Walang Awang Dinaya ng Lalaking Ito ang Pobreng Tindero ng Isda; Matindi Tuloy ang Naging Balik ng Karma sa Kaniya

“Dy, gusto ko ng galunggong na may kamatis. Yung may kapartner na sinangag na pagkarami-raming bawang. Oh my! Kinikilig ako!” Saad ng buntis na misis ni Benny na si Jel.

“Hay, Diyos ko… Ito na naman si kumander.” Wika ni Benny sa kaniyang sarili.

Upang wala na lamang away ay nagmamadaling sumugod sa palengke si Benny. Hindi nito alintana ang malakas na ulan.

“Kung may ekstrang pera lang sana ako para makabili ng bisikleta, hindi ako hirap na hirap tuwing may ipapabili si buntis. Pero saka na iyon. Ang dami pang gastos lalo na kapag nakapanganak na si Jel.” Saway niya sa sarili.

“Tatang, isang kilo nga hong galunggong. Sariwa ba iyang mga ‘yan? Baka ako ang panggigilan ng misis kong buntis kapag bilasa iyan.” Wika niya habang tinitiklop ang basang payong.

“Oo naman, ‘nak. Apo ko pa mismo ang nanghuhuli niyan sa madaling araw. Basta ang payo ko sa iyo, huwag kang bibili ng isda sa hapon para masiguro mong sariwa. Kasi ang mga galunggong lumalabas lang iyan sa madaling araw bago sumikat ang araw.” Pagbibiro ng matanda kay Benny.

“Oh sige ‘tay, ang galing mong mag joke e, idol na kita kaya’t sige… Dalawang kilo na. Para bang apo mo si Bayani Agbayani kung magpatawa ka.” Natatawang wika ni Benny.

“Aba, paano mo nalamang Bayani ang pangalan ng apo ko? Ang husay! Magkakasundo tayo!” Pagsasakay sa biro ng matandang lalake.

Advertisement

Hagalpak naman sa katatawa si Benny.

“Alam mo, hijo… Huwag kang mapipikon sa anumang hiling ng asawa mo… Buntis e! Isa pa, suwerte iyan. Lubos-lubusin mo na! Payo ng tindero.

Agad namang inabot ng matanda ang mga galunggong na nakasilid sa plastik.

“O ito may libre pang dalawang piraso para sa inyong baby.” Nakangiting sambit nito.

Tuwang-tuwa naman si Benny sa matanda ngunit tinanggihan nito ang dalawang libreng isda dahil nahahabag ito sa tindero. Sa labas nga lamang ito ng palengke nagtitinda, siguro’y wala itong pang-upa ng puwesto.

“Isama niyo na ho iyan sa paninda niyo. Mga ilang guhit din ho iyan. Baka malugi kayo. Maraming salamat ho.” Sabay abot ng limang daan sa manong.

“Buntis, ito na ang pangarap mong galunggong. Ihahanda ko na, boss madam. Maupo ka lang diyan.” Masayang bungad ni Benny kay Jel.

“Dy, pahingi nga ako ng bente. Bibili lang ako ng juice sa tindahan.” Wika ni Jel.

Advertisement

“Ang lakas ng ulan! Huwag ka nang lumabas ng bahay. Teka, ako na ang bibili.” Agad dumukot si Benny sa bulsa. Pagbilang niya ng pera’y nanlaki ang mga mata niya.

“Aba, isa, dalawa, tatlong libo… Naku, si manong! Nagkamali sa pag-abot ng sukli! Akala niya siguro’y isang daan itong isang libo!”

“Ha!? Ibalik mo na kaagad ‘yan, dy! Kawawa naman yung tindero ng isda!”

Agad namang dinampot ni Benny ang payong at iniabot kay Jel ang siyanse upang ipagpatuloy nito ang pagpiprito ng isda.

“Pre! Baka bet mo to oh? Ang ganda ‘no? Tatlong libo na lang! Shimano mountain bike iyan, imported pre! Isinangla sa akin ni Pareng Romnick kaya lang e binungangaan ako ni misis. Nagalaw ko kasi iyong pambayad ng kuryente. Masakit man sa loob ko pero dehins pwede baka makatay ako ni Mareng Nelia mo.” Wika ng kumpare nitong si Cesar.

Pinagpawisan naman ng malagkit si Benny. Tila sinusubok siya ng tadhana.

“Ah… Pre… Bilangin ko muna pera ko… Pero kasi….” Nabubulol na saad ni Benny.

“Diyos ko, pre. Para kang tumama sa scratch it dito. Tignan mo sa kompyuter kung magkano ang Shimano mountain bike.”

Advertisement

Agad inilabas ni Benny ang cellphone at tinignan sa internet kung magkano ang halaga ng ganoong klase ng biskleta. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang mga nasa bente hanggang singkwenta mil ang presyo nito.

“Pre, bakit di mo na lang ibenta?” Saad ng nauutal pa ring si Benny.

