Prenong Hindi Natapakan, Pangarap ang Nasagasaan

Simula elementarya ay palaging nangunguna sa sa klase ang dalagang si Patricia at ngayong nasa kolehiyo ay patuloy niyang pinabibilib ang kaniyang mga magulang, maging ang ibang tao.

Paano’y bukod sa scholar na nga ang dalaga ay ilalaban pa s’ya ngayon para sa tagisan ng talino at debate kung saan makikita pa ang dalaga sa telebisyon.

“Alam mo Mareng Wilma, napakaswerte mo talaga d’yan sa anak mo ano? Mukhang nakuha nya lahat ng talino mo noong nag-aaral ka pa,” wika ni Rhea, kaibigan ng babae.

“Oo nga mare e, sabi nila matalino daw yung anak ko kasi nag-aaral pa ako noong pinagbubuntis ko siya. Kahit na hirap ako dati sa kanya sa pagbubuntis ay sobrang biyaya naman ang balik sa akin ngayon. Walang sakit sa ulo na binibigay iyan sakin,” saad naman ni Wilma, ang nanay ni Patricia.

“Sabi nga niya gusto daw niyang maging abogado kaya kahit mahal ay igagapang talaga namin mare, ngayon pa lang ay naghahanap na nga ako ng pwedeng mainegosyo pa dahil hindi na sapat ang sahod naming dalawang mag-asawa ngayon nagkokolehiyo na si Patricia,” dagdag pa nito.

“Kaya niyo yan mare, kapag naman nakapagtapos iyang anak niyo at maging abogado ay isang pitik na lang ang pera pag nagkataon,” sagot naman ni Rhea at saka nila sabay na pinapanuod sa TV ang dalagang si Patricia.

Wala na ngang mahihiling pa si Wilma sa kaniyang buhay. May mabait siyang asawa, matalinong anak, maayos na trabaho at masayang pamilya. Perpekto na ito para sa kaniya.

“Ma, may outreach program po kami bukas. Kailangan maaga kami sa eskwelahan kaya baka mga 3 am ay aalis na po ako dito sa bahay,” paalam ng dalaga sa kaniyang ina.

Advertisement

“Ganun ba anak? Sige ihahatid kita bukas,” saad naman ni Wilma dito.

“Hindi na mama, malaki naman na ako. Kaya ko naman na po ang mag-isa saka kasabay ko yung ibang kaklase ko bukas kaya hindi niyo po kailangan mag-alala,” sagot naman ni Patricia.

“Sige anak, ipaghahanda na lang kita ng mababaon mo,” wikang muli ni Wilma at nginitian niya ang anak.

Kinaumagahan ay mas nauna pang nagising si Patricia kaysa sa kaniyang nanay.

“Ma, aalis na po ako,” paalam ng dalaga sa kaniyang nanay na naalinpungatan at biglang bumangon.

“Teka anak, ipagluluto kita,” mabilis na sabi ni Wilma sa bata.

“Nakapagluto na po ako mama, kaya matulog na lang po kayo ulit at araw ng pahinga niyo ngayon. Magpahinga muna kayo ni Papa habang walang pasok sa trabaho,” malambing na pahayag ng dalaga saka nya hinalikan sa kaniyang nanay.

Napangiti naman si Wilma at bumalik ito sa kanyang pagtulog. Lumipas ang apat na oras ay nagising na ang babae ngunit hindi muna siya bumangon at niyakap muna ang kanyang mister.

Advertisement

Maglalambing pa sana ito kaya nga lang walang tigil ang tunog ng kanyang telepono.

“Hello sino ‘to?” galit na tanong ni Wilma sa linya.

“Hello Mommy Wilma, si Teacher Agnes po ito ang adviser ni Patricia, nasagasaan po ang anak niyo at papunta na kami ngayon sa ospital, ” sabi ng nasa kabilang linya.

Saglit na hindi nakapagsalita si Wilma at nanlamig ang kanyang buong katawan.

“Mommy Wilma, hello po?” saad pa ng babae sa linya.

“Buhay pa po ba ang anak ko?” tanong ni Wilma.

“Hindi rin po namin alam mommy kaya pupunta na po kami, doon na lang po tayo magkita,” pahayag ng guro.

