Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Asawa Mo Kapalit ng Trabahong Inagaw Mo! - Inday Trending

Asawa Mo Kapalit ng Trabahong Inagaw Mo!

Nang marinig na naghahanap ng mapapasukang trabaho ang matalik na kaibigan ni Catherine na si Malou, naisipan niyang ipasok ito sa kompanyang kanyang pinagtatrabahuhan. Palibhasa ay mayroon silang perang matatanggap sa tuwing makakapagpasok sila ng bagong empleyado.

“Malou! Balita ko’y naghahanap ka raw ng trabaho? Aba’y sa amin ka na lang pumasok. Madali lang naman ang mga tawag na natatanggap namin. Magaling ka naman mag-english e!” alok ni Catherine kay Malou nang minsan sila’y magkasalubong sa palengke.

“Talaga? Sa tingin mo ba’y kaya kong pumasok sa call center ninyo? Kinakabahan akong sumubok e. Wala pa akong experience sa ganyang trabaho,” kinakabahang sagot ni Malou.

Magmula kasi nang magbuntis siya ay hindi na siya pinagtrabaho ng asawa niyang si Markus. Ngunit ngayo’y lumalaki na ang anak nila’y naisipan niyang sumubok magtrabahong muli upang makatulong sa lumalaki nilang gastusin. Kaya naman kinabukasan din ay sumabay na siya sa pagpasok ni Catherine at nag-apply sa nasabing trabaho.

Dahil may angking galing si Malou sa pagsasalita ng Ingles, bukod pa rito ay may natural na karisma ang babae sa pagsasalita kaya naman sa parehong araw ng pag-aapply ay agad siyang natanggap sa trabaho. Laking tuwa naman ni Catherine dahil agad niya ring makukuha ang sampung libong pisong referral fee dahil sa pagrereto niya kay Malou.

Noong una ay masaya pa si Catherine dahil may kasabay na siya sa pagpasok at pag-uwi mula sa trabaho dahil halos magkapitbahay lamang sila ni Malou. Ngunit kinalaunan ay napuno na ng inggit at inis ang kanyang puso dahil sa galing na pinapakita nito sa trabaho, na madalas ay napapansin na ng mga nakatataas sa kanilang kompanya.

“Catherine, ikaw ang nag-refer kay Malou dito sa atin, hindi ba?” tanong ni Ms. Lalaine, ang head ng kanilang site.

“Yes, ma’am. Ako nga po. Bakit po? May nagawa po ba siyang mali?” nangingiting tanong naman ni Catherine. Madalas kasi ay puro papuri ang naririnig niya sa bibig ng iba pang boss doon patungkol kay Malou.

“Nako, wala! Good job ka nga sa pagdala sa kanya rito. Talagang magaling siya sa ginagawa niyang trabaho. Ang katunayan nga’y nitong umaga lang ay may natanggap na naman siyang commendation o papuri mula sa isang Australyanong customer na kausap niya kanina. Nakakailan na siya ngayong buwan! Talagang mahusay!” nakangiting sagot naman ni Ms. Lalaine.

Halos mangiwi sa inis ang mukha ni Catherine dala ng labis na inggit. Kung noon ay siya ang palaging nangunguna, ngayon ay palagi na lamang siyang nasasapawan ni Malou sa trabaho. Noong nakaraang buwan lamang bago niya ipasok si Malou ay kinausap siya ng kanyang Team Leader upang sabihin ang natutunugan nilang promosyon para sa kanya. Ngunit tila ba burado na sa hangin ang promosyon na iyon sa pagdating ni Malou.

“Bwisit! Akala mo kung sino, e ako naman ang nagpasok sa kanya rito!” bulong ni Catherine sa sarili habang papauwi. Napangiti siya nang lubos nang makaisip ng paraan upang makaganti sa kaibigan.

Dahil magkaiba sila ng day-off ni Malou, naisipan niyang pumunta sa bahay nito kung saan naroon ang mister ni Malou na wala ring pasok tuwing Sabado. Nagsuot ng napaka-iksing palda at saksakan ng babang pang-itaas si Catherine upang subukang agawan ng asawa si Malou.

“Markus?” paulit-ulit na sabi ni Catherine habang kumakatok sa labas ng pintuan ng bahay ni Malou.

Nanlaki naman ang mata ni Markus sa pagbukas niya ng pinto nang makita ang halos hubad nang katawan ni Catherine.