“Ang hirap magbenta, pre. Ngayon na disconnection namin. May nagpunta na ngang taga-Meralco sa bahay kaya nga tinalakan ako ni Nelia. Bilhin mo na lang tapos ay ibenta mo.”

Tila na sales talk si Benny at agad na pumayag sa pag-iisip na ibebenta niya na lamang ang bisikleta at pasosobrahan na lamang ang isasauling pera sa matanda.

“Tatay, sorry po. Ibebenta ko na lang muna ito pagkatapos ay babawi ako sa iyo.” Bulong ni Benny sa hangin na tila kinakausap ang matanda.

“Ano pre, sino kausap mo?” Nagtatakang saad ni Cesar.

“Wala pre, sige ito na yung tatlong libo mo.”

Agad niyang ipinatago ang bisikleta sa kapitbahay na si Rodel upang hindi mabuking ni Jel.

Advertisement

“Dy, nagpapasalamat ako sa Diyos kasi kahit di tayo mayaman mga tapat naman tayong tao. Proud na proud siguro ang baby natin sa tiyan ko, ano? Ano’ng sabi ng tindero sa ‘yo? Laking pasasalamat siguro niya dahil tayo ang napasobrahan niya ng sukli.” Masayang saad ni Jel.

Pinagpawisan naman ng malagkit si Benny at iniba na lamang ang usapan.

“Oh, siya. Maghugas ka muna ng plato para hindi manasin iyang paa mo. Ako na ang bahala sa lahat ng gawaing bahay.” Wika niyang nauutal-utal pa.

Nang makatulog si Jel ay agad kinuhanan ng litrato ni Benny ang mamahaling mountain bike at ipinost sa buy and sell.

Dumaan ang tatlong lingo at wala ni isang nagka-interes dito. Hanggang ngayo’y hinahabol pa din siya ng kaniyang kunsensya.

Maya-maya’y may kumakatok sa kanilang pintuan at narinig niya ang tinig ng asawa. Nagising ito sa lakas ng katok.

“Ho? Anong bisikleta? Wala hong bisikleta ang asawa ko. Hindi nga kami makabili dahil nagtitipid kami. Kita ninyong manganganak na ako.” Pagtataray ni Jel sa mga antipatikong tanod.

Halos parang aatakihin sa puso si Benny sa narinig.

Advertisement

“Jel, patawarin mo ako. Hindi ko ibinalik ang pera sa tindero ng isda. Sa halip ay ipinambili ko iyon ng bisikleta.”

Gulat na gulat ang asawa at nag-iiiyak na ito. Ngayon ay aarestuhin si Benny sapagkat nakaw pala ang bisikletang binili niya kay Cesar.

Nang puntahan ng barangay ang bahay ni Cesar ay walang katao-tao doon. Mukhang nakatunog na ito. Walang naniniwala sa kuwento ni Benny.

Napag-alamang magnanakaw pala si Cesar at napakarami na nitong nabiktima sa katabi nilang executive subdivision.

Mabuti na lamang at naging saksi ang kapitbahay nilang si Rodel at sinuportahan ang kuwento nito ukol sa kung paano napunta sa mga kamay niya ang bisikleta.

“Pahiyang-pahiya ako sa ‘yo, Benny! Wala na akong maipagmamalaking asawang tapat at mapagkakatiwalaan! Paano pa kita mapagkakatiwalaan sa malalaking bagay kung sa bisikleta na nga lang ay nagawa mo pang magsinungaling sa akin!?” Tumutulo ang luhang wika ni Jel.

Pahiyang-pahiya naman si Benny sa kaniyang sarili. Labis ang pagsisisi nito sa kaniyang nagawa.

Kinabukasan ay agad na nagtungo ito sa palengke ngunit wala na doon ang matanda.

Advertisement

“Wala na si Tatang diyan. Kinuha na ng anak niya papuntang Canada. Ewan ko ba sa matandang iyon kung bakit nagtitiyagang magbenta pa ng isda samantalang napakayaman naman. Balita ko pa’y nananadya itong magpasobra ng sukli lalo na sa mga suki niyang may mabubuting puso. At kapag nagbalik ng sukli’y binibigyan niya pa ng reward baga ang mga iyon dahil may busilak at tapat daw na puso. Nakakatawa nga e, parang wala na lang magawa sa buhay si tatang. Sayang at nahuli ka na, kung kahapon mo sana isinauli ang sobrang sukli ay di sana’y may hawak ka nang limpak limpak na pera ngayon.” Saad ng aleng nagtitinda ng mani sa labas ng palengke.

Lugmok na lugmok na umuwi ng bahay si Benny. Pagdating doo’y nakabusangot na mukha ng buntis na asawa ang kaniyang nadatnan.

Kung ikaw ang nasa posisyon ni Benny, isasauli mo ba ang sobrang sukli sa matandang tindero ng isda?