Manolo. Punong-puno na siya sa ilang taong pang-aalipusta sa kanya ng ama. Kung tutuusin ay siya na lang ang bumubuhay sa kanilang mag-anak. Ang kuya niyang si Albert ay hindi nagtapos ng pag-aaral dahil mas gusto nitong tumambay lamang sa kanilang kanto, habang ang ama naman niya ay puro inom at paninigarilyo na lang ang alam kasama ang mga barkada.

Kinagabihan, naglayas na si Manolo. May maganda siyang trabaho dahil nagsikap siyang nagtapos ng pag-aaral noon. Alam niyang kaya niyang buhayin ang sarili niya.

Namuhay ng maayos si Manolo. Mandy na ang ginagamit niyang pangalan dahil sa wakas ay wala nang hahadlang sa kaniyang pangarap na maging babae. Nang makaipon, nakabili na rin ito ng iilang bahay at lupa at ginawang paupahan. Bukod pa dito, nakapagtayo rin siya ng ilang water refilling stations. Mahusay sa paghawak ng pera si Mandy kaya naman mabilis lumago ang lahat ng kaniyang negosyo.

Makalipas ang mahigit sampung taon, abalang-abala si Mandy sa bagong restaurant na ipinatatayo nang isang kilalang boses ang narinig nito.

“Manolo?” Tanong ng isang lalaki na pipilay-pilay kung maglakad.

Nang tingnan niya kung sino ang lalaki, laking gulat niya nang makita ang kaniyang kuya na si Albert.

“Kuya Albert?! Anong nangyari sa’yo, sa mga paa mo?”

Advertisement

“Wala e. Nakulong ako ng limang taon, dahil ‘yong nabugbog ko pala noon ay anak ng mayor sa lungsod. Mahirap ang buhay sa loob. May naka-away akong isang gang sa loob ng bilibid. Isang gabi, habang ako ay natutulog ay bigla nilang pinagdiskitahan na pilayin ang isa kong paa.” Malungkot na kwento ni Albert.

“Eh, ikaw? Kamusta? Ang ganda ng buhay mo ah. Mukhang ang laki-laki na ng ginhawa mo.” Nakangiti namang tanong ni Albert sa kapatid.

“Hindi naman Kuya. Nagsikap lang.” Tugon ni Mandy.

Hindi niya magawang sungitan ang kapatid dahil kahit basagulero ito ay hindi naman siya inaapi noon ng kanyang kuya. “Ano pala ang sinadya mo dito, Kuya?”

“Naghahanap kasi ako ng trabaho eh. Mahirap. Lalo na kapag nalaman nilang galing akong preso, agad nilang tinatanggihan ang application ko. Tapos dagdag pa itong pipilay-pilay kong kaliwang paa. May alam ka bang pwede kong pasukan?” tanong ng nakakaawang lalaki.

“Kuya, sa totoo lang next month magbubukas na itong restaurant ko. Kinakailangan ko ng mga tao. Kung gusto mo, pumasok ka dito. Pero kuya, kumusta na pala si papa?”

“Kaya nga ako naghahanap ng trabaho. Malala na si Papa. Dahil sa labis na pag-inom at paninigarilyo noong kabataan niya, ngayon e bumabalik na ang lahat sa kalusugan niya. Nasa bahay siya ngayon. Hindi ko magawang dalhin siya sa ospital dahil sa kakulangan sa pera. At Manolo, alam kong masama ang loob mo kay Papa. Kaya hindi kita masisisi kung hindi mo siya tutulungan. Naiintindihan ko.” Sambit ni Albert.

Totoong napakasama ng loob ni Mandy sa kaniyang ama. Naging napakalupit nito sa kanya dati. Pero dahil sa maganda ang loob niya, hindi siya nag-atubili at tinulungan ang ama. Agad niya itong pinuntahan sa bahay at awang-awa sa kalunos-lunos na kalagayan.

Advertisement

Nang lapitan niya ito, bigla itong nagsalita.

“Anak? Manolo? Ikaw ba ‘yan?” Mahinang sambit ng matandang ama na si Ambrosio.

“Opo, papa. Mandy na po ang tawag ng mga tao sa akin.”

“Ganoon ba? O sige, Mandy. Gusto ko lang sanang humingi ng tawad sa lahat ng pagkakasala ko sa iyo noon. Hindi ko dapat ginawang basehan ang kasarian mo noon. Patawarin mo ako, anak.” Umiiyak ang matanda.

“Tama na po, papa. Huwag na kayong umiyak. Kailangan na ninyong madala sa ospital.” Saad ng mapagpatawad na si Mandy. Natutunan niya ito sa butihin niyang ina.

Dinala niya agad sa isang pribadong ospital ang ama. Isinama na rin niya ang kanyang kuya upang maipaayos ang kaliwang paa nito. Matapos ay ipinalipat na niya ng tahanan ang dalawa sa isa sa mga apartment na pinauupahan niya. Naging mabuti ang ipinakita ni Mandy sa kabila ng pang-aalipusta ng kanyang ama noon.

Laking pasasalamat ni Mang Ambrosio at Kuya Albert kay Mandy. Nangako silang kailanma’y hindi na mang-aalipusta ng mga bakla.