“Oh, Catherine? Bakit napadaan ka? Wala si Malou rito, hindi ba’t may pasok siya kapag araw ng Sabado?” sagot naman ni Markus sa babae. Hindi niya maiwasang mapatingin sa lumuluwa nitong dibdib.

Napangiti si Catherine nang mapansin ang tingin ni Markus sa kanyang katawan. Malakas ang kutob niyang madali lamang niyang makukuha ang lalaki. Isa pa’y wala rin ang anak ng mag-asawa dahil hiniram daw ito ng mga magulang ni Malou, kaya naman alam niyang madali niyang maisasagawa ang lahat ng kanyang paghihiganti.

“May gusto lang akong sabihin sa’yo. Pwede ba akong pumasok?” sagot ni Catherine habang pilit na ginagawang senswal ang kanyang boses.

Takang-taka naman si Markus ngunit agad niya ring pinapasok ang babae. Alam niyang malaki ang utang na loob nila rito sa pagpasok nito sa trabaho kay Malou.

Inabutan kaagad ni Markus ng isang baso ng malamig na juice ang babae, ngunit matapos ang isang higop mula sa basong iniabot sa kanya’y bigla niyang sinunggaban ng halik ang mister ng kanyang kaibigan.

“Ho- hoy! Cath! Ano- anong ginagawa mo?!” sigaw ni Markus habang pilit na nagpupumiglas sa yakap ni Catherine.

“Sus! ‘Wag ka nang magpanggap. Alam ko namang gusto mo ito! Heto oh! Wala ang misis mo nito, ‘di ba?!” pagpupumilit ni Catherine habang pilit na inilalagay ang kamay ng lalaki sa kanyang dibdib.

“Tang*na! Sabi nang tumigil ka e!” sigaw ni Markus sabay tulak nang malakas sa babae. Sa lakas ng bisig ni Markus ay napatalsik ito sa lapag.

“G*go ka ah! Kahit na walang nangyari, sasabihin ko kay Malou na hinalikan mo ako!” pagbabanta ni Catherine sa lalaki.

Akala niya’y tagumpay siya sa pananakot sa lalaki, ngunit nagulat siya nang bigla na lamang itong tumawa ng malakas.

“Ano?! May nakakatawa ba?”

“Inggit ka sa asawa ko kasi magaling siya sa trabaho ‘no? Naungusan ka kahit matagal ka na sa kompanya niyo at baguhan pa lang siya? Kaya gusto mo kong gamitin para makaganti kay Malou?” natatawang tanong ni Markus sa babaeng nakasalampak pa rin sa sahig.

“Oo! Oo na! Siya na ang magaling! Pero kapag sinabi kong hinalikan mo ako? Ha! Mawawarak ang puso nun! Baka di pa makapasok sa trabaho!” mayabang na sagot ni Catherine.

Ngunit natigilan siya nang biglang ituro ni Markus ang isang maliit na camera na nakadikit sa pader ng mag-asawa. May CCTV pala sa loob ng bahay na magpapatunay sa kung ano ang tunay na nangyari.

“Kahit pa walang CCTV, hinding-hindi kita papatulan ‘no! Mahal na mahal ko ang asawa ko, at kailanma’y ‘di ko siya ipagpapalit lalong lalo na sa gaya mo!” sigaw ni Markus sa babae.

Dala ng labis na pagkapahiya ay nagtatakbo palabas ng bahay si Catherine, habang malakas naman ang pagtawa ni Markus.

Nang makauwi si Malou, ikinwento ni Markus ang buong pangyayari habang ipinapanood kay Malou ang CCTV footage ng nangyari kanina. Hindi naman makapaniwala si Malou na kayang gawin iyon ni Catherine, kaya naman naisip niyang komprontahin ito sa trabaho kinabukasan.

Ngunit kinabukasan ay agad niyang nabalitaan na nagfile raw ng immediate resignation si Catherine, at kahit tawagan niya sa cellphone ay hindi ito sumasagot.

Nagtuloy-tuloy ang pag-unlad ni Malou sa trabaho, habang mas lalong sumaya ang relasyon nila ni Markus bilang mag-asawa. Habang bali-balita ay hindi pa rin natatanggap sa trabaho si Catherine dahil sa ginawa nitong pag-abandona sa nakaraang trabaho. Ang bilis nga naman ng karma.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.