Walang Konsensiyang Tinakbuhan ng Lalaki ang Batang Nabundol Niya, Ito ang Magiging Dahilan Kung Bakit Hindi Matutuloy ang Kanyang Kasal

Matapos ang mahigit walong taong paghihintay, sa wakas ay ikakasal na ang magkasintahang si Charlene at Raymond. Labis ang pagmamahal ng binata kay Charlene dahil para sa kanya’y siya na ang pinaka-perpektong babae sa balat ng lupa. At bago magpatali sa dalaga, pinilit si Raymond ng kanyang mga kabarkada na mag bachelor’s party muna habang binata pa ito. Alam nilang kapag kasal na ang kaibigan ay mahihirapan na silang hagilapin ito.

Nag-inuman ang magbabarkada, at dahil tapat naman sa kasintahan si Raymond ay agad niyang tinanggihan ang alok na babae ng kaniyang mga barkada.

“Pre! Bilang na ang mga araw mo na malaya. Last mo na ‘to, tikman mo na!”, kantyaw ng isa niyang kaibigan habang hinihili ang isang babaeng halos hubo’t hubad na upang magsayaw sa harap ni Raymond.

“Ayoko, pre. G*gong ‘to! Ginaya mo pa ko sa’yo. ‘Di ko kailangan niyan”, mariing pagtanggi ng binata. Nakaramdam na rin siya ng pagkalasing nang maalalang kailangan niya munang saglit na dumaan sa sastre na gagawa ng kanyang damit sa kasal.

“Nako! Nakalimutan ko. May dadaanan pa ako. Lagot ako kay Charlene ‘pag ‘di ko sinipot yung sastre nila. Ngayon lang daw pwede yun e”, at kahit ayaw siyang paalisin ng mga kabarkada’y nagmaneho pa rin ito habang nakainom.

Habang nagda-drive, itinext ni Raymond ang kasintahan.

“Babe! PapNTa n a koo dn. Nsdnon ns ba si manang?” tanong ng binata na lango na nga sa alak ay nakayuko pa upang mag-text. Hindi na halos maunawaan ang mensahe nito.

Agad namang tumawag si Charlene dahil naramdamang lasing ang kasintahan dahil sa pamali-mali nitong pagta-type.

Advertisement

“Ano ka ba, babe? Lasing ka ‘no? Ok lang naman uminom ka, kaso nagda-drive ka. Baka kung ano…” hindi na natapos ni Charlene ang sasabihin ng makarinig ng malakas na kalabog na tila may bumunggo sa kanyang mapapangasawa.

“ANO ‘YON? RAYMOND? ANONG NANGYARI? RAYMOND!” paulit ulit na sigaw ng dalaga dahil hindi sumasagot ang binata.

“Uhhh. Umm… Babe, ok lang ako. Nabunggo ko lang yung island dito sa highway. Promise, ok lang ako. Tawag ako mamaya ha. I love you, my future wife!” paglalambing pa ni Raymond sa asawa. Nauutal itong magsalita ngunit agad namang naniwala si Charlene na ayos lang ang binata.

Nang maibaba ang cellphone, nanginginig pa rin ang laman ni Raymond. Hindi sinasadyang nakabunggo siya ng isang binatilyo na tumatawid sa kalsada. Nasa pedestrian lane ito kaya hindi niya masisi ang binatilyo na nasa maling tawiran ito. Nakahinto lamang ang sasakyan ni Raymond habang nag-iisip siya kung ano ang gagawin.

“Pakshet naman! Malas! Gagong ‘to, buti walang tao rito. Bahala ka d’yan” nakita ni Raymond na gumagalaw at humihinga pa ang binatilyo, hindi na niya makita ang itsura nito dahil balot na balot na ng dugo ang buong katawan nito. Agad niyang naisip na kapag bumaba siya upang tulungan ang nasagasaan, maaari pa itong magsampa ng kaso sa kanya. At kapag nasampahan ng kaso, nakatitiyak siyang hindi na ibibigay ng Papa ni Charlene na isang pulis ang mga kamay nito sa kanya. Sigurado siyang kaperwisyuhan lang ang idudulot kung tutulungan pa niya ito.

Agad na tumakbo ng matulin papalayo si Raymond. Laking pasasalamat niya na walang katao-tao sa lugar na iyon kaya’t walang makakapag-testigo laban sa kaniya.

Bago magpasukat sa sastre, agad munang umuwi si Raymond upang linisin ang dugo sa unahan ng kanyang kotse. Kinabukasan, tumawag sa kaniya ang umiiyak na si Charlene.

