Bumalik ang Magkapatid na OFW sa Kanilang Bahay na Ginawang Imbakan ng Ina; Sa Pangongolekta Pala ng mga Kasangkapan Niya Inilabas ang Kaniyang Kalungkutan

Labinlimang taon na ang nakakaraan nung huling tumapak ng Pilipinas ang magkapatid na OFW na sina Lupita at Andres. Namasukan sila bilang mga nurse sa isang ospital sa London.

Noong huling bisita nila ay noong sumakabilang buhay na ang kanilang ama. Ngayon na hindi na kalakasan ang kanilang ina ay naisipan nilang dito na lang magtrabaho nang sa ganoon ay masubaybayan nila ng husto ang kanilang ina.

“Hindi alam ni mama na uuwi tayo ngayon, hindi ba?” tanong ni Andres sa kapatid.

“Hindi ko sinabi sa kaniya kaya walang susundo sa atin. Didiretso na ba tayo sa probinsya o maghohotel na muna tayo?” balik tanong ng babae.

“Bukas na lang tayo lumuwas,” sagot ni Andres.

Madaling araw nang lumuwas ang magkapatid. Madilim pa ang kalangitan nang marating ng dalawa ang kanilang tirahan. Tahimik nilang sinusian ang pinto. Nung sinubukan na itong itulak ni Lupita ay ayaw nitong bumukas.

“Sa likod na lang tayo dumaan. Mukhang sira ata ‘yung pinto,” sabi niya kay Andres.

Ang balak ng magkapatid ay sorpresahin ang kanilang ina pero mukhang ang ina nila ang may malaking sorpresa sa kanila.

Advertisement

“Sigurado ka bang dito tayo nakatira? Mukha itong lumang bodega na ano mang oras ay guguho na. Kailan pa naging imbakan ng mga gamit ang bahay natin? Hindi mo talaga mabubuksan ang pinto sa harap sa dami ng gamit na nakaharang,” wika ni Andres nung ilibot niya ang kaniyang mata pagkapasok na pagkapasok nila sa loob.

Napatalon sa gulat si Lupita nang may kumalabog sa isa sa mga kwarto. Sinundan ito ng malakas na hiyaw ng kanilang ina. “Mama, ikaw ba ‘yan? Nasaan ka? Anong nangyari sa’yo?” Sunud-sunod na tanong ni Lupita.

Matapos nilang suuingin ang kabundok na mga muwebles, kasangkapan, patong-patong na mga mabibigat na kahon na hindi nila mawari kung ano ang laman at kung anu-ano pa ay narating din nila ang kinaroroonan ng kanilang ina na natatabunan ng maraming gamit.

Tinulungan nila ang kanilang ina. Nang masiguro nilang ayos lang ang lagay nito ay tsaka nila ito inusisa.

“Anong nangyari dito sa bahay natin? Nagmukhang imbakan ng mga basura,” tanong ni Andres.

“Eh, simula nung iniwan na ko ng tatay niyo, eh, iyan na ang naging libangan ko. Itago ang mga bagay na may sentimental value sa’kin. At dahil wala rin kayo dito inilihis ko na lang ang kalungkutan ko sa pagbili at pag-ipon ng mga gamit na nagustuhan ko kahit di ko naman gagamitin,” malungkot na paliwanag ng ina.

“Hindi pwede ang ganito, mama. Masama iyan sa kalusugan. Isa pa wala nang pwestong gagalawan. Ngayong araw rin na ito ay hahanap tayo ng bahay na marerentahan. Kunin niyo lang yung gamit na kailangan niyo,” sermon ni Lupita.

“Kailangan din nating maumpisahan agad ang paglilinis ng buong bahay kung dito pa rin natin balak tumira,” dagdag ni Andres.

Advertisement

Nang makahanap na sila ng pansamantalang tutuluyan ay bumalik sila sa bahay para umpisahan ang pagsasalansan ng mga gamit. Iyong mga gamit na binili ng ina ngunit wala namang paggagamitan ay pinagsama-sama nila sa mga kahon para ibenta. Yung mga lumang gamit naman na maayos pa pero hindi na nila gagamitin ay ibibigay na lang nila sa mga taong nangangailangan. Yung iba naman na mahalaga sa pamilya ay inipon nila para dalhin sa bahay na nirerentahan nila.

Habang nag-aayos ng mga gamit ay biglang nagtatakbo si Lupita habang tumitili nang tumitili ng malakas palabas ng bahay. Nabulabog niya ang lungga ng daaang-daang ipis, gagamba at butiki sa pinagsasalansan niyang pwesto kaya sabay-sabay na nagsilabasan ang mga ito.

“Parang iyon lang! Akala mo hinahabol ka ng multo,” biro ni Andres habang tumatawa.

“Hanggang ngayon pa rin pala takot ka sa mga insekto,” dagdag ng ina.

“Ang dami kaya nila,” reklamo ni Lupita.

Maya-maya ay sina Andres at ang nanay nila naman ang nagtatalon sa gulat bago nagtatakbo palabas ng bahay habang hinahabol ng isang batalyon ng mga daga.

“Hanggang ngayon din pala takot pa rin kayo sa daga,” ganting pang-aasar ni Lupita.

Inabot din ng ilang araw bago tuluyang napaghiwa-hiwalay ng tatlo ang lahat ng mga gamit sa dapat nitong kalagyan. Ang natitirang gamit na lang sa loob ng bahay ay yung mga kasangkapan na gagamitin pa nila. Ang tanging natitirang gawain ay ang paglilinis ng buong kabahayan.

Advertisement

“Bukas na lang tayo maglinis. Pagod na ako. Magpahinga na muna tayo,” suwestiyon ng ina.

Kinabukasan ay masayang nagkwekwentuhan ang mag-iina habang pabalik sila sa bahay pero napanganga ang tatlo sa kanilang nadatnat. Gumuho na ang bahay. Matagal na palang mahina ang pundasyon nito. Ang tanging dahilan kaya nananatili pa rin itong nakatayo ay ang mga kagamitan na nagsisilbing suporta ng pundasyon ng bahay. Ngayon na wala na ang mga ito ay tuluyan nang bumigay ang bahay.

“Mukhang kailangan nating magpatayo ng bagong bahay. Buti na lang may ipon tayo,” wika ni Andres.

“At kailangan na rin nating bumili ng mga bagong kagamitan,” dagdag ni Lupita.

“Buti na lang wala tayo sa loob nung gumuho ang bahay,” pasasalamat ng ina.

Nung naitayo na ang bagong bahay ay masayang lumipat ang tatlong sa bago nilang tirahan. Dahil dito na sa Pilipinas magtatrabaho ang magkapatid ay mas masusubaybayan na nila ang kanilang ina. Nahinto na rin sa pangngongolekta ng mga kasangkapang hindi naman gagamitin ang ina dahil wala ng dahilan para siya ay malungkot. Kasama na niya ulit ang kaniyang mga anak.