Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Panahon Pa Ni Kopong-kopong! - Inday Trending

Panahon Pa Ni Kopong-kopong!

Isa sa pinangarap ni Mia ang maging isang nanay at nabigyang kulay nga ito nang makilala niya ang kaniyang mister ngayon na si Edward. Kahit na medyo may edad na silang pareho ay binigyan pa rin sila ng Diyos ng isang malusog na anak.

Nakapag-aral ng medisina si Mia ngunit dahil sa hirap ng buhay ay hindi na niya ito natuloy pa. Nagkasunod-sunod kasi ang trahedya noon sa kaniyang pamilya. Sabay na sumakabaling buhay ang kaniyang nanay at tatay dahil sa sunog kaya ngayon ay ang asawa’t anak na lang ang natitira niyang buhay na pamilya.

“Babe, gusto mo bang umuwi muna tayo ng probinsya? Kakapanganak mo pa lang. Para makapagpahinga ka rin,” saad ng kaniyang mister.

“Sino ang mag-aalaga sa akin doon? Nanay mo? E, alam mo naman na ayaw ko ng pahid o ano mang orasyon,” sagot ni Mia sa asawa.

“Nanay mo na rin si mama kaya tawagin mo siyang nanay. Pero, sige, ikaw ang bahala. Kung ayaw mo ay hindi kita pipilitin. Kapag may naramdaman kang masakit magsabi ka lang sa akin, ha,” malambing na wika ni Edward dito.

Kilalang manggagamot sa probinsya nila Edward ang kaniyang ina. Magaling itong manghilot at manggamot ng ilang mga sakit. May lahi raw kasing albularyo ang kanilang pamilya na siya namang labis na kinaaayawan ni Mia. Siya kasi ay mas naniniwala sa siyensya.

Pinalaki ni Mia ang kanilang anak nang mag-isa. Hindi siya pumayag na kumuha ng kasambahay dahil mas pinili muna niyang maging isang nanay. Nakapag-ipon na rin naman kasi siya sa edad na 33 anyos.

“Mama! napadalaw po kayo?” bati ni Mia nang magulat ito sa pagdating ng kaniyang biyenan sa kanilang bahay.

“Alam ko kasing kakapanganak mo lang at kailangan mo ng hilot, anak. Hayaan mong ibalik ko sa dati ang katawan mo,” pahayag agad ni Aling Bebe, ang nanay ni Edward.

“I’m good, mama! Magpahinga ka na lang. Hindi niyo na ako kailangang hilutin pa,” mabilis na sagot ni Mia sa ale.

“Sige, ang apo ko na lang ang hihilutin ko,” saad muli ng kaniyang biyenan.

“Ay, mama, hindi na po kailangan. Namamasahe ko naman si baby,” tanggi muli ni Mia. “Hindi niyo po kailangan na maghilot o ano pa man dito sa bahay. Magpahinga lang po kayo dito,” dagdag pa nito.

“Sabi kasi sa akin ni Edward ay kailangan niyo raw ako dito dahil wala pa kayong makitang kasambahay. Tsaka, anak, kailangan mong magpahinga kasi baka mabinat ka!” wikang muli ng kaniyang biyenan.

“Mama, nagti-take naman po ako ng mga vitamins tsaka hindi na uso ‘yung binat kasi dalawang buwan na rin naman ang lumipas simula nung makapanganak ako,” nakangiting pahayag ni Mia rito.

Hindi na lang sumagot ang kaniyang biyenan at pinuntahan na lang ang apo niya. Tsaka naman sinugod ni Mia ang kaniyang mister na naglilinis ng sasakyan.

“Bakit hindi mo man lang ako sinabihan na darating ‘yung nanay mo? Bakit pabigla-bigla? Tapos ang gusto pa hilutin ako, hilutin ‘yung anak mo. My goodness, Edward!” baling ng babae.

“Nanay natin. Tsaka hindi ko naman inaasahan na ngayon ang dating niya. Sabi niya sa akin ay sa susunod na linggo pa. Tsaka huwag mo nang alalahanin kung hilutin niya si baby. Magaling naman si mama sa ganiyan,” sagot naman ni Edward sa kaniyang misis.

“Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na ayaw ko ng mga orasyon, hilot or whatever na paniniwala niyo sa probinsya. Naiinis ako!” iritang sabi ng babae tsaka siya nagdabog.