“Babe! Please, pumunta ka rito. Hindi muna matutuloy ang kasal! Si Patrick… Si Patrick…” hindi matuloy tuloy ng babae ang kanyang sinasabi dahil sa labis na pag-iyak. Si Patrick ang bunsong kapatid ni Charlene na labis niyang inaalagaan magmula pa noong bata siya.

Advertisement

“Ha?! Bakit hindi? Anong mayroon kay Patrick? Nasaan ba kayo?” sunod-sunod na tanong ni Raymond. Alalang-alala ito sa nobya.

“Wala na si Patrick! Please! Pumunta ka na rito sa bahay! Kailangan kita!” nagsusumamong si Charlene. Ramdam ni Raymond ang hinagpis sa puso ng pinakamamahal.

Agad namang nagtungo si Raymond sa bahay ng kasintahan. Doon niya nakitang naka-lamay na ang katawan ni Patrick. Agad nitong niyakap ang kasintahan at nagtanong ng mga detalye.

“May demonyong sumagasa sa kapatid ko! Hahanapin ko siya. P*tang na niya! Walang konsensiya! Sabi ng doktor, dahil lang daw sa labis na pagdudugo kaya namatay ang kapatid ko. Kung naisugod sana siya sa ospital, hindi sana nangyari ito!” sigaw ng galit na galit na ate.

Nanindig ang mga balahibo sa buong katawan ni Raymond. Nang marinig niya kung saan natagpuan ang katawan ni Patrick, tila gumuho ang mundo nito. Si Patrick pala ang binatilyong nasagasaan niyo kagabi noong siya ay lasing at pabayang nagmamaneho. Hindi man lang niya tinulungan dahil hindi niya ito namukhaan.

Hindi makapagsalita si Raymond sa takot na layuan siya ng kasintahan kapag nalaman nito ang katotohanan. Kaya nung mga oras na ‘yon ay desidido siyang huwag sabihin kay Charlene ang anumang nangyari noong gabing iyon. Pinag-iisipan na niya ang mga alibi na ibibigay kung saka-sakaling mapagbintangan siya.

“T*ngina mo! Hayop ka. Hulihin n’yo ang demonyong ‘yan!” gulat na gulat si Raymond nang marinig ang ama ni Charlene na sumigaw sa kanya ng ganoon. Nanlilisik ang mga nito habang nakatingin sa kanya. Napansin niyang may hawak itong CD.

“Papa? Ano na naman? Bakit?! Anong ginawa ng mapapangasawa ko?!” tanong ng litong litong si Charlene.

Advertisement

“Hindi mo mapapangasawa ‘yan! Sagad sa buto ang kademonyohan niyan!” agad niyang pinosasan ang binata sa tulong ng mga kasamahang pulis.

May matibay pa lang ebidensya na nakalap sa pinangyarihan ng krimen. Hindi alam ni Raymond na mayroong dalawang CCTV ang nasa kalsadang iyon, at huling huli sa akto ang pagsagasa at pag-iwan niya sa kawawang binatilyo.

Nang malaman ito ni Charlene, hindi lang pag-urong sa kasal ang ginawa nito. Pinaghahampas niya ito ng dos por dos na nasa presinto. Kung tutuusin ay kulang pa ito sa ginawa ng binata.

“Babe! Sorry! Hindi ko sinasadya. At hindi ko alam na si Patrick ‘yon! Kung alam ko lang e di sana tinulungan ko”, paliwanag ni Raymond habang siya ay nakaposas.

“G*go! Baluktot ka pala talagang mag-isip ‘no? So kung ibang tao ‘yon, ayos lang sa’yo? Demonyo ka! Pasasalamat ko na rin sa kapatid ko dahil naging kasangkapan siya upang hindi ako ikasal sa katulad mo. Kriminal!”, dinuruan pa ni Charlene ang dating mahal na mahal na nobyo. Hindi niya kayang patawarin ang lalaki sa ginawa nito.

Nagluksa naman ang pamilya ni Charlene sa pagkawala ni Patrick, at matapos ang dalawang napakahirap na taon ay kahit papaano’y natutunan na nilang tanggapin ang sinapit ng kapatid. Nakuha naman nila ang hustiya nang nahatulan ng panghabambuhay na pagkakulong si Raymond sa salang pagpatay.

Natutunan ni Charlene na kilalaning maigi ang isang tao bago ito sagutin bilang nobyo, at natutunan naman ni Patrick na ang pagmamaneho ng lasing ay kailanma’y hindi naging tama.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.