Pakiramdam ni Wilma ng mga oras na iyon ay wala na siyang buhay, para siyang lumulutang sa ere at walang marinig. Agad silang nagpunta sa ospital at naabutang walang malay ang dalagang si Patricia, may benda ang ulo, bali ang kamay at tuhod. Isang malagim na gabi para sa babae.

Advertisement

Napahagulgol lamang si Wilma sa sama ng loob, nakatakbo kasi ang nakasagasa kay Patricia kaya wala silang masisi o maipakulong man lang.

Lumipas ang halos dalawang lingo sa ospital, kasama ng pagdarasal at pananalig na isang mabilis na trahedya lamang itong dadaan sa kanila. Kaya lamang mas lalo pang tumindi ang kanyang luha ng kausapin sila ng doktor.

“Ayos na man na po ngayon si Patricia, makakagalaw na siya at pwede niyo nang maiuwi. Kaya lamang ay nagkaroon po siya ng tinatawag nating post traumatic amnesia, dahil po kasi sa tindi ng pagkabagok ng ulo niya kaya ganoon. Kung mapapansin po ninyo ay bumagal ang pagsasalita ng bata at sa mga susunod na araw ay baka magtaka kayong hindi na niya matatandaan pa ang mga nangayayari. Ayon sa ginawa naming test ay tatagal lamang ng tatlong minuto ang kaniyang memorya,” paliwanag ng doktor.

“Dok, hindi naman po pwede ‘yan. Matalino po ang anak ko saka isang basa niya lang ay matatandaan na niya lahat kaya nga mag-aabogado daw siya,” baling ni Wilma.

“Naiintindihan po namin na mahirap tangapin ito pero may mga therapy naman na pwede niyang makuha upang bumalik sa dati,” sagot ng doktor at umalis na ito.

Walang nagawa si Wilma at umuwi na lamang sila, kasama ng kaniyang anak na si Patricia. Para bata muli kung magsakita ang kaniyang anak, mabagal ito at paputol putol.

“Ma-ma, saan ta-yo pun-ta?” tanong ni Patricia.

“Anak hindi ba sinabi ko na sayo na uuwi na tayo kasi galing tayo sa ospital,” sagot ni Wilma at naiiyak pa ito.

Advertisement

“Ba-kit ta-yo ga-ling sa os-pital?” tanong muli ni Patricia sa kaniyang ina. Imbes na sumagot ay niyakap na lang niya ang anak. Totoo nga ang sabi ng doktor, hanggang tatlong minuto na lang ang tinatagal ng natatandaan ni Patricia.

Nanlumo si Wilma sa buhay. Naging mainitin ang ulo niya at galit na galit siya sa Diyos. “Bakit kailangan subukan mo kami ng ganito kahirap ng anak ko? Bakit ha? Wala naman akong ginagawang masama sayo pero ito ka ngayon pinaparusahan mo ako! Napakalupit mo, wala kang kwenta, wala kang basehan,” umiiyak na sinasabi ni Wilma habang nakatingin ito sa kanilang altar.

“Ma-ma, hu-wag ka na umi-yak. Ma-lalam-pasan rin na-tin i-to,” saad ni Patricia.

“Hu-wag ka mawa-lan pag-asa ma-ma,” dagdag pa nito.

Mahirap man ngunit nagpakatatag si Wilma dahil nakikita niyang hindi sumusuko ang anak kahit na hirap na hirap na ito. Nagsimula silang muli na para bang nagpalaki siya muli ng anak, inililista din nila ang lahat upang nababalikan ito ni Patricia at nagtherapy din ang dalaga.

Lumipas ang dalawang taon at bumalik muli ang sigla ni Patricia, bumilis na rin ang kaniyang pagsasalita at kahit papaano’y mas natatandaan na niya ang mga bagay-bagay.

“Mama, sabi ko naman sayo magiging okay rin ang lahat. Hayaan mo at magiging abogado pa rin ako kasi wala namang binigay na pagsubok ang Panginoon na hindi natin kinakaya,” wika ni Patricia.

Napaluha na lang muli si Aling Wilma dahil milagro niyang matuturing ang paggaling ng anak at mas humanga pa siyang muli dito dahil kahit na minsan ay hindi ito nawalan ng pananalig sa itaas. Ngayong nasa ganitong silang estado ng buhay ay mas natutunan niyang mas magtiwala sa Diyos dahil nauna pa rin daw ang Panginoon kaysa sa siyensya.