Ngunit masusubukan ang babae nang bigla silang nilagnat ng kaniyang anak. Halos isang linggo na itong pabalik-balik at malaki na rin ang mga ginastos nila sa pagpapaospital.

“Hindi maganda na nilalagnat ka at ang bata. Sa tingin ko ay binat na iyang nararamdaman mo,” wika ni Aling Bebe.

“Ma, sa pagpapalit lang ito ng panahon. Maulan tapos mainit kaya ganito. Ayos lang po kami,” sagot ng babae.

“Hindi ka naman masasaktan sa panggagamot ko. Subukan mo lang,” saad muli ng biyenan.

“Ayos lang talaga ako, ma,” pahayag ni Mia.

At nagpabalik-balik pa rin ang lagnat ng babae at ng kaniyang anak. Sabi ng kaniyang biyenan ay may pilay daw ang kaniyang anak kaya pabalik-balik ang lagnat nito. Hindi naman naniniwala si Mia dahil alam niya sa kaniyang sarili na minamasahe niya ang bata na natutunan niya sa YouTube.

“Pagbigyan mo na si mama kahit isang beses lang. Wala namang mawawala sa atin kung maniniwala o susubok tayo sa herbal o hilot. Ako laki akong hilot at mga dahon-dahon pero wala namang masamang nangyayari sa akin,” pilit ni Edward sa kaniyang asawa.

“Panahon pa kasi ni kopong-kopong ‘yung mga ganiyan, Edward. 2017 na. Mas marami nang namamat*y sa maduming pagkain, contamination at kung anu-ano pa. Tsaka iba na ang panahon ngayon,” naiiritang sagot ng babae sa kaniyang mister.

“E, anong gusto mo? Magpapabalik-balik na naman ba tayo sa ospital o center? Tapos sasabihin lang sa atin ay viral ulit. Ano ba ‘yung ipahilot natin saglit si baby o ikaw? Kapag wala talagang nangyari ay hindi na kita pipilitin ulit,” pahayag muli ni mister sa kaniyang asawa.

“Ayaw ko. Tapos ang usapan!” baling muli ng babae. Sasabat pa sana si Edward pero nahinto na ang kanilang pagtatalo nang magising si baby Angelo. Bigla na lang itong nag-iiyak at sumisipa. Biglang titigas ang buong katawan at tsaka iiyak muli.

“Dalhin na natin si baby sa ospital! Ngayon na, Edward!” nagpa-panic na pahayag ni Mia.

“Kinakabag ang apo ko. Akin na at hihilutin ko,” sabi naman ni Aling Bebe.

Tinignan ng masama ni Mia ang kaniyang mister ngunit mas mabilis na nakuha ng ale ang bata.

“Mia, anak, alam kong hindi ka naniniwala sa mga ganito at galit ka rin sa mga pahid-pahid pero huwag kang mag-alala dahil hindi ko ipapahamak ang sarili kong apo,” sabi ng kaniyang biyenan.

“Kapag ang bata ay bigla na lang iiyak mula sa mahimbing na pagkakatulog at sumisipa pati na rin tinitigasan niya ang kaniyang katawan ay sinyales ito ng kabag. Tignan mo ang tiyan ng anak mo, maraming hangin,” dagdag pa nito tsaka marahang pinisil ng matanda ang tiyan ng bata at humagalpas ito ng iyak. Mabilis na pinahiran ng blessed oil ang tiyan ng bata at marahang hinilot ito ni Aling Bebe.

Laking gulat naman ni Mia dahil nakikita niyang nagiginhawaaan ang kaniyang anak at nakautot pa ito agad.

“Wow,” saad ni Mia.

“Walang masama sa ganito, anak. Sana minsan ay magpahilot ka rin sa akin dahil alam kong masakit ang likod at balakang mo pero hindi mo lang sinasabi. Isa pa’y hindi biro ang binat. Nakakabaliw iyan sa ating mga babae,” sagot naman ng matanda.

“Shit, paano niya nalaman ‘yun?” isip-isip ng babae.

Hindi nagtagal ay nakatulog ng mahimbing ang bata na siyang ikinagulat naman ni Mia. Agad ding bumaba ang lagnat nito tsaka pinagpawisan.

Hindi nagtagal ay nagpahilot na rin si Mia sa kaniyang biyenan at kahit papaano ay ginagalang na niya ang mga paniniwala nito. Wala ngang namang mawawala sa kaniya kung makikisama at maniniwala ng kaunti. Sa huli’y mas naging maayos silang pamilya ni Edward